Para kay Lea Salonga, kung mayroon mang social stigma na dapat nang matuldukan, iyon ay ang mababang pagtingin sa mga LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender).
Ang kapakanan ng mga miyembro ng LGBT community ang unang pumasok sa isip ng internationally renowned singer-theater actress nang matanong siya ng isang fan tungkol sa social stigma na panahon nang matuldukan.
Nausisa ng fan si Lea sa Q&A session na ginawa ng music icon sa Twitter para ipagdiwang ang kanyang 50th birthday nitong Lunes, February 22.
Ang session ay may hashtag na #AskMissLeaAt50.
Habang sinisikap na sagutin ang dagsa ng mga personal questions mula sa Twitter users, isang fan ng Miss Saigon star ang nagtanong: “What social stigma does society need to get over?”
Sagot ni Lea: “…thinking of LGBT as less than and undeserving of human rights.”
LEA GIVES ADVICE TO CLOSETED LGBT
Isa pang netizen ang humingi ng payo ni Lea para sa mga “gays who feel sorry for being closeted.”
Ayon kay Lea, dapat tandaan ng mga closeted people na tanging sila lamang ang makapagpapasya kung kailan nila aaminin ang tunay nilang kasarian.
Mensahe ni Lea sa mga hindi pa nag-a-aout: “One, you are not alone.
“Two, let no one ever drag you out of the closet.
“Only you can make that declaration, and no one else.
“Three, know that you are loved.
“Just be you, whenever you’re ready.”
A VIRTUAL CONCERT FOR LEA?
Ilang Twitter users din ang nag-usisa tungkol sa naging birthday celebration ni Lea.
Tanong ng isa, kung nagkataong walang pandemic sa ngayon, paano raw kaya ipagdiriwang ni Lea ang kanyang 50th birthday?
Ang sagot ni Lea: “I would’ve done a concert.”
Dahil dito, isa pang Twitter user ang nag-usisa kung may posibilidad na magkaroon si Lea ng virtual concert ngayong 2021, gaya ng maraming music artists.
Sagot ni Lea: “Parang ayoko.”
Aniya, mas pipiliin niyang hintayin ang pagbabalik ng lahat sa normal, kasama na ang tradisyunal na pagdaraos ng concerts.
“I’d rather wait until I can be in the same room with people again without feeling anxiety or fear,” sabi ni Lea.