Muntikan nang mahablutan ng mobile phone si Sofia Andres habang bumibiyahe sa EDSA nitong Miyerkules ng gabi, February 24.
Ikinuwento ng 22-year-old actress ang nakakatakot niyang karanasan sa serye ng videos na ipinost niya sa Instagram Stories ilang oras pagkatapos ng insidente.
Sa bungad ng unang video na ibinahagi ni Sofia, makikitang bahagyang umuusad ang kanilang sinasakyan habang bumibiyahe sa EDSA.
Nakaupo sa backseat ang young actress, nakatingin sa labas ng sasakyan habang katabi ang car racer boyfriend niyang si Daniel Miranda.
Kuwento ni Sofia: “I was just using my phone and the windows are open, mayroong mga lalaki dito na nangunguha ng phone.
“Muntik nang makuha yung phone ko.”
Nang mga sandaling iyon, mapapansing sarado na ang car window sa gilid ni Sofia.
“Grabe, ang bilis niya!” bulalas ng aktres, tinukoy ang nagtangka raw manghablot sa kanyang mobile phone mula sa labas ng sasakyan.
“I got super scared,” dagdag niya.
Hindi binanggit ni Sofia ang eksaktong lokasyon nila sa EDSA kung saan nangyari ang insidente.
SOFIA WARNS AGAINST PHONE SNATCHERS
Dahil sa naranasan, pinayuhan ni Sofia ang mga bumibiyahe sa EDSA na mag-ingat sa mga snatchers na nagsasamantala sa mga motoristang naiipit sa traffic sa lugar.
“So, be careful. Huwag na kayong mag-open ng windows or anything,” ani Sofia.
Sa isang bahagi ng video ay biglang napatigil ang young actress habang may tinitingnan sa labas ng bintana ng sasakyan.
Maya-maya pa, ibinaling niya ang camera sa EDSA at natutukan doon ang dalawang lalaking kapwa sakay sa motorsiklo.
Magkalapit ang puwesto ng mga ito habang mabagal na nagmamaniobra sa gitnang bahagi ng kalsada.
“And then they saw me,” sabi ni Sofia. “Wow…cringe!”
Sa isa sa mga videos sa Stories na iyon ni Sofia, inilagay niya sa caption na “shaking” daw siya sa takot dahil sa nangyari.

Sa isa pang Story, binigyang-diin ng aktres na “two inches” lang ang pagkakabukas ng car window sa tapat niya nang magtangka ang lalaki na hablutin ang kanyang mobile phone.
“Nipis ng arm niya infair. Sarap ipitin,” sabi pa ni Sofia tungkol sa phone snatcher.

