Excited na ang Pinay businesswoman at beauty guru na si Olivia Quido-Co—kilala rin bilang Miss O—dahil nagsisimula nang magsidatingan ang mga kandidata ng Miss Universe 2020 sa Estados Unidos.
Ang O Skincare and Spa business ni Olivia ang official skincare sponsor ng Miss Universe Organization para sa pageant na gaganapin sa Hollywood, Florida, sa May 16.
Ito ang ikalawang beses na naging sponsor ang skincare brand ni Miss O sa Miss Universe. Una itong nakipag-partner sa Miss Universe noong 2019, kung saan si Zozibini Tunzi mula sa South Africa ang nanalo.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Miss O nitong Sabado ng umaga, April 10, sa isang mini press conference via Zoom kasama ang ilang piling miyembro ng press.
Dito ay ibinahagi niya ang ilan sa mga dapat abangan ng pegeant fans sa upcoming Miss Universe.
Kuwento ni Miss O, "Ang Miss Universe, we are chosen to be one of the... ano kami, official skincare for the Miss Universe this year.
"So, excited ako doon kasi meron tayong aalagaan na 80 delegates na beauty queens around the world. Tayong mga Filipinos ang mag-aalaga ng beauty queens all over the world so excited ako diyan."
MISS UNIVERSE 2020 PRE-PAGEANT EVENTS
Isa ang pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo sa mga kandidatang unang makikita ni Miss O.
Si Rabiya at ang kandidata mula sa El Salvador na si Vanessa Velásquez ay kabilang sa magpa-participate sa pre-pageant activity ng Miss Universe para sa kanyang skincare brand at spa.
Patuloy ni Miss O, "And then, the Miss Universe Organization is coming in sa spa this coming Monday, April 12. Magpi-film sila, ipapakilala nila yung mga products ko, kung paano ginagamit ng mga beauty queens.
"And Rabiya, our Miss Universe Philippines queen Rabiya, will be at the spa on April 12. Also, Miss Universe El Salvador."
Bukod kay Rabiya, ilan pang kandidata ang makikilala ni Miss O dahil dadaan din ang mga ito sa kanyang spa.
"Some of the Miss Universe [candidates] na nagdadatingan na papunta sa Miami, Florida, nag-stop over na ngayon sa L.A. and kino-contact na nila ako para simula na namin yung mga beauty treatments namin para sa kanila."
Isa rin sa mga inaabangan ni Miss O ay ang kanyang beauty session kasama ang lahat ng kandidata ng Miss Universe 2020.
Gaganapin ito sa grand ballroom ng hotel kung saan sila maninirahan pansamantala para sa pageant.
Kuwento ng beauty guru, "One week before [the coronation night], I will give them their regimen, paano magpaganda, paano mag-glow yung skin on stage, ano yung kailangan nilang gawin. I will give them skincare tips."
COVID-19 PROTOCOLS OF MISS UNIVERSE
Tinanong din ng press si Miss O tungkol sa health protocols na ipatutupad ng Miss Universe Organization para sa pageant. Kinumpirma rin ni Miss O na magkakaroon ng live audience ang grand coronation night ng Miss Universe pageant ngunit limitado lang ito sa 25 percent capacity ng venue.
Magkakaroon din ng ticket-selling para sa pageant, at ang mga miyembro ng audience na manonood ay iho-hold sa isang bubble sa hotel bago ang grand coronation night.
Strict health protocols din ang ipatutupad sa venue kabilang na ang halos araw-araw na COVID-19 swab test.
Sabi ni Miss O, "Yes, there will be live audience but only 25 percent.
"So we will be placed in a bubble sa hotel. We will be there, ako siguro, May 16 yung event, I will be there on May 10th sa Florida.
"And then, ang sabi nila, the moment we arrive sa hotel, isa-swab test na nila kami. And then, after the swab test, we will be placed in our hotel room. Hindi kami palalabasin until the next day na malaman namin yung results.
"So, dun kami kakain sa kuwarto, dun kami magdi-dinner, dun kami magbe-breakfast. And then, I will meet all the 80 delegates at lunch time the next day."
Dagdag pa ng skincare guru, "Every day meron silang tinatawag COVID-19 protocol na may hinire silang agency, ang Miss Universe, na ite-test kami, lahat kami, ang mga mag-aalaga sa mga delegates for I would say, every day daw yung swab test namin.
"Dun pa lang, mahigpit na mahigpit na sila because they will place us in a bubble sa hotel."
STRONG CONTENDERS
Samantala, naniniwala si Miss O na malaki ang tsansa ni Rabiya na maiuwi ang ikalimang Miss Universe title ng Pilipinas.
Paliwanag nito, "Meron siyang something about her aura, and meron siyang charm na very relatable. You know, magaling siyang speaker, strong yung story niya.
"I think those are her edge... na malaki ang chance natin sa Miss Universe this year."
Naikuwento rin ni Miss O na nakilala niya na si Rabiya bago pa ito tanghaling Miss Universe Philippines 2020. Napansin din ni Miss O ang malaking improvement ng beauty queen para sa Miss Universe pageant.
"I was able to interview her prior pa siya sumali sa Miss Universe, so parang nakausap ko siya, parang ano pa lang siya... That was the last time I interviewed her, before pa siya nanalo.
"So now, ibang iba na siya, na-groom na, na-train na, ang galing magsalita, ang galing mag-ayos... Ang laking improvement so I'm excited to meet her."
Ilan pa sa mga kandidatang nais makilala ni Miss O at itinuturing din nitong strong contender para sa korona ay si Amanda Obdam ng Thailand.
Aniya, "Miss Thailand, I think she's like ano, e, umiingay talaga siya sa pageant ano. Ang dami din nilang fans."
Excited din si Miss O na muling makita ang kandidata mula sa Chile na si Daniela Nicolás.
"I was one of the panel of judges sa Miss Chile. I'm excited to meet yung winner because I was one of the judges, yung sa scoring, kaya she's one of the winners."
Tila nabighani naman siya sa ganda ni Vanessa Velásquez ng El Salvador.
Sabi ni Miss O, "Excited din ako to meet Miss El Salvador. Para siyang Barbie doll, as in literally parang Barbie doll so I wanna see her in person."
Sobrang impressed din siya kay Maria Thattil, ang kandidata mula sa Australia.
Aniya, "And then, I heard meron daw Miss Australia na she said, 'Height doesn't matter.'
"Meron siyang storytelling na sabi niya, she's not that tall... pero sabi niya, 'It doesn't matter what's your height, what's your size, what's your shape, you can always be a Miss Universe.'
"So I'm excited kung ano yung personality niya when I meet her."
