Angel Locsin tearfully apologizes for chaos at community pantry

by Nikko Tuazon
Apr 24, 2021
Angel Locsin
Angel Locsin: "Inaako ko po yung pagkakamali ko na iyon, hindi ko rin po inakalang ganun karami yung magri-risk na tao na lalabas na gutom, na kailangan talaga ng pagkain."
PHOTO/S: Jerome Ascano / Screengrab from TV Patrol

Labis ang hinagpis ni Angel Locsin nang balikan niya ang nangyari sa inorganisang community pantry sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Nakapanayam ng aktres ang broadcast journalist na si Alvin Elchico sa TV Patrol kagabi, April 23, 2021.

Naglunsad si Angel ng sarili niyang community pantry bilang charity project para sa kanyang ika-36 na kaarawan kahapon. Magtatagal sana ito hanggang sa April 25.

Pero nakakalungkot na hindi maganda ang naging resulta ng maganda niyang intensiyon.

Base sa mga photos at videos na kumalat sa social media, makikitang dinumog ito ng mga tao at hindi na-obserbahan ang social distancing.

Ang sabi ni Angel, "Kung ano po yung dahilan kung bakit umabot sa ganun, maraming factors po. Maari pong sa pag-post ko po.

"Though wala naman po sigurong normal na taong mag-e-expect na sa isang post niya na ganun karaming tao ang mag-distribute. Inaako ko po yung pagkakamali ko na iyon.

"Hindi ko rin po inakalang ganun karami yung magri-risk na tao na lalabas na gutom, na kailangan talaga ng pagkain."

Bukod pa rito, alas tres pa lang daw ng maaga ay may mga nakapila na sa kanyang community pantry. Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng curfew mula 8 p.m. until 5 a.m.

Continue reading below ↓

Sa pagpapatuloy ng kanyang kuwento, "Ang sinabi po namin is 10 a.m. magbubukas, pero dumating po ako dun ng mga alas-siyete po ng umaga, mahaba na po yung pila.

"Kung bakit po nagkaroon ng pila, wala rin po akong ibang masisisi dun.

"Pero dun sa mga pumila po ng alas tres, alas kuwatro, hindi ko po akalain na gagawin nila iyon.

"Kasi alam ko po, alas singko po ng umaga ang ano po, ang tapos po ng curfew, ang cut-off po ng curfew, so hindi ko po naisip talaga."

Gaya ng nauna nitong pahayag, bahagi ng paghahanda ng grupo ni Angel ang pagsunod sa safety protocols. Humingi rin sila ng tulong sa mga awtoridad nang makita nilang umaga pa lang ay marami na ang nakapila.

"Naghanda naman po kami ng mga safety protocols kaya naisip ko po na bakit hindi natin lagyan ng salamin sa harap para hindi na nila kailangang hawakan pa yung mga goods.

Continue reading below ↓

"Kami na yung mag-aabot, naka-gloves kaming lahat, pero inaamin ko po na hindi naging enough sa pagpapatakbo."

Alam rin ng barangay at ng kapitan na si Felicito Valmocina ang paglulunsad niya ng community pantry.

Dugtong ng aktres, "Kung sinasabi po ni Kap na nagkulang po ako, nag-request po ako sa kanya, may formal letter po kaming sinend sa kanya noong April 21.

"Hindi ko naman po ine-expect na ganito karami ang tao."

Angel takes full responsibility

Inako ni Angel ang responsibilidad sa nangyari sa kanyang community pantry.

Sa puntong ito, hindi niya napigilan ang maluha habang ibinabahagi ang kanyang saloobin sa isyu.

"Kung sa tingin po nila... At pagdating ko po pala kaninang umaga, bago o kami magsimula ng mga ala-siyete, nung napansin ko po na may pila, tumawag po kami sa munisipyo para humingi po ng back-up.

"At mabilis naman po itong tumugon. Yun, pero kung sinasabi po nilang nagkulang po ako rito, tatanggapin ko po, nirerespeto ko po kung ano ang sasabihin nila.

Continue reading below ↓

"Kasi wala naman po akong masisisi rito, kahit yung mga tao kasi gutom na po talaga sila."

Dagdag nito, "Kung kulang po yung mga permits na nakuha po namin, kahit hindi naman po kailangan, kahit po sa AFP, nagpaalam din po ako bago ko ito gawin.

"Though inaamin ko po na sa munisipyo hindi po ako nagsabi in advance kasi ang sabi, hindi naman po kailangan.

"Pero nung dumating po ako ng umaga, nagpasabi na po kami na kailangan namin ng tulong and in fairness naman to them po, tumulong naman po sila agad.

"Mabilis naman po silang rumesponde. Kaya inuulit ko po, kung sa tingin nila ay malaki po ang pagkakamali ko dito, aakuin ko na lang po iyon.

"Hindi naman po ako magtuturo ng ibang tao kasi wala naman akong nakikitang dapat sisihin."

Buo rin ang suportang ibibigay ni Angel sa naiwang pamilya ni Rolando Dela Cruz, ang balut vendor na pumanaw habang nakapila.

Continue reading below ↓

Alas tres daw ng umaga pumila si Dela Cruz sa community pantry ni Angel.

"Alam mo, wala naman ho sigurong sapat na makakapawi sa pain na nararamdaman ng pamilya pero kung ano po yung kailangan nila po sa akin, nandito po ako.

"Oras, financial support, kung ano pong supporta, nandito po ako. At maayos po kausap yung mga tao, yung mga anak po ni Sir.

"Maayos po yung pagpapalaki sa kanila at naawa rin ako na minsan, sila yung nasisisi na bakit hindi sila yung pumila sa community pantry, bakit kailangan yung dad nila.

"Ang sagot po nila doon ay hindi po nila alam. Hindi po sila nagkulang ng pagsabi. Hindi po nila alam na pumila dun si Tatay.

"Siguro si Tatay, bilang isang Tatay nga, gusto lang din makapagbigay ng ambag sa pamilya kaya't nagawa niya po iyon.

"Kami rin po, hindi rin po kami ready na may senior citizens po sa labas kasi ang alam ko po, bawal po talaga lumabas ang mga seniors.

Continue reading below ↓

"Pero naglabas po kami ng mga tents at ng mga upuan for them.

"Hindi naman po sa pag-e-encourage na lumabas at pumila mga senior citizens natin kundi para lang ma-lessen yung pain nila, yung hirap nila. Tutal nandun na rin naman po sila."

Tinanong din ni Alvin kung mag-oorganisa pa si Angel ng community pantry matapos ang nanyari.

Sagot ni Angel, "Wala na po, hindi na po."

Sa pagtatapos ng panayam, muling humingi ng tawad si Angel dahil sa naganap sa kanyang community pantry.

"Humihingi lang din po ako ng tawad sa lahat ng naabala. Hindi ko po talaga intensiyon, pansensya na po talaga.

"Alam ko wala pong papel or silbi ang paghihingi ko ng tawad o pasensiya dahil sa mga nangyari pero wala na po talaga akong masasabing iba kundi sorry lang po talaga."

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Angel Locsin: "Inaako ko po yung pagkakamali ko na iyon, hindi ko rin po inakalang ganun karami yung magri-risk na tao na lalabas na gutom, na kailangan talaga ng pagkain."
PHOTO/S: Jerome Ascano / Screengrab from TV Patrol
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results