Makahulugan ang mga binitawang salita ni Vice Ganda tungkol sa “clown” at
"comedian" sa episode ng It’s Showtime nitong Miyerkules, January 20.
Sa "Tawag ng Tanghalan" segment sa ABS-CBN noontime show, napag-usapan ang pagpili ng isang contestant sa kantang “Clown” ni Emeli Sande at kung ano ang mensahe nito.
Hindi sinakyan ni Vice ang usapan, bagkus ay nagsalita siya tungkol sa "clown" at "comedian."
Tumitig siya sa camera at ganito ang sinambit: “Pero ako, hindi ako clown. I’m a comedian.
“At may kilala akong clown,” tumuro si Vice sa camera at saka tumawa.
Sabi pa niya, “I’m a comedian. You are the clown.”
Walang pinatungkulan si Vice, pero maagap ang mga netizen sa pagsasabing “shade” o patama raw niya ito kay Presidential Secretary Harry Roque.




Hindi rin malayong hirit ito ni Vice sa kanyang detractors dahil sa pagiging vocal niya sa controversial issues, gaya ng COVID-19 vaccine.
VICE ON VACCINES
Noon namang January 19, Martes, may dalawang hirit si Vice sa It's Showtime tungkol sa bakuna.
Una ay sa “Hide and Sing” segment.
Kinausap ni Vice ang contestants at tinanong kung gusto na nilang magpabakuna.
Tanong ni Vice sa contestant: “Number 3, gusto mo nang magpabakuna?”
Umayaw ang contestant number 3.
Inusisa ni Vice kung sino sa tatlong kalahok ang gustong magpabakuna.
“Okay ba sa inyo ang Sinovac?” sabay tawa ni Vice.
May isa pang beses na pabirong humirit si Vice: “Usapang bakuna pala. Vaklang twoaah!”
ANGEL’S POST ABOUT “BAKLANG KOMEDYANTE”
Samantala, nitong Miyerkules naging malaman ang Instagram Story ni Angel Locsin.
Maikisi lamang ang post ni Angel. Wala siyang binanggit na pangalan. Pero may mga indikasyong pagtatanggol ito kay Vice kaugnay ng isyu ng bakuna.
Caption ni Angel: “Ayos yung baklang komedyante, noh? Pinaglalaban ang tama at may malasakit sa tao.”
Kalakip ng post ni Angel ay isang My Little Pony cartoon horse. Kulay blue ito at kulay rainbow ang buhok at buntot.
Running joke kay Vice ang paghahambing sa kabayo. Ang tawag din niya sa kanyang fandom ay My Little Ponies.

VICE VERSUS ROQUE
Kamakailan ay nagpalitan ng pasaring sina Vice at Roque.
Kaugnay ito ng anti-COVID-19 mass vaccination program ng administrasyong Duterte na inaasahang sisimulan sa susunod na buwan.
Marami kasing Pilipino ang hindi komportable sa Sinovac vaccine mula sa China, na isinusulong ng current administration.
Kontrobersiyal ang bakuna dahil sa efficacy at safety issues.
Pinuna naman ni Roque ang pagiging “pihikan” ng mga Pilipino.
Maraming kilalang personalidad ang pumuna kay Roque, at isa nga rito si Vice.
Ganito ang tweet ni Vice noong January 12: “Sa sabong panlaba nga choosy tayo e sa bakuna pa kaya. Ano to basta may maisaksak lang?! Vaklang twoooaahhh!!!”
Pagkalipas ng isang linggo, may sagot si Roque kay Vice. Malinaw ang patutsada niya sa "komedyante."
Tahasang sinabi ni Roque: “Mali naman na ikukumpara ang bakuna sa sabon na panlaba.”
Paniniyak ng presidential spokesperson, maraming eksperto mula sa Food and Drug Authority (FDA) ang magte-test sa vaccine para matiyak na ligtas ito.
Hinimok niya ang madla na magtiwala sa mga eksperto.
Kung hindi raw pagtitiwalaan ang medical experts, “E, sino ang ating pagkakatiwalaan? Siguro po hindi ang mga komedyante.”
Inanunsiyo na ng pamahalaan na aabot sa 25 milyong doses ng Sinovac ang na-secure para sa mass vaccination.
May iba ring vaccine brands ang inaasikaso ng pamahalaan, pero mas mauuna ang doses ng Sinovac.
Samantala, hindi nakatulong ang pahayag ni Roque na “hindi pupuwede na pihikan dahil napakadaming Pilipino na dapat turukan.”
Katwiran ni Roque, limitado raw sa ngayon ang availability ng brand ng bakuna na mapagpipilian.
Marami ring senador ang pumuna kay Roque at kinuwestiyon ang pagsulong ng administrasyon sa Sinovac.
Ilan sa kanila ay sina Senators Panfilo Lacson, Miguel Zubiri, Grace Poe, Risa Hontiveros, Leila de Lima, Kiko Pangilinan, Franklin Drilon, at Joel Villanueva.
