Ibinahagi ni Solenn Heussaff ang inspirasyon niya sa kanyang controversial art photo sa Instagram na binura niya matapos punahin ng netizens.
March 3, nag-post ang aktres ng kanyang art photo para i-promote ang nalalapit niyang solo art exhibit.
Nakaupo ang aktres sa wooden chair na may colorful carpet sa ilalim.
Sa likod ni Solenn ay ang isa sa kanyang mga pinta ng mga halaman.
Kinunan ang larawan sa isang slum area na nagpapakita ng kahirapan.
Napukaw ng photo ang atensiyon ng netizens.
Pinaratangan ng ilan si Solenn na gumagamit umano ng poverty porn, o pagpapakita ng kahirapan para i-promote ang kanyang exhibit.
Puna ng isang netizen, “Using poverty to promote your art is very insensitive."
Banat pa kay Solenn: “Rich people and their poverty porn.”
Naapektuhan si Solenn kaya't binura niya ang Instagram post. Humingi rin siya ng paumanhin sa mga naapektuhan.
Sa pinakabagong sagot ni Solenn, mahihinuhang apektado siya sa pagtawag sa kanyang “rich" o “privileged” na gumamit ng poverty porn.
SOLENN EXPLAINS
Sa panayam naman sa kanya ni Julius Babao na ipinost sa YouTube nitong March 8, sinabi ni Solenn ang mensaheng nais niyang iparating sa kanyang art photo: kumilos na para lutasin ang environmental problems bago pa mahuli ang lahat.
Pero hindi ganito ang nakita ng iba.
Hindi nila nagustuhan ang pagpo-pose ni Solenn na ginamit ang slum area bilang background.
Saad ng Kapuso actress, “Yung mga comments naman, a lot of them are very relevant and really eye-opener para sa akin, so I saw their side.
“So, yun, I wanted to apologize to everyone.
“But my whole purpose was to show na life was so abundant before, until we started doing everything that we’re doing.”
Nais daw niyang iparating na may pag-asa pa para sa future generation kung kikilos ngayon.
“There is still a way for us to reach that if we start [today].
“That was the painting and the photo,” pahayag ni Solenn.
May sagot din ang aktres sa paratang na lumaki siyang "privileged."
Bagamat may kaya siya, hindi raw nangangahulugang bulag siya sa kahirapan sa lipunan.
“Alam ko naman na I’m privileged, but hindi ibig sabihin na bobo ako o hindi ko alam kung ano yung mangyayari.
“So, it’s not because I’m privileged that I can’t care about the people I see every day.”
Base sa panayam ni Solenn, mahihinuhang ginagamit niyang inspirasyon ang mga isyu sa lipunan, gaya ng kahirapan at mga karapatang pantao.
Pahayag pa ni Solenn sa desisyong burahin ang kanyang post: “Naiintindihan ko naman. I tried to explain myself to some people, but I saw na naging out of hand at some point, so I just decided to delete it.”
THE PHOTO EXPLAINED
Idinetalye rin ni Solenn ang kanyang inspirasyon sa kontrobersiyal na art photo na ipinost sa Instagram.
Ito ang paliwanag niya sa makulay na carpet na nasa ilalim niya at ng kanyang painting ng mga halaman:
“The painting melting on to the ground. Mawawala lahat ng iyan if we don’t pay attention… if we don’t start doing something on our own.
"It starts with just one person.
“It’s not about me bringing awareness. Alam naman ng lahat na may environmental problems, may issues.
“But what are we doing personally on our own, or at home to help the situation?”

Kung may pagkukulang man daw si Solenn tungkol sa kanyang post, iyon ay ang hindi niya naisip kung paano tatanggapin ng ibang tao ang kanyang larawan.
“My whole point when I posted that photo, may idea ako sa utak ko.
“I didn’t see any other opinions so that was my mistake.
“But my point was to show it in the middle of the urban jungle where we’re all familiar with, we shot in the street in Las Piñas, a regular street.
“I guess people saw it in a different way and I wasn’t able to explain myself properly.”
