Humingi ng pasensiya si Angel Locsin dahil sa hindi inaasahang pagdumog ng mga residente sa inorganisa niyang community pantry sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City.
Ngayong Biyernes ng umaga, Abril 23, kumalat sa social media ang mga litrato at video kunsaan makikitang magkakadikit ang mga tao sa labas ng establisimyento kunsaan mamimigay ng groceries si Angel.
Sa dami ng dumagsang tao ay hindi maiwasang hindi masunod ang social distancing protocol sa naganap na charity event bilang bahagi ng pagdiriwang ni Angel ng kanyang ika-36 kaarawan ngayong araw.
Sa pamamagitan ng Facebook Live, ipinaliwanag ni Angel na siniguro niyang maipatutupad ang social distancing protocol sa pamamagitan ng paglagay ng markers sa tapat ng community pantry kunsaan pipila ang mga tao.
Humingi rin daw siya ng tulong mula sa mga opisyal ng barangay, munisipyo, military, at pati na kapulisan para magbantay sa lugar.
Sa halip na magbukas ng 10 a.m. ang kanyang community pantry, inagahan pa raw ni Angel para ma-accommodate ang mga maagang pumila para makatanggap ng groceries.
"Ngayon po ay 11:10 ng umaga. Dapat po magsisimula po ang community pantry ng alas diyes ng umaga. Pero nung dumating kami ng 7 a.m. dito, nakita po namin na mahaba na ang pila.
"So, nagmadali po kami na mag-load ng mga gulay kasi kinuha pa po namin yun sa bagsakan. Kaya kanina namin siya inimpake.
"So, dapat yung alas diyes namin na pagbubukas, nag-open po kami ng alas otso pasado."
Iginiit ni Angel na hindi nagkulang ang kanyang grupo sa paghahanda para maiwasan ang aberya sa isinagawa niyang charity event.
"Nagsimula kami nang maayos po. Though mahaba yung pila, may social distancing po siya.
"'Tsaka yung mga tao nagbigay kami ng pwedeng orderan, pipiliin na lang po nila para mas mabilis ang pila.
"Maayos naman po. May mga instructions kaming binigay."

CROWD BECOMES UNRULY
Abala raw si Angel sa pamimigay ng groceries nang hindi maiwasang may mga taong sumisingit sa pila, na isa sa mga naging sanhi ng kawalan ng kaayusan sa lugar.
"Then, parang habang ini-intiveriew yung parang mga task force, parang yung mga wala pong stubs—ang pagkakakuwento sa akin, kasi busy po ako, nagbibigay po ako ng goods—yung wala pong stubs ata, sumingit sa pila.
"Na naiintindihan ko naman po kasi kanina pa sila naghihintay. Yun ang dahilan kung bakit nagsisiksikan.
"Pero nagsimula kami nang maayos naman po talaga,” diin ng aktres.
Naiintindihan daw ni Angel na marami ang sadyang gutom at nais makatanggap ng groceries kaya posibleng nagkakasingitan sa pila.
"Yung aking ramp kunsaan kami nagbigay, may mga markers pa po na nakalagay para ma-observe po talaga yung social distancing at maka-follow kami ng protocols.
"Nagpatulong kami sa munisipyo sa aming barangay din po. May mga pumunta dito na police at military na tumulong din po.
"Pero yun lang po, hindi lang talaga nila makontrol ang mga tao.”
Patuloy niya, "Hindi po ito ang gusto ko.
"Nagsimula kami na maayos ang aming layunin pati ang pagpaplano ng social distancing.
"Nagkataon lang po na siguro, gutom lang po yung tao, na kahit wala sa pila, sumingit na po sila."

ANGEL SAYS SORRY
Sa puntong ito ay humingi ng pang-unawa si Angel sa nangyaring aberya sa inorganisa niyang community pantry.
Sa kabila ng security officers na kinausap ng grupo ni Angel para mag-implement ng social distancing ay hindi pa rin daw naging sapat dahil sa dami ng tao.
"Sa mga nagambala po dito, pasensiya na po. Hindi po ito ang intensyon ko," giit ni Angel.
Pinayuhan daw si Angel na pansamantalang pumasok sa loob ng establishment para mabawasan ang mga taong dumagsa roon para lamang makiusyoso.
"Ako po ay umakyat na po ngayon kasi kinausap ako na baka yung iba dito nais lang magpa-picture.
"So, umakyat muna ako dito para kahit papaano makabawas sa sikip sa baba.
"Pero sa lahat po ng naabala ngayon, pasensiya na po, hindi po ito ang intensiyon natin.
"At kahit na ano pong paghahanda natin para ma-avoid yung ganitong gulo, hindi lang po talaga siya ma-control.
"Kahit na nandito yung munisipyo, nandito na yung military, nandito na yung barangay—lahat po nandidito na po.
"Hindi lang namin talaga makontrol."

ANGEL SET TO DISCONTINUE COMMUNITY PANTRY
Una nang naiulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na tatlong araw (April 23 hanggang April 25) ang permit na hiningi ni Angel mula sa barangay para sa community pantry na binuksan niya.
Pero base sa Facebook Live ni Angel, nagdesisyon siyang hanggang ngayong araw na lamang ang kanyang community pantry at ipapa-deliver na lang niya ang matitirang groceries sa mga nangangailangan sa lugar.
"Sa mga hindi po mabibigyan today, nais ko rin magsabi ng pasensiya po.
"Gustuhin ko man mag-abot, I don't think papayagan pa po ako ulit na gawin ito.
"Baka po ipahatid na lang po namin kung ano man matitira naming goods sa inyong lugar dito para mapakinabangan ng iba.
"Again, pasensiya po. Pasensiya po talaga.
"Gusto ko lang i-celebrate ang birthday ko sana na makatulong ako sa mga tao.
"Hindi ko po intensiyon na makagulo."
Mayroong history si Angel ng pagtulong sa simula pa lang ng pandemic.
Kasama sa mga naging proyekto niya ay ang pagbibigay ng mga kailangang equipment sa mga ospital at pag-asikaso sa hinihiling ng medical frontliners.
Ang pagbigay ng ayuda—pera, groceries, lutong pagkain—ay matagal na ring ginagawa ni Angel.
