JERRY OLEA:
Wagas ang mga hugot ng 28-anyos na si Len (karakter ni Janine Gutierrez) sa pelikulang Dito at Doon kaugnay sa mga kaganapan sa COVID-19 pandemic.
Tinawag ni Len na bulok ang dalawang senador na nakipag-unahan sa test kit.
Inusisa ng katotong Roldan F. Castro kung ganoon din ang reaksiyon ni Janine sa totoong buhay, lalo pa’t may mga pulitikong nakikipag-unahan ngayon sa pagbabakuna?
“Opo. Kasi, ang dapat naman talagang unahin, di ba, ay health workers?” pahayag ni Janine sa virtual mediacon nitong Marso 29, Lunes Santo ng gabi.
“Tapos, frontliners. Seniors. So, ano, e... Bakit ganun? Di ba? Hindi ko rin maintindihan kung paano nila nakakaya na unahan yung mga tao na mas nangangailangan.
“Iyong mga frontliner natin, ang tagal nang nagsasakripisyo para lang... alam mo ‘yon, matulungan lahat ng naghihirap, nagkakasakit.
“So, deserve lang na dapat talaga sila ang i-prioritize natin pagdating sa bakuna.”
Swak iyong reaksyon niyang “bulok”?
Napangiti si Janine, “Oo. It’s a tie!”
Sa istorya, ang ina ni Len na si Aileen (Lotlot de Leon) ay nurse.
Kahit 55-anyos na si Aileen, ayaw pa niyang magretiro, at nag-o-overtime pa sa trabaho.
Naihimutok tuloy ni Len, “Itinataya ng nanay ko ang buhay nila araw-araw.
“E, kung yung mga dapat pumoprotekta sa kanila, ginagawa nila nang maayos yung trabaho nila, e, di hindi sana aabot sa ganito, di ba?
“Pero ano? Puro kag*g*han ang ginagawa at sinasabi nila. Tapos, pababayaan tayong gumawa ng sarili nating paraan dahil wala naman tayong magagawa, di ba?”
Gaano ba kalapit ang karakter at prinsipyo ni Len sa pagkatao ni Janine in real life?
“Sobrang lapit, and yun din talaga yung nagustuhan ko agad doon sa script, na talagang alam ko, nararamdaman ko ‘yon,” sambit ni Janine.
“At marami rin akong mga kakilala na nararamdaman ‘yon. So, parang nakakatuwa.
“Kasi, pag may ibang nagsasabi ng nararamdaman mo rin, di ba, parang nararamdaman mo na hindi ka nag-iisa, na hindi mo ini-imagine lang yung mga naiisip mo.
“So, yun yung naramdaman ko sa karakter ni Len and I hope, a lot of people also feel, seen kumbaga, kapag narinig nila ang mga sinabi namin sa pelikula.”
Streaming na ang Dito at Doon umpisa ngayong Marso 31, Miyerkules Santo sa limang platform — KTX, Cinema ‘76 @ Home, iWant TFC, Upstream at Ticket2Me. Ang halaga ng tiket ay P350.
NOEL FERRER:
This is Janine’s film after all her Best Actress awards for Babae at Baril (2019) kaya kaabang-abang ito.
Mate-test ang kanyang box-office appeal after her Regal film, Elise (2019) na streaming sa Netflix.
Inaabangan na rin ang project/s ni Janine sa Kapamilya network.
After her grand launch sa ASAP Natin ‘To noong Enero 24, 2021, people are waiting for her buena mano salvo bilang Kapamilya.
We wish Janine all the best!
GORGY RULA:
Good luck sa pelikulang ito ni Janine na unti-unti nang nagkakaingay.
Sana, todo na rin ang suporta ng Kapamilya network na magaling magpaingay sa social media.
Kailangan ito ngayon ni Janine bilang magkakaroon siya ng programa sa Kapamilya.
Ano pa ba ang puwedeng pag-usapan sa pelikulang ito?
Kapag matatalakay ang ganitong isyu na mahahaluan ng mga maiinit na isyu, baka magkaroon lang ng pagtatalo ng dalawang kampo.
Siyempre, hindi naman lahat agree sa pananaw ni Janine kahit umaayon ako sa kanya.
Pero maraming magbibigay ng opinyon para ipagtanggol ang gusto nilang kampihan.
Baka ang ending, maapektuhan lang ang promo ng pelikula.
Minsan, mas mabuting maging safe na lang muna.
May ibang platform para magbigay ng sariling opinyon. Hindi sa isang pelikulang pino-promote.
