Kasalukuyang naka-isolate at naka-quarantine si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos pumanaw ang kanyang driver dahil sa COVID-19.
Sa kanyang Twitter ngayong araw, March 15, inanunsiyo ni Mayor Vico ang malungkot na balita.
Mensahe ni Mayor Vico, “Last Saturday, we lost a good friend, Kuya Vener, to covid.
"Following DOH protocol, I'll be in quarantine until March 24 (2wks fr when he last drove for me)."
Dagdag niya, “Will continue working via zoom & phone. Thank you for your kind messages. Pls pray, especially for his family.”
Na-test na raw lahat ng kanyang close contacts at lahat sila ay walang naramdamang sintomas.
Dagdag pa ng alkalde, “Na PCR test na rin kaming mga close contacts. Mamayang hapon ang resulta. Wag mag-alala ok naman po kaming lahat.. walang sintomas.
“Pero kahit mag-negative ay tatapusin ko ang quarantine alinsunod sa DOH guidelines. Posible kasing nagi-incubate pa lang ang virus kaya negative.”
Sa kanyang Facebook Live kanina, nauna nang sinabi ni Mayor Vico ang tungkol sa kanyang pagliban sa trabaho.
Saad niya, “Kasalukuyang ako ay naka-quarantine. Nag-COVID-19 test na ako kahapon bilang ako po ay isang close contact.
"Strictly susunod tayo sa protocols natin. Hindi muna ako makakapasok sa trabaho at kinacancel ko muna ang appointment o meeting. Kung maaari ay i-Zoom, Viber, text, and phone call muna ang pagtatrabaho.”
Dagdag pa ng Pasig City mayor, huli niyang nakasama ang kanyang driver noong Miyerkules, March 10, bago ito isugod sa ospital.
Sabi ni Mayor, “Nung nakaraang [Sabado] ay nawalan tayo ng isang matalik na kaibigan dahil sa COVID-19, siya yung driver ko kaya talagang close contact ako bagamat sumusunod naman ako sa health protocols.
“Nakikiramay tayo sa pamilya ni Kuya Vener, sa mga kaibigan. Wednesday kami huling nagkita bago siya isinugod sa ospital.”
Sa ngayon, muling nagpapatupad ng uniform curfew hours sa Metro Manila matapos magkaroon muli ng spike ang COVID-19 cases.
Nag-impose din ng localized lockdowns ang local authorities upang maiwasan ang lalong pagtaas ng mga kaso ng hawaan ng virus.
UPDATE: Nito lang Lunes ng hapon, March 15, ay inanunsiyo ni Mayor Vico na negatibo ang resulta ng kanyang COVID-19 test.
