Kasabay ng pagbabalik-showbiz ni John Lloyd Cruz, tila mas mararamdaman ngayon ang aktor sa social media dahil mayroon na itong official Facebook page at Instagram account.
Ngayong Biyernes, May 21, nakatanggap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng mensahe mula sa Crown Artist Talent Management, ang talent management na humahawak sa showbiz career ni John Lloyd.
Nakasaad dito na "@johnlloydcruz83" ang official account ng aktor sa Facebook at Instagram.
Hindi malinaw kung personal na hahawakan ni John Lloyd ang kanyang social media accounts o mayroon siyang social media manager para rito.
Sa kanyang unang post sa Instagram, makikita ang litrato ni John Lloyd mula sa isang photo shoot.
Masarap ang pagkakangiti ni John Lloyd at tila handang-handa nang sumabak muli sa trabaho.
"Good Vibes is Real," sabi sa caption.

Pareho rin ang post sa kanyang verified Facebook account, na may blue verification badge bilang patunay na lehitimo ito.

POSER ACCOUNT ON FACEBOOK
Noong March 5, 2021, itinatwa ni John Lloyd ang verified Facebook page na naka-attribute sa pangalang John Lloyd Cruz at may handle na @johnlloydcruzofficial.
Eksklusibong ibinigay ni John Lloyd sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kanyang opisyal na pahayag tungkol sa kanyang poser.
Naalarma si John Lloyd sa "tahasang pag pick-up" ng ilang entertainment news providers sa quotes na kuha mula sa @johnlloydcruzofficial, na lumalabas na isa lamang palang fan page.
Bahagi ng statement noon ni John Lloyd:
"Lumapit ako sa PEP.PH dahil napansin kong mas masusi at di hamak na mas matalino nilang pinoproseso ang kanilang trabaho.
"Lumapit din ako kay Maja Salvador isang aktres, dancer upang tulungan akong maihayag na ang pinag-ugatang account sa Facebook na may tawag na @johnlloydcruzofficial ay hindi ako at walang karapatan na gamitin ang aking pangalan at imahe para maghayag ng mga salita at saloobin na hindi kailanman ay nanggaling sa aking bibig at isipan.
"Ang paglapit ko sa kanya ay sa kadahilanang AKO PO AY WALANG KAHIT ANONG SOCIAL MEDIA ACCOUNT. WALA PO AKONG FACEBOOK, INSTAGRAM, TWITTER, MySpace, Friendster or Tumbler etc.
"Natutunan ko din kay Barbie Capacio na isang tunay na diyosa na meron pa daw akong Lyka account. Dito raw ay pwede ka pang kumita.
"WALA RIN PO AKONG LYKA ACCOUNT. PEKE RIN PO YAN. MAG-INGAT SA PAGBIGAY NG GEMS."
JOHN LLOYD AND MAJA'S FRIENDSHIP
Sa kalulunsad na official Facebook page ni John Lloyd, makikita ang litrato niyang sakay ng kotse.
Isa iyon sa mga litratong ibinahagi ng Crown Artist Management noong May 15, nang inanunsiyo ng pamunuan na nasa pangangalaga na nito ang 37-year-old talented actor.
Ang Crown Artist Management ay pag-aari at pinamumunuan ni Maja Salvador, na siyang president at CEO ng kumpanya.
Ngayong Biyernes, May 21, nag-post din si Maja ng screenshot ng Instagram account ni John Lloyd bilang patunay na lehitimo ito.

Nang makapanayam ng PEP.ph si Maja sa PEP Exclusives noong Marso, naikuwento niya ang tungkol sa pagkakaibigan nila ni John Lloyd simula nang una silang magkatrabaho sa defunct ABS-CBN prime-time series na It Might Be You noong 2003.
Isa raw si John Lloyd sa mga nag-motivate kay Maja na mahubog nang husto ang kanyang pagmamahal sa pag-arte.
Sa mga lumipas na taon, napanatili rin nila ang kanilang samahan sa likod ng kamera.
Parang nakatatandang kapatid daw ang turing ni Maja kay John Lloyd, na itinuturing naman daw siyang "little sister."
