Siguradong ngayong 2021 magaganap ang kasal ng aktres na si Ara Mina at ni PITC Undersecretary Dave Almarinez, pero wala pang eksaktong petsa.
Nasa lock-in taping pa kasi ng FPJ's Ang Probinsyano si Ara, pero pagkatapos ng taping ay makikipag-meeting na raw siya sa kanilang wedding coordinator para mapag-usapan ang lahat na detalye ng kasal.
“Basta ang sabi sa akin ng coordinator, ‘Dave wants to give you your dream wedding,” nakangiting pahayag ni Ara nang nakapanayam namin via Zoom sa programang Showbiz Talk Ganern ng DZRH noong Biyernes, January 15.
Ang gusto sana ni Ara ay destination wedding pero hindi naman kalayuan sa Maynila.
“I want a destination wedding pero dito lang din naman sa Philippines. Pero mas garden wedding than beach,” pakli ng 41-year-old actress.
Gusto rin daw niyang masunod ang gusto ni Dave na makasal sa simbahan dahil Katoliko ito at ang pamilya nito.
Kaya isa raw sa pag-uusapan nila ng wedding coordinator ay ganapin ang kasal sa isang garden pero may chapel.
“He’s Catholic, e, I’m Christian. Pero since Catholic siya, dun na ako sa religion ng magiging asawa ko.
“Gusto rin niya kasi na makasal sa church.
“Yung garden na may chapel… iyon nga ang pagmi-meeting-an after this taping.
“First time din niya kasi gagawin 'to… gusto niya na makasal sa church,” sabi pa ni Ara.
Ang mahalaga raw ay makasama nila ang kani-kanilang pamilya at ang ilang malalapit na kaibigan.
PAST CONTROVERSY
Hindi namin pinalampas ang panayam kay Ara na hindi siya mahingan ng pahayag sa kontrobersiyang kinasangkutan niya nang unang napabalita ang relasyon nila ni Dave noong 2018.
Pinagpiyestahan ang isyung iyon kung saan nasangkot ang movie producer na si Rina Navarro, na dating fiancée ni Dave.
Nanahimik si Ara noong panahong iyon bilang respeto na lang daw kay Dave.
Saad niya, “Siguro yung pananahimik ko, I guess it’s respect for Dave.
"At saka…alam mo yun, as you grow older at sa tagal ko sa showbiz, parang buong buhay ko open book na, e.
“Parang mas pinili ko maging private at... kumbaga, gusto ko ng tahimik na buhay.
“Ayoko ng… alam mo naman ako, hindi naman ako palaaway.
“Kung… whatever na kahit na anong pinagsasabi sa akin ng ibang tao, ano na, e, dun na ako sa point na I don’t care anymore.
“As long na alam ko tama yung ginagawa ko. As long na nirerespeto ko ang mga taong nasa paligid ko.
“Pag may anak ka na kasi, kailangan lahat ng actions mo, pag-isipan mo. Hindi yung bira ka na lang nang bira sa media, dahil iisipin mo yung anak mo. Yung ganun.
"Yun lang. Let’s all move on… that's all I can say,” pahayag ni Ara.
ara mina ON HAVING A BABY
Samantala, bukas si Ara sa posibilidad na magka-baby muli at mabigyan ng kapatid si Mandy.
Tingin niya ay pwedeng-pwede pa siyang magkaanan at hindi pa niya kailangang magpa-freeze ng kanyang eggs.
Nabanggit namin kay Ara na nagpa-freeze na ng eggs niya si Angel Locsin, 35, para puwede pa siyang magka-baby.
“I think pwede na hindi na ako dumaan sa ganung process kasi nagkaanak na ako.
“It’s hard kasi especially sa mga hindi pa nagkakaanak. Hindi mo pa kasi masasabi kung kailan siya makakabuo.
“Dati, nung wala pa akong boyfriend naisip kong mag-freeze ng egg. Medyo nagtatanong na ako.
"Kasi natatakot din ako na baka mamaya, 48 na ako, wala pa rin.
"Pero I think, ano naman… mukhang kaya ko pa,” saad ng aktres.
Hindi pa masagot ni Ara kung magla-lie low siya sa pag-aartista kapag may asawa na siya. Gusto raw niyang mag-focus sa kanyang pamilya.
Ang maganda lang daw sa kanyang mapapangasawa ay hindi nito pinapakialaman ang kanyang pag-aartista. Suportado naman daw siya nito sa lahat na ginagawa niya.
“What I like about him, hindi niya pinipigilan ang trabaho ko. Hindi niya pinapakialaman.
“He’s very supportive. Kaya kita mo nag-adjust siya ng proposal niya para lang sa taping ko,” sabi pa ni Ara.
Bukod sa kanyang pag-aartista ay abala rin naman daw siya sa mga nasimulan niyang negosyo na maganda naman daw ang kita.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika