Anim na taon na ang nakalilipas mula nang tahakin ni Maine Mendoza ang pagiging TV host, pero aminado siyang hindi pa rin nawawala ang kanyang kaba sa tuwing aakyat ng entablado.
Tinagurian siyang Phenomenal Star dahil sa phenomenal love team nila ni Alden Richards, ang AlDub, na nabuo sa "Kalyeserye" ng Eat Bulaga.
Pero sadya raw hindi pa rin nasasanay si Maine sa pagharap sa maraming tao.
“Parang lahat po ng ginagawa ko sa buhay ko, kinakabahan ako!” sabay tawa ng TV host-actress sa press conference ng upcoming TV5 reality-based talent search show na PoPinoy.
Pag-amin ni Maine, parang lagi siyang first-timer sa tuwing tutuntong ng stage pagdating sa paghu-host.
“Totoo. Kahit every day na kaming nagbu-Bulaga, every time na mag-step ako sa stage, talagang hindi pa rin nawawala yung kaba.
“Parang first time siya ulit sa akin. Parang hindi ko alam kung paano siya gawin.”
Dagdag ni Maine, “So, ayun, di talaga siya mawala for me. Sobra talaga siya sa akin.
“Hanggang ngayon, problem talaga siya sa akin.
“Hindi ko alam kung paano i-handle ang kaba sa stage, pero nagagawa ko naman. Parang I’m getting by.”
Malaking tulong daw sa kanyang kumpiyansa ang mga “kuya” niya sa hosting.
Ang tinutukoy ni Maine ay ang fellow Eat Bulaga! hosts na sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros o kilala sa tawag na JoWaPao.
“It depends on the people you’re with. The people you’re working with.
“Parang they’re making the setting comfortable for you.
"Parang dun mo na rin nalalabas, dun mo na rin slowly nagagawa yung trabaho."
DEALING WITH STAGE FRIGHT
Kung hindi nga raw dahil sa tulong ng JoWaPao, malamang hirap pa rin si Maine sa araw-araw na hosting stint.
“Nakukuha ko lang din yung energy ng mga kasama ko, mga katrabaho, and parang nagiging comfortable na rin ako working with them, working around them.
“Parang tuloy-tuloy na din and siguro dahil kailangan ko siyang gawin, wala akong choice.
“Parang kailangan mong mairaos and kailangan mo siyang mairaos in your best way as possible.
“Ayaw mo namang mapahiya sa TV kasi [baka] may masabing mali o di maganda.
“So, parang kailangan mo na lang pakalmahin ang sarili mo kasi wala ka nang magagawa.
“Pag andiyan na, kailangan mo nang ibigay. Kailangan mo nang humarap sa mga tao, gagawin mo na lang ang kailangan mong gawin.
“At the end of the day, yun lang naman ang kailangan natin—ma-survive sa araw na ito.”
Samantala, makakasama ni Maine bilang main host ng PoPinoy si Paolo.
May primer ito sa June 6, 8 P.M., sa TV5.
Ipapalabas naman ang grand launch nito sa June 13.
Ang head hunters ng programa ay sina Maja Salvador, JayR, Kayla Rivera, at DJ Loonyo.
Ang PoPinoy ay magdidiskubre ng boy band at girl band na ilu-launch bilang susunod na Pinoy Pop o P-Pop talents.
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
