Kinampihan ni Miss Universe 2011 Leila Lopes ang renowned Filipino fashion designer na si Michael Cinco kaugnay ng isyung kinasasangkutan nito at ng Miss Universe Canada team.
Nitong weekend, lumikha ng ingay ang palitan ng akusasyon sa pagitan ng MGmode Communications at ni Cinco.
Ang MGmode Communications ang public relations company na nagma-manage sa mga ipinadadalang Canadian representatives sa Miss Universe, at kilala rin bilang third-party supporter ng Miss Universe Canada Organization (MUC).
Sa isang social media post, malinaw na sinisisi ng PR company ang mga gawa ni Michael Cinco kung bakit hindi nakapasok sa Top 21 si Miss Universe Canada Nova Stevens.
Hindi raw nagkasya ang mga gown na gawa ni Cinco para kay Nova, at late itong dumating sa venue ng Miss Universe 2020 pageant.
Pinasinungalingan ito ni Cinco sa mahabang Facebook post. Binuweltahan niya ang Miss Universe Canada team at si Nova sa panggagamit umano sa kanya at paninira sa kanyang reputasyon.
MISS UNIVERSE LEILA LOPES DEFENDS MICHAEL
Samantala, sa isang Instagram post ng isang pageant blogger, nagkomento si Miss Universe 2011 Leila Lopes.
Si Leila ng Angola ay ka-batch ng pambato nating si Shamcey Supsup, na hinirang noon bilang third runner-up.
Pagtatanggol ni Leila, hindi niya nakatrabaho si Cinco pero alam niya ang magandang reputasyon ng Filipino fashion designer.
Tahasan ding ipinahayag ni Leila na nasa maling katuwiran ang Miss Universe Canada team ni Nova Stevens.
Komento niya, “Let me give my 2 cents: I never worked with Michael, but I’ve only heard great things about him.
“Based on the exchanges that M5 and MUC org are doing here on Insta, I came to the conclusion that MUC org is wrong.”
Bilang former pageant candidate, alam daw ni Leila ang hirap na pinagdadaanan ng team ng isang kandidata at ng fashion designer.
Pero maling-mali raw na ibunton ang sisi sa fashion designer kapag hindi nangyari ang gusto ng team ng isang kandidata.
Dapat din ay pribado na lang nilang pinag-usapan ang kanilang di pagkakaunawaan.
“As a former contestant, I know the pressure that both the designer, the national director and the contestants feel as the day of the pageant approaches.
“No one sleeps well until the pageant is over! (it’s literally a team work)
“So if things ddnt go as expected for the MUC org side, they should’ve just discussed this matter with M5 in private.”
Tinawag din niyang walang respeto at walang utang na loob ang Miss Universe Canada team.
Sabi ng former Miss Universe (published as is), “There was No need to bring that issue to social media.
“They were very disrespectful and ungrateful to de designer who’s being supporting them all those years.”

Isiniwalat ni Cinco na sa nakalipas na tatlong taon ay sa kanya nagpapagawa ng gowns ang Miss Universe Canada team para sa kanilang mga kandidata sa Miss Universe pageants.
Pero wala raw bayad ang mga ipinapagawang gowns na ito ng MGmode Communications.
Kaya naman ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nagpuyos ang damdamin ni Cinco kasunod ng mga paratang sa kanya.
