“Too good to be true.”
Ganito ilarawan ng ilang netizens ang isang bagong social media application kung saan nag-e-enjoy ka na, kumikita ka pa.
Ito ay ang LYKA, isang free mobile app na gumagamit ng digital point system sa engagement ng users.
Sa LYKA, kumokolekta ng GEMs (gift cards electronic mode) ang users at naipapalit ito “as good as cash” sa partner establishments ng app, ayon sa top tech website na yugatech.com.
Noong nakaraang linggo, nag-trending ang LYKA sa Pilipinas matapos itong mabanggit ng actress-social media star na si Ivana Alawi sa kanyang vlog nitong January 10.
Sa vlog, sinorpresa ni Ivana ang inang si Fatima Marbella ng isang brand-new Ford Expedition, na nagkakahalaga ng PHP3.7 million.
CELEBS AS LYka APP USERS
Ayon kay Ivana, 24, ang kinita raw niya mula sa GEMs ng app ang ipinambili niya sa nabanggit na SUV (sports utility vehicle).
Noong November 2020, sabay na ipinost ng Kapuso couple na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos ang litrato ng bagong white Vespa scooter ng aktor.
Mababasa sa caption ni Gabbi (published as is): “the bb has a new bb!
“combined our gems, thanks to @lyka.global.”

Si Carlo Aquino, tinag din ang app sa Instagram post niya noong October 20, 2020.
Batay sa caption ng litrato ng 35-year-old actor, katatapos lang daw ng kanyang “cashless purchase” sa isang store ng mga audio equipment.

Bukod kina Ivana, Gabbi, Khalil, at Carlo, gumagamit din ng parehong app sina Janella Salvador, Ruffa Gutierrez, Arci Muñoz, Billy Crawford, Coleen Garcia, at iba pang celebrities.
Madalas nilang pasalamatan at i-tag ang app sa kani-kanilang social media posts tungkol sa mga produkto at serbisyong kanilang na-avail.
THE INCOME-GENERATING APP
“Social Wallet” ang isa pang tawag sa LYKA app—na ang tanging kaibahan sa iba pang social media platforms ay ang pagkita ng pera ng users nito.
Halos magkapareho ang features at function ng LYKA at Instagram.
Pero sa LYKA, awtomatikong nabibigyan ng GEMs, o “gems” (diamond icon ang simbolo nito), ang users kapag nag-a-upload ng litrato at video.
Tatanggap din ng gems ang users tuwing nagre-rate ito ng posts ng iba pang users, at kapag nakakakuha ng ratings ang kanyang posts.
Kung likes ang termino ng reaksiyon sa ibang social media apps, “max rate” o MR ang tawag sa reaksiyong nakukuha at ibinibigay sa mga posts sa app na ito.
Ibig sabihin, kung mas madalas ang engagement at interaction ng isang user sa iba pang gumagamit ng app, mas makakaipon siya ng gems.
Ayon sa yugatech.com, ang bawat isang gem ay piso ang katumbas.
Ang mga naipong gems ay parang pera na magagamit ng users sa iba’t ibang partner establishments ng app.
Gamit ang QR code, maibabayad ang gems sa maraming restaurants, clothing, appliance, gadgets, at furniture stores, at maging sa car dealerships—tulad ng ginawa ni Ivana.
“SCAM” COMPLAINT
Kasabay ng pagte-trending ng LYKA dahil sa vlog ni Ivana, lumutang online ang reklamo ng isang Reddit user.
May suspetsa ang netizen na“scam” ang bagong mobile app na ito.
Ang post ng Reddit user ay noon pang July 2020 in-upload.
Nagpakilalang mobile developer ang netizen, na iOS 14 Beta raw ang gamit na mobile phone software nang i-download ang LYKA.
Aniya, sa iOS 14 ay may lumilitaw na green indicator sa status bar kapag ina-access ng isang app ang camera.
Orange naman daw ang nasa status bar kapag lokasyon ng app user ang ina-access.
Kuwento ng Reddit user, ginagamit niya ang LYKA nang mapansin niya ang green indicator sa status bar ng kanyang mobile phone.
“It means the app is accessing my camera in the background,” anang netizen.

