Kung may isang pangyayari sa kanyang buhay na pinakakinatatakutan si Heart Evangelista, iyon ay ang pumanaw siyang nag-iisa.
Ibinunyag ito ng 35-year-old actress sa isang Instagram Q&A session nitong Miyerkules, January 27.
Sa Instagram Stories sinagot ni Heart ang mga tanong ng kanyang followers.
Isang fan ni Heart ang nag-usisa kung ano ang kanyang “biggest fear” sa buhay.
Ayon sa aktres, lagi siyang pinapaalalahanan ng asawang si Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero na kailangan niyang maging matatag.
Ito ay dahil madalas daw sabihin ng 51-year-old politician na mauuna itong pumanaw kaysa kay Heart.
Sixteen years ang gap nina Heart at Chiz.
Ikinasal sila sa Balesin Island noong February 15, 2015.
“I WILL BE STRONGER TO FACE THAT ONE MOMENT”
Kuwento ni Heart: “He doesn’t baby me whatsoever because he would tell me that he would go first… feel like crying every time he says that.”
Dahil sa sinasabing iyon ng asawa, batid daw ni Heart na may posibilidad na tumanda at pumanaw siyang nag-iisa.
“I know I will one day die alone… it’s my biggest fear,” ani Heart.
Sa kabila ng pangamba niyang ito, nakasisiguro naman daw si Heart na kapag dumating na ang panahong iyon, “I will be happy with all the memories I have and I will be stronger to face that one moment.”
Naniniwala rin daw si Heart na “heaven is real,” at sigurado siyang doon ang punta ng pet dog niyang si Panda sakaling pumanaw ito.
Hindi na raw mangangamba ang aktres kapag dumating na ang panahong iyon dahil “panda promised me that she will be there waiting for me so I won’t be scared.”
Kilalang dog lover at animal welfare advocate si Heart.

CHIZ BEING HEART’S “THE ONE”
Samantala, sa isang bahagi ng Q&A ay may Instagram follower na nag-usisa kung paanong napagtanto ni Heart na ang asawang si Governor Chiz na ang kanyang “the one.”
Sagot ni Heart: “Pinaglaban niya ako”
Itinuturing din daw ng aktres na “best friend” ang asawang si Chiz, na inilarawan niyang “kind, supportive, understanding – loved unconditionally.”

Hindi kaila sa publiko ang matinding pagsubok na pinagdaanan nina Heart at Chiz bago sila ikinasal.
Ito ay dahil sa lantarang pagtutol ng mga magulang ni Heart na sina Rey at Cecille Ongpauco sa relasyon ng aktres kay Chiz.
A LOVE AGAINST ALL ODDS
Sa katunayan, nagpatawag pa ng press conference ang Ongpauco couple noong March 19, 2013 upang isapubliko ang pagkontra nila sa relasyon ng anak sa noon ay senador na si Chiz.
Inakusahan ng mag-asawa si Chiz ng pagiging arogante, pagkalulong sa alak, at pagmamanipula umano kay Heart upang kontrahin sila bilang mga magulang.
Sa presscon, umapela pa ang ina ni Heart kay Chiz na lubayan na ang kanilang anak.
Gayunman, nanindigan noon sina Heart at Chiz na hindi sila maghihiwalay.
Nag-propose si Chiz kay Heart noong August 23, 2014, sa harap ng pamilya Escudero at ng ilang kaibigan ng aktres.
Dahil sa sigalot sa pagitan ni Chiz at ng Ongpauco couple, hindi dumalo sa kasal nila ang sinuman sa mga magulang ni Heart.
Makalipas ang tatlong buwan, nagkasundo-sundo rin si Chiz at ang mga magulang ni Heart.
Sa Instagram Q&A session ni Heart nitong Miyerkules, tinanong ng isang fan kung maituturing daw ba ng aktres na “love of your life” nito si Chiz.
Reply ni Heart sa fan: “Yes :) my destiny :)”

Si Governor Chiz ay may 13-year-old twins, sina Chesi at Quino Escudero, sa dating asawa si Christine Flores.
