Pinag-iisipang mabuti ni Manila Mayor Isko Moreno kung kakandidato siya sa pagkapangulo sa May 2022.
Ito ang inamin ng 46-year-old actor-politician sa isang online forum kasama ang mga estudyante ng Far Eastern University (FEU) ngayong linggo.
Ang footage ng forum ay in-upload nitong Huwebes, February 11, sa Iskovery Channel ng alkalde sa YouTube.
Sa forum, isang hindi nagpakilalang estudyante ng FEU ang nagtanong kung kakandidato ba si Mayor Isko sa presidential elections sa susunod na taon.
Sa nakalipas na mga buwan, lumutang ang posibilidad na tumakbong presidente ang dating teen star.
Ito ay makaraang manguna si Mayor Isko sa 2022 presidential survey ng Octa Research sa National Capital Region (NCR) noong December 9-13, 2020.
Sa nakuhang 19 percent, pinangunahan ng actor-politician ang listahan ng mga napipisil ng mga taga-Metro Manila para pumalit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Nag-tie sa second place sina former Senator Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa nakuhang 14%, kasunod ang mga senador na sina Grace Poe, Bong Go, at Manny Pacquiao.
Sa parehong Octa Research survey, top choice uli si Mayor Isko para bise presidente, kasunod sina Poe, Marcos, Duterte-Carpio, at Pacquiao.
Nauna rito, sa Pulse Asia survey noong November 23, 2020 hanggang December 2, 2020, pang-apat naman sa mga ibobotong presidente ng mga panahong iyon si Mayor Isko sa nakuhang 12%.
Nanguna sa survey si Duterte-Carpio (26%), kasunod sina Marcos (14%), Poe (14%), at Pacquiao (10%).
Sa nabanggit na Pulse Asia survey, nanguna uli si Mayor Isko sa mga vice presidentiables.
Dahil sa May 2022 pa ang eleksiyon, at sa last quarter pa ng taong ito ang paghahain ng kandidatura, tiyak na magbabago pa ang resulta ng mga nabanggit na survey sa mga susunod na buwan.
ALL POLITICIANS AIM “FOR THE HIGHEST POSITION”
Sa interview kay Mayor Isko ng CNN Philippines nitong January 3, 2021, sinabi ng alkalde na “wala” siyang planong kumandidato sa pagkapresidente sa 2022.
Pero sa forum ngayong linggo, aminado ang alkalde na kabilang siya sa mga pulitikong pinupuntirya ang “highest position sa gobyerno.”
“Lahat kaming mga pulitiko—the moment isinawsaw namin ang mga paa namin sa putik ng pulitika, or sa kalsada ng pulitika—lahat kami, at the back of our minds, is to get to the highest position,” ani Mayor Isko.
Nagpaliwanag ang alkalde sa mga estudyante.
“It’s like a career, like you, guys, mayroon din kayong pangarap.
“Lawyers want to be chief justice, doctors want to be directors of hospitals… you always aim for the number one.
“So I think, kami ring mga pulitiko, nasa likod ng mga isipan namin [ang presidency], and I’m one of those.
“Nasa ano 'yan… subconscious.”
PANDEMIC OVER 2022 ELECTIONS
Gayunman, naniniwala ang actor-politician na “unfair” para sa publiko na pag-usapan sa ngayon ang tungkol sa inaambisyon ng mga pulitiko.
Mas mahalaga raw, anang alkalde, na unahin muna ang pagbabakuna laban sa COVID-19, na nagdulot ng pandemya.
“Sa totoo lang, ang dami kong nakikita ngayong mga post-post, e.
“I think it’s quite unfair to you to listen to politician’s dream with regards to their personal growth. Mukhang unfair lang sa inyo.
“Kaya I tend not to really focus on that, and utilize all my energies—salamat sa Diyos, bigyan sana ako ng lakas ng pangangatawan—all ideas that I have learned and things that I have read, yun ay ginagamit ko muna ngayon para labanan yung pandemya.
“Vaccination is the solution for this nation.
“And we, we, all of us [politicians], should focus on how to protect you against this virus," anang alkalde.
“DI KO GAGAWIN YUNG KUNWARI AYAW PERO GUSTO”
Sa kabila nito, siniguro ni Mayor Isko na magiging “decisive” siya sa iaanunsiyo niyang plano para sa eleksyon sa susunod na taon.
Sabi ni Mayor Isko: “To all people who answered the surveys, and making me as an option or an alternative, there is time for that.
“I will confront it.
“Hindi ko gagawin yung kunwari ayaw pero gusto, nabili na yun, e.
“Hindi ko kayo ilalagay sa waiting game.
“We have to be decisive with our decision. Kailangan oo [kung] oo, hindi [kung] hindi.”
Nangako ang alkalde na masusing pag-iisipan kung kakandidato nga siya sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno o muling pagsisilbihan ang Maynila.
“I will think it over, over and over and over,” ani Mayor Isko.
Nagpasalamat din ang actor-politician na naikonsidera siya ng mga Pilipino para maging susunod na leader ng bansa.
“Thank you,” ngiting-ngiting sabi ni Mayor Isko.
“Akalain niyo, basurero lang ako.
“Iyong maging mayor lang ako, ang laki nang blessing, e.
“Salamat sa inyo. I am really grateful.”
isko moreno POLITICAL CAREER
Taong 1998 nang simulan ng aktor na si Isko ang kanyang political career.
Nagsilbi siyang konsehal ng unang distrito ng Maynila sa tatlong magkakasunod na termino.
Noong 2007, nahalal siyang vice mayor ng lungsod.
Taong 2016, kumandidato siyang senador pero natalo.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte, tatlong buwang nagsilbi si Mayor Isko bilang chairman of the board ng North Luzon Railways Corporation noong 2017.
Noong May 2018, in-appoint siya ni Duterte bilang Undersecretary for Luzon Affairs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
October ng taong iyon ay nag-resign siya sa DSWD para kumandidatong alkalde ng Maynila.
Noong June 2019, pinalitan ni Mayor Isko sa puwesto si Manila Mayor Joseph Estrada.