“It’s everything.”
Bahagi ito ng paliwanag ni Sunshine Dizon, na iginiit kung gaano kahalaga ang pagmamahal sa sarili bago pumasok sa isang relasyon.
Natanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Kapuso actress sa virtual press conference ng GMA-7 teleseryeng Magkaagaw nitong Huwebes, January 14.
Ayon kay Sunshine, hindi selfishness ang unahing mahalin ang sarili, kundi proteksiyon ito sa sarili pagdating sa pakikipagrelasyon.
Buong paliwanag ng 37-year-old actress, “It’s everything. Hindi ka dapat nagsi-share ng anything kung hindi ka buo.
“Kasi pag nabawasan ka na, parang paano ka tatayo kung hindi ka buo, di ba?
“So, ultimately, it’s not selfishness. Mahalin mo muna nang buong-buo at sobra-sobra ang sarili mo so that you can also give that [to others].
“You can also share that kind of love to others.
“And I think maraming tao ang nakakalimot niyan, na to a point na nauubos ka na.”
May self-love na ba si Sunshine?
“Madami. Punong-puno!” sagot ni Sunshine, sabay tawa.
“Sobra-sobra, which is dapat naman. Especially pag babae.”
Handa na ba siyang magmahal muli?
“Not at this point in my life,” mabilis na sagot ni Sunshine.
“Because, well... technically, I’m still married.
“I am not legally separated and… basta, ang akin ngayon, ang focus ko maayos ang mga anak ko, at masaya sila.
“Okay na muna ako doon.
“'Tsaka there are other things with regards to my career na gusto kong pagtuunan ng pansin, at bigyan din ng focus, so unahin ko muna 'yon.”
Bukod sa teleseryeng Magkaagaw, pinasok na rin ni Sunshine ang pagdidirek at pagpoprodyus sa telebisyon.
May mga post siya sa Instagram na nagpapakita ng kanyang pagiging associate director ng ginagawang TV series.
Katuwang niya rito ang film-TV director na si Mark Reyes.
Ipoprodyus ng kanilang production outfit na Sang’gre, Inc., na kinabibilangan din nina Iza Calzado, Karylle, at Diana Zubiri.
Nagkasama at naging magkakaibigan ang apat na aktres sa GMA teleseryeng Encantadia (2005), kung saan si Mark ang nagsilbing direktor.
SUNSHINE dizon’S MARITAL ISSUE
Matatandaang pumutok ang balita tungkol sa marital issue ni Sunshine at asawa nitong si Timothy Tan noong June 2016.
Inakusahan ni Sunshine si Timothy ng pagkakaroon umano ng mistress, na pinangalanan niyang si Clarisma Sison.
Sinampahan ni Sunshine ng dalawang kaso ang asawa: Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) o R.A. 9262 at concubinage.
Kinasuhan din ng aktres ng concubinage ang sinasabing mistress ni Timothy.
Pero pagsapit ng January 2017, iniurong ni Sunshine ang dalawang kasong ito laban sa asawa, pati na rin kay Clarisma.
Pero sinabi noon ni Sunshine na magpa-file siya ng annulment para sa kasal nila ni Timothy.
Noong April 2018, sa seventh birthday ng anak na babae nila ni Timothy, nag-post si Sunshine ng kanilang family picture.
Nabanggit ni Sunshine sa Instagram post na sinusubukan nilang ayusin ni Timothy ang kanilang relasyon.
Mensahe niya, "I cannot put a label on our status but what i’m sure of is that by law and more importantly God’s law i am still his wife.”
Pagsapit naman ng January 2019, ipinahayag ni Sunshine na may agam-agam siyang mag-file ng annulment ng kasal nila ni Timothy.
Noong February 2019, nasambit ni Sunshine sa PEP.ph na patuloy na dinidinig ang kaso niya laban kay Clarisma, pero hindi tinukoy kung anong kaso ito.
March 2019, natanong muli ang aktres kung nagkaroon na ba ng reconciliation sa pagitan nila ng kanyang estranged husband.
“I’d rather not talk na about my personal life,” sagot noon ni Sunshine.
Dugtong ng aktres, umiiwas lang siyang may masabing masasakit na salita ang publiko tungkol sa kagaya niyang artista.
“Kasi, parang it’s so unfair for us, public figure," himutok ni Sunshine.
"You share your life in public and, automatically, they think that they have the right to insult you or para makialam sa buhay mo."
Huling nausisa ng PEP.ph si Sunshine tungkol sa estado ng relasyon nila ni Timothy sa presscon ng Wagas noong August 29, 2019.
Natanong siya kung willing ba siyang magbigay ng second chance pagdating sa pag-ibig.
Sagot niya, “Mahirap ‘yang sagutin, honestly. But I always try to look at the positive side of life.
"And if it’s really the right time, then it will happen, di ba?
“It’s something that will innately happen. Hindi mo kailangang sadyain.”
Nabanggit ni Sunshine noon na “complicated” ang status ng relasyon nila ni Timothy, pero civil daw sila sa isa’t isa para sa kapakanan ng kanilang dalawang anak.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
