Ramdam ang galit ng ilang female celebrities na nakiisa sa pananawagan ng hustisya at pagkondena sa rape victim-blaming kaugnay ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera.
Si Christine, 23, ay natagpuang walang buhay sa bathtub ng isang hotel sa Makati City nitong January 1.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, natukoy na aneurysm, o pagputok ng pangunahing ugat sa katawan, ang ikinasawi ng dalaga.
Gayunman, sinabi ng Makati City Police na may mga pasa at galos sa katawan si Christine.
May indikasyon din daw, ayon sa pulisya, na nagkaroon ng sexual contact ang dalaga bago ito pumanaw.
A CASE OF RAPE-SLAY?
Dahil dito, naghinala ang pulisya na halinhinang ginahasa ‘tsaka pinatay si Christine.
Pawang suspek sa krimen ang 11 lalaking kasama ni Christine sa dinaluhang New Year’s Eve party sa parehong hotel nitong December 31.
Tatlo sa 11 suspek ang naaresto at kinasuhan ng rape with homicide—isang non-bailable criminal offense na may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo.
Kinilala sila ng pulisya na sina John Pascual Dela Serna III, 27; Rommel Daluro Galido, 29; at John Paul Reyes Halili, 25.
Pinaghahanap ng pulisya ang iba pang suspek—na ang mga pangalan, litrato, at screenshots ng social media accounts, ay paulit-ulit na nire-repost ng netizens simula pa nitong Lunes, January 4.
Alipin ng matinding galit at emosyon ang netizens na nakikisimpatiya sa sinapit ni Christine, kaya tuluy-tuloy sila sa pagpapa-trend ng #JusticeForChristineDacera, #StopVictimBlaming, #ProtectDrunkGirls, #RapeIsRape, #MenAreTrash, #TangInaNyo, at #DeathPenalty.
FEMALE CELEBS DENOUNCE VICTIM-BLAMING
Maging ang ilang celebrities ay nakikiisa sa panawagan ng netizens ng hustisya para sa sinapit ni Christine.
Kasabay ng pag-apela ng katarungan para sa flight attendant, mariin ding kinondena nina Jennylyn Mercado, Frankie Pangilinan, Andrea Brillantes, Bianca Gonzalez, Cristine Reyes, Andi Eigenmann, at Barbara Ruaro ang talamak na victim-blaming ng ilang netizens sa mga biktima ng panggagahasa.
Ilang netizens kasi ang nagawa pang sisihin si Christine sa sinapit nito.
Ipinunto ng ilan ang pakikipag-inuman at pakiki-party ng flight attendant kahit pa siya lang ang nag-iisang babae sa grupo.
JENNYLYN: “THERE IS NO EXCUSE TO RAPE”
Sa isang tweet ngayong Martes, January 5, kinontra ito ni Jennylyn, 33.
Para sa Kapuso actress, tanging ang “rapists” lang ang dapat sisihin sa anumang insidente ng panghahalay dahil, “There is no excuse to rape.”
Dagdag ni Jennylyn: “Everytime you blame the victim, you take the side of the rapist.”
Giit niya: “Stop victim blaming. #JusticeForChristineDacera”
Sa isa pang post, nag-tweet si Jennylyn ng mensahe niya para kay Christine: “Have a safe flight to heaven Christine.
“We will make sure that you get the justice you deserve.
“The whole truth will come out. #JusticeForChristineDacera”
FRANKIE: “WE WOULD PREFER RESPECT OVER PROTECTION”
Mariin ding tinuligsa ni Frankie ang victim-blaming, partikular sa mga dumanas ng sexual assault.
Si Frankie, 20-year-old na anak nina Sharon Cuneta at Senator Kiko Pangilinan, ang nagpasimula ng #HijaAko Movement sa Twitter noong June 2020 laban sa sexual offenses sa kababaihan at kalalakihan.
Tweet ni Frankie nitong Lunes ng gabi (published as is): “it is never the clothes, never the drinks — never the victim, period.
“it is always, ALWAYS, the rapist’s fault.”
Kinuwestiyon din ni Frankie ang trending na #ProtectDrunkGirls.
Ayon sa kanya, nakakalungkot na ang kababaihan “have to be ‘protected’.”
Nangangahulugan daw kasi ito na “this kind of danger is inevitable, when it’s not.”
Aniya, hangovers lang dapat ang dapat pinoproblema ng kababaihang nasobrahan sa inom ng alak, at hindi ang panganib na pagsasamantalahan ng rapists ang kanilang kalasingan.
Mensahe niya sa mga magulang: “teach your fkin kids not to rape people, let us deal with the hangovers.”
Muling nag-tweet si Frankie laban sa nabanggit na hashtag.