Nung na-minimize daw ng netizen ang app, napansin naman niya ang “microphone symbol” sa kaliwang bahagi ng status bar.
“Sa mga non-iPhone users po dito, lumalabas ito tuwing nagre record ka ng screen, capture video, or record microphone,” paliwanag ng Reddit user.

Dagdag pa ng netizen, napansin din daw niyang “grabe uminit yung phone ko” habang ginagamit niya ang app.
Aniya, umiinit lang daw ang gamit niyang Apple phone “under intensive usage like camera app or video recording,” kaya lalo raw siyang nagsuspetsa.

Sa discussion thread, isa pang netizen ang nagsabing “nakakatakot” na hindi raw nito ma-delete ang na-download na LYKA app.

Ang isa pa, sinabing sa simula pa man ay “sobrang nagtataka” na siya kung paanong “kikita sa pagse share lang” sa nabanggit na app.
Sagot sa kanila ng Reddit user, sa simula pa man daw ay may duda na siya sa “too good to be true” na features ng app.

LYKA ANSWERS COMPLAINT
Sa official statement ng LYKA nitong January 14, sinagot nito ang reklamo ng Reddit user anim na buwan na ang nakalipas.
Inamin ng kumpanya na nagkaroon ng “glitch affecting iOS 14,” pero ito raw “has already been fixed and resolved on the last update four months ago.”
Tiniyak ng LYKA na ang lahat ng personal information ng app users ay “kept strictly confidential.”
Ang anumang problema raw ay “continuously being monitored and addressed” dahil “LYKA will never put our users’ security at risk.”
Nag-hire pa raw ng mas maraming developers ang LYKA mula sa Europe at India upang mas ma-improve ang serbisyo at features ng app.
CYBERSECURITY EXPERT WARNs NETIZENS
Dahil sa mga reklamong tulad ng inilahad ng Reddit user, nagbabala si Angel Redoble, chief information security officer ng ePLDT, sa netizens sa paggamit ng mga social media app.
“The moment you download it and install the app, you are actually providing access to your whole smart phone,” sabi ni Redoble sa panayam ng TV5 news program na Frontline Pilipinas.
“Your photos, your videos and other information is there.
“And who knows, it [app] can also access your contacts.”
Ayon kay Redoble, dahil bago pa lang ang LYKA, wala pang masyadong impormasyon ang publiko kung nakakatupad ba ang app sa mga umiiral na regulasyon sa mga bansang gumagamit nito.
“With the LYKA mobile app, we don’t even know where the vendor is,” ani Redoble.
“We don’t know whether they are regulated or if they are strictly complying to data privacy laws, wherever they are.”
THE CREATOR
Ang American Silicon Valley investor na si Ryan Baird ang Chief Executive Officer (CEO) ng LYKA.
Ang Silicon Valley sa San Francisco Bay Area sa California sa Amerika ang itinuturing na global center ng high-technology innovation.
Doon kasi matatagpuan ang headquarters ng pinakamalalaking high-tech corporations sa mundo, tulad ng Facebook Inc., Apple Inc., Twitter, Netflix, eBay, Hewlett Packard Enterprise, at Tesla Inc.
Ayon sa news release website na PRNewswire, nasa Silicon Valley ang orihinal na headquarters ng LYKA app.
Sa Hong Kong naman nakabase ang headquarters ng LYKA sa Southeast Asia.
Southeast Asia netizens ang unang puntirya ng app.
Ayon sa LinkedIn profile ni Baird, March 2019 nang i-launch ang LYKA.
Kumbinasyon daw ito ng “commerce, community, and content,” ayon kay Baird.
Description ni Baird sa app: “With the power of big data, we enable entrepreneurial influencers to create authentic communities they’re passionate about and compensate them for their data.”
LYKA CEO Ryan Baird
Sa Instagram, wala pang blue verified badge ang nag-iisang Instagram account na nakapangalan kay Baird.
Naka-link sa kanyang profile ang website ng LYKA na www.mylyka.com.
