Sa edad na 17 anyos, pinasok na ni Alden Richards ang pag-o-audition bilang commercial model.
Dito nagsimula si Alden bago niya pinasok ang pag-aartista.
Kuwento ng 29 anyos na Kapuso A-lister, naging mahirap ang pinagdaanan niya bilang struggling commercial model noon.
Mas madalas daw kesa sa hindi, hindi siya pumapasa sa go-sees at auditions.
Nagkuwento si Alden sa “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga! noong Sabado, January 16, 2021.
Kabilang siya sa mga choices ng "judge" noong araw na iyon na si Ivan Mayrina.
“Actually, kasi every audition, mahirap siya kasi galing akong probinsya. Kailangan kong lumuwas ng Maynila,” pahayag ni Alden, na taga-Sta. Rosa, Laguna.
“So, yung pamasahe, 'yon yung number one concern. Kasi siyempre, not enough yung suweldo ng dad ko dun sa current job na nakuha niya.
“So, di na ako makahingi. So, dumidiskarte ako ng sarili kong paraan para pamasahe.”

Pinagsasabay raw noon ni Alden ang pag-aaral at auditions para makuha sa commercials.
“As a talent, meron kang agency magre-represent sa 'yo.
“Kumausap kami ng iba-ibang agencies kung may auditions o go-sees baka pwede kaming tawagan para makaluwas kami."
Isinasaalang-alang daw kasi noon ni Alden ang pamasahe at ang pag-aaral niya.
“Kasi siyempre, mahirap mag-schedule.”
Tanda pa ni Alden, mula sa kanilang subdivision ay sasakay siya ng traysikel papunta sa kanilang bayan.
Sasakay ng dyip papunta sa karatig-bayan at doon sasakay ng bus papuntang Maynila.
ALDEN richards AND HIS INSECURITIES
Madali ba siyang nakukuha noon sa auditions?
“Hindi,” sagot ni Alden. “Mas marami yung hindi.
“Minsan very depressing din kasi siya. Kumbaga, ang kalaban mo kasi yung pagkakataon, e, yung chance.
“Parang, ‘What if? What if hindi ka makuha?’ Sayang nga naman yung effort.”
Dahil daw sa kakulangan ng pera, nagpursige siyang ipagpatuloy ang auditions kahit walang kasiguraduhang makukuha siya.
“Iniisip mo kasi kung ano yung pwede mong makuha out of the audition.
“Kasi that time, malaki nang bagay yung magkaroon ka ng kita, kasi yung inaasahan lang namin noon, yung tatay ko, ‘tsaka yung ibang mga kamag-anak namin.
“So, malaking tulong [ang kita sa commercials].
“Yung drive ko para sikapin yung pag-o-audition, yung effort na ‘yon kahit di ako sigurado kung makukuha ako.”
Pag-amin pa ng Kapuso actor, malaking insecurity ang pagiging probinsyano niya noon kumpara sa kanyang mga kasabayang nag-o-audition din.
“Ang hirap siguro kasi tayo mga taga-probinsya… pag pupunta tayo sa Maynila, sobrang laki ng insecurity ko.
“Pagdating sa Maynila that time, siyempre pag taga-Maynila ka, iba ka, e, city boy ka, city girl ka.
“Ako, nung time na 'yon, sobrang insecure ako sa sarili ko.
“And at the same time, parang pag may mga ganoon akong nakakasama sa mga audition, nakakapanliit. Parang ang hirap.
“Siyempre, alam mo sa sarili mo na taga-probinsya ka, ‘Ano bang laban ko dito?’”
Sabi pa ni Alden, ang mga kasuotan niya noon ay “recycled” lamang.
“Mahirap talaga ang proseso ng pag-o-audition, especially pag commercial,” sabi niya.
HOW IT ALL BEGAN FOR ALDEN
Nagpursige raw si Alden na maging commercial model matapos pumanaw ang kanyang ina na si Rosario noong 2008.
“Nagsimula nung year na namatay yung nanay ko, doon talaga nagsimula lahat.
“So, parang yung dad ko, umalis siya sa trabaho niya for ten years para may makuha siyang pera para may pampalibing kami.
“Kasi hindi rin naman ganoon kalaki yung sahod ng tatay ko before.
“Na-realize ko na mayroon akong gawin as anak for the family.
“So, dito nag-start yung pagsali-sali ko sa school plays, ‘tapos sumali din ako sa pageants probinsya namin sa Laguna.
“Sta. Rosa muna ‘tapos naging Laguna eventually.”
Hinirang si Alden bilang Ginoong Sta. Rosa noong 2009 at Ginoong Laguna noong 2010.
“’Tapos doon na nag-start yung pagpunta-punta ko sa commercials, pag-o-audition. Dinaanan ko din yun from the start.”
Inalala pa ni Alden na ang una niyang commercial ay brand ng growth vitamin at sumahod siya ng P50,000.

“Malaki na ‘yon,” bida ng aktor.
“Nung kinita ko siya, thankful ako sa family ko na, at that early, at 17, hinayaan na nila akong hawakan yung sarili kong pera.
“So, tinatabi ko lahat ng mga kinikita ko sa commercial para sa emergency, para pampaaral ko rin. Kasi pinapaaral ko na yung sarili ko at 17, pambayad ng tuition…
Makalipas daw ang isang taon ay naoperahan si Alden dahil sa appendicitis, at ang kinita niya mula sa tatlong commercials ang ginastos bilang pampaospital.
“Pag emergency, kailangan talagang may huhugutin ka. Siyempre, kasi ang ending namin, baka mabaon na kami sa utang pag pinang-utang pa namin yung pang-ospital ko.”
ALDEN GETS EMOTIONAL
Ipinagmamalaki raw ni Alden ang mga pinagdaanan niyang ito.
“Thankful din ako during that time, nagkakaroon ako ng mga ganoong opportunities kasi, at least…
“Hindi kami sigurado, ‘Paano bukas? Paano pag may emergency?’”
Sa puntong iyon ay naluha si Alden.
“Sobrang thankful lang ako sa mga naging experiences ko nung bata ako kasi parang, looking back, mahirap lang kasi kami, e.
“Ang sarap lang sa feeling na nagbubunga yung mga paghihirap ko simula nung magsimula akong magtrabaho.
“And parang masaya din ako kasi yung pamilya ko ngayon, komportable na.
“Yun ang pinagpapasalamat ko, and talagang pag hindi mo pinaghihirapan ang isang bagay, hindi mo malalaman kung paano yung totoong value niya.
“Masaya ako dun sa journey na iyon and hindi ko ipagpapalit 'yon. At kung may re-do ng mga nakaraan, wala akong babaguhin doon kasi binuo ako nun.”
Pinasok ni Alden ang pag-aartista sa bakuran ng GMA-7 noong 2010 at napasama sa mga TV series at TV projects.
Sa paglipas ng mga taon ay unti-unting nakagawa ng pangalan si Alden.
Gayunpaman, umalagwa ang kanyang showbiz career nang maging bahagi ng AlDub noong 2015.
Ang AlDub ay ang sumikat na tambalan nila ni Maine Mendoza.
Pagkalipas ng higit tatlong taon ay nagkahiwalay ang landas nila ni Maine, pero nananatili silang dalawa sa mga pinakatanyag na artista ng Kapuso network.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
