Kinumpirma ni Beth Tamayo na updated siya sa love life ng pamangkin na si Dominic Roque.
Sa katunayan, marami raw payo si Beth kay Dominic, na iniuugnay ngayon sa aktres na si Bea Alonzo.
Hindi man direktang kinumpirma ni Beth ang napapabalitang relasyon nina Dominic at Bea, malinaw sa mga pahayag ng dating aktres na may espesyal nang namamagitan sa dalawa.
Kapatid ni Beth ang ama ni Dominic.
BETH GIVES DETAILS ABOUT BEA and DOMINIC
Noong March 7, na-interview ng PEP Troika si Beth at asawa nitong si Adam Hutchinson via Zoom.
Ikinasal si Beth kay Adam noong March 3.
Si Beth at ang kanyang mister ay nakabase sa Bay Area, San Francisco, California.
Sa isang punto ng interview, natanong si Beth kung updated ba siya sa love life ni Dominic.
“Oo,” kaswal na sagot ng dating aktres.
Naging makahulugan ang sagot ni Beth nang tanungin kung masaya siya para sa pamangkin.
“Oo. Kinongratulate ako ni Bea sa Instagram nung pinost ko yung wedding.
“Sabi ko, ‘Thank you.’ Happy naman ako, happy ako for them.”
Ani Beth para kay Dominic, “Basta happy siya, happy ako.”
Sa kabila ng mga lumalabas na balita tungkol sa kanilang relasyon, wala pang direktang pag-amin sina Bea at Dominic.
Hanga naman si Beth sa pananahimik ng kanyang pamangkin at ni Bea tungkol sa kung anuman ang namamagitan sa kanila.
Sabi ni Beth, “For me, I think it’s the mature way to handle it. Hayaan...
"Kumbaga, I think they’re very, very confident and they’re happy wherever it is in a relationship... kung nasa’n man sila ngayon, and okay na yun.
“Basta you’re not admitting anything, you’re not also denying anything.”
Naging malaman ang sumunod na pahayag ni Beth.
Aniya, “Kung makita kayong magkasama, e, di makita kayong magkasama, di ba?
“Kung magkahiwalay ang picture niyo sa Amanpulo, e di, magkahiwalay ang picture niyo sa Amanpulo.”
Noong Pebrero ay hindi nakaligtas sa mga mapagmatyag na netizens ang social media posts nina Bea at Dominic, na indikasyong magkasama sila sa Amanpulo, Palawan.
Nauna pa rito, may mga larawan din silang lumabas na indikasyong nagkakasama sila sa iba pang lugar, kagaya ng Japan at Baguio.
BETH’S ADVICE TO DOMINIC ON “RELATIONSHIP” WITH BEA
Binanggit din ni Beth ang mga love advice na ibinibigay niya kay Dominic hinggil sa “relasyon” nila ni Bea.
Pinayuhan daw niya ang pamangkin na maging tahimik lang sa kanyang love life.
Pinaalalahan din niya ang aktor sa posibleng sasabihin ng iba sa pagkakaugnay nito kay Bea, na isang A-list celebrity.
Sabi ni Beth, “I also told Dominic that he will get a lot of, like, alam mo ‘yon, because Bea is the bigger star, di ba?
“Sabi ko sa kanya, ‘Baka later on, you’ll get a backlash from people saying that nakikisawsaw sa kasikatan ni Bea or whatever.’
“Like, you don’t have your own identity, or kind of just like riding sa career niya, something like that.”
Hindi raw magiging madali ito. Pero payo ni Beth kay Dominic, huwag na lang niya itong papansinin.
“Sabi ko sa kanya, ‘You might get, like, some feedback from other people na hindi maganda, dedmahin mo na lang, because you know naman what you’re doing and also kung saan kayo masaya…’
“Kasi hindi mo maiiwasan, e. Meron at merong magsasalita ng hindi maganda about them or him, yung mga hindi pabor sa relationship.”
Ikinatutuwa naman daw ni Beth ang pagiging open sa kanya ni Dominic, at nakikita raw niyang masaya ito ngayon.
“But, he’s good. Actually, naa-appreciate ko siya.
“Dom would always message me and text me about him and what’s new.
“Minsan may picture na kaakbay. Magpapadala siya ng picture,” may halong pambibisto ni Beth.