Aniya, sa halip na manawagan ang netizens ng proteksiyon para sa kababaihang nalalasing, mas dapat daw umapela ng respetong karapat-dapat para sa kahit sino.
Kung may respeto lang sana raw ang lahat sa kanilang kapwa, “christine dacera shouldn’t have needed protection.
“enough of that dialogue.
“she was a woman who deserved basic, human decency.”
Ulit ni Frankie, respeto at hindi proteksiyon ang kailangan ng lahat ng babae.
“we would prefer your respect over your protection.
“we’re not pretty things that need constant guarding.
“we’re human beings.”
BARBARA: “TO MY RAPIST… SHAME ON YOU.”
Ang indie film actress at women’s right advocate na si Barbara, naka-relate sa sinapit ni Christine.
Nabiktima rin kasi siya ng iba’t ibang uri ng domestic abuse, sa kamay ng taong mahal niya, mahigit isang taon na ang nakalipas.
Ngayong Martes, ibinahagi ni Barbara sa kanyang Instagram Story ang art card ng Follow The Trending Movement (FTTM) Philippines laban sa rape victim-blaming.
Mababasa sa art card: “Cause of rape: Rapists
“NOT short skirts, drinking, a promiscuous past, flirty behavior, night time, or walking alone.”
Ang caption ni Barbara ay idinirekta niya sa lahat ng nang-aabuso sa kababaihan, kabilang ang mismong nambiktima sa kanya noon.
“To my rapist and to all the rapists, abusers, and monsters out there SHAME ON YOU. #ProtectDrunkGirls #endviolenceagainstwomen”
ANDREA: “PAALALA LANG PO PARA SA MGA K*PAL”
Ni-repost ng Kapamilya teen actress na si Andrea, 17, ang parehong art card ng FTTM sa kanyang Instagram Story.
Maiksi, prangka, at ramdam ang galit sa caption dito ni Andrea: “Paalala lang po para sa mga k*pal”
Sinundan ito ni Andrea ng dalawa pang art cards kontra victim-blaming at may #JusticeForChristineDacera.
Caption ni Andrea: “For the people who keep blaming Ms. Christine, why don’t you guys start your year right and END VICTIM BLAMING?!”
Sa isa pang Instagram Story, binigyang-diin ni Andrea na hindi kailanman dapat sinisisi ang biktima ng panghahalay: “Always. The. Rapist. ALWAYS.”
BIANCA, ANDI, CRISTINE VS RAPISTS
Tulad nina Jennylyn, Frankie, Barbara, at Andrea, pinaalalahanan din nina Bianca, 37, Andi, 30, at Cristine, 31, ang kani-kanilang social media followers na hindi tamang isinisisi sa rape victim ang nangyari sa kanya.
Ang tatlo ay pawang may mga anak na babae.
Tweet ni Bianca nitong Lunes: “Rape happens because of rapists, not because anyone ‘asked for it’ [broken heart emoji] #JusticeForChristineDacera.”
Si Andi, idinaan sa Instagram Story ang opinyon niya sa issue.
Saad sa art card na ibinahagi ni Andi: “It’s never about the clothes, the situation, or the sobriety, it starts and ends with a rapist.
“#JusticeForChristineDacera #StopVictimBlaming #ProtectGirls”
Sa art card na nasa Instagram Story ni Cristine, para bigyang linaw ang punto kontra victim-blaming, ibinigay na halimbawa ang kuwento ng panggagahasa kay Maria Clara.
Si Maria Clara ang isa sa mga bida sa popular na nobela ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal, ang Noli Me Tangere.
“Maria Clara was raped…when she was in convent…by a priest,” mababasa sa art card na ini-repost ni Cristine.
“It was never on the clothes.
“Nor on the behavior.
“Nor on the situation.
“It’s always the rapist.”
SEPARATE PROBE
Samantala sa isang pahayag ngayong Martes, sinabi ng Commission on Human Rights (CHR) na “deeply concerned” ito sa kaso ni Christine.
Dahil dito, magsasagawa raw ng sariling imbestigasyon ang CHR sa kaso.
"CHR stands for the protection of women in all fronts of life and echoes the call for justice for Christine Angelica Dacera.
“This case cannot be regarded as solved until justice has already taken its due course and that the perpetrators are held to account,” saad sa statement ng CHR.
Kasabay nito, nagpahayag si Justice Secretary Menardo Guevarra ng kahandaang pakilusin ang National Bureau of Investigation (NBI) para magsagawa ng sariling imbestigasyon sa kaso kung kinakailangan.
“But we'll let the PNP do the initial investigation here,” sabi ni Secretary Guevarra.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.