Mukhang nasagad na si Jomari Yllana sa social media rants ng kanyang dating live-in partner na si Joy Reyes.
Ang latest na hinaing ni Joy ay ang hindi umano pagbabayad kaagad ni Jomari ng electric bill na lumagpas sa isandaang libong piso kaya naputulan sila ng kuryente.
Inakusahan ni Joy si Jomari ng pagpapabaya umano sa kanilang dalawang paslit na anak.
Ipinagtataka raw ni Jomari kung bakit ganun kalaki ang inabot ng bill nina Joy gayong ang kasama lang nito sa bahay ay ang kanilang mga anak at ilang kasambahay.
Sabi pa ni Jomari sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong January 18, nag-iimbita pa raw si Joy ng mga lalaking kaibigan sa bahay.
Nagkukulong din daw si Joy at ang lalaki sa kuwarto. Ito raw marahil ang dahilan kung bakit lumobo ang electric bill nito dahil ginawa raw "motel" ang bahay na binabayaran pa rin ni Jomari hanggang ngayon.
Kaya iniisip daw ngayon ng actor-politician na gumawa ng legal na aksyon upang makuha ang kustodiya ng knyang dalawang anak.
Sabi ni Jomari, “Ako, I’m all for my kids. I love my kids, I love my children, I miss them so much.
“I’m going to fight for my children, ‘no, ipaglalaban ko 'yan.
“Itaga mo sa bato. Hindi ako titigil hanggang yung custody ng anak ko ay hindi napupunta sa akin.”
BLOCKED COMMUNICATION LINES?
Isa rin sa himutok ni Joy base sa kanyang Instagram post noong January 15 ay ang kawalan umano ng linya ng komunikasyon niya kay Jomari. Binlock daw kasi siya nito sa lahat ng uri ng communication platforms.
Pero pinabulaanan ito ng Parañaque first district councilor.
Ani Jomari, “Sabi niya wala kaming communication? August, hiniram ko yung anak ko, hiniram siya ng lola ng mga bata, hinihiram.
“Nung nalaman na sa Parañaque dadalhin, ang sabi, ‘No, thank you.’
“Nung Halloween, hiniram namin, ang sagot sa amin, ‘No, thank you’ din.
“December, Christmas, New Year, gusto ko makasama ang mga anak ko, ang sagot sa akin, ‘No, thank you’ din.
“'Tapos sasabihin niya, kaya siya naputulan kasi lack of communication at binlock ko yung communication?
“That’s not true. It’s all fake."
Jomari Yllana FILING A COMPLAINT VERY SOON
Giit ni Jomari, hindi na akma ang bahay na tinitirhan ng kanyang mga anak kay Joy.
Sabi nito sa PEP.ph, “That house is not healthy for my children. So ako, I gave her the chance to be a mother, to be a responsible parent. So far, sablay talaga.
"Ako, I love my children, I want what’s best for my children.
“Meron lang akong isang anak na panganay, kuya nila na panganay, si Andre," pagtukoy ni Jomari kay Andre Yllana, anak niya sa dating asawa na si Aiko Melendez.
Aniya, "Honestly speaking, I can say na napalaki naman namin ni Aiko na maayos yung bata.
“Pagdating kay Fangio at saka kay Ayrton, anak ko yung mga iyon, mahal na mahal ko yung mga yun. Ipaglalaban ko 'yang mga 'yan.
“Very soon, I’ll file a custody case, and I’ll see you in court.”
Mensahe pa niya kay Joy, “Tumigil ka na. Andito lang ako, sabi mo nga public servant, di ba?
“Meron bang public servant na nagsasara ng pinto sa kahit sinong mga tao?
"'Tapos huwag mo na akong siraan. Hindi maganda 'yan para sa mga anak ko."
Dagdag niya, “'Tsaka ano, aminin mo na yung totoo mong personalidad. Yung totoo mong apelyido.
“Dati kang may asawa, di ba? Tatlo na yung mga naging anak mo.”
Hinala pa ni Jomari, lumaki ng ganun ang electric bill sa bahay dahil baka doon na rin nakatira ang tatlong anak ni Joy sa dating asawa.
Aniya, “So, kung nakatira kayo lahat, at tatlo yun at kung kasama mo yung dati mong asawa diyan, o kung ginagawa mong negosyo 'yang bahay na 'yan, tigilan mo na.
"At saka huwag mo na ako idamay diyan. Ayusin mo 'yang buhay mo."
