Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang akusasyong “scripted” umano ang viral story ni Reymark Mariano.
Ang kuwento ni Reymark, sampung taong gulang, mula sa Bagumbayan, Sultan Kudarat, ay itinampok sa programa ni Jessica Soho sa GMA-7 noong May 23.

Base sa daloy ng kuwento, itinataguyod ng bata ang kabuhayan ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pag-aararo sa dalawang ektaryang bukirin.
Gamit ang kanyang kabayong si Rabanos, pilit na iginigiya ni Reymark ang ararong may bigat na sampung kilo upang bungkalin ang kanilang sakahan.
Ayon sa panayam sa bata, hindi na niya pinangarap makaangat pa sa buhay dahil ang nais lamang niya ay makakain sila ng tatlong beses sa isang araw.
Lumaki siya sa poder ng kanyang lolo at lola dahil ang kanyang ina ay may ibang asawa na at nakatira sa ibang lugar.
Matagal na rin daw nagtatago ang ama nito sa batas dahil mayroon itong warrant of arrest bunsod ng kasong illegal possession of firearms.
Sa nasabing episode ng KMJS, nagpaabot ng tulong ang show, ang local government, at iba pang ahensiya ng gobyerno sa pamilya ni Reymark.
Nag-viral sa social media ang istorya ni Reymark, hanggang sa bumuhos na ang tulong sa kanya.
May nagbigay ng kabayo, bigas, groceries, financial assistance, bisikleta, at marami pang iba.

At ito naman ang itinampok ng KMJS nitong nakaraang Linggo, May 30.
THE ACCUSATIONS
Naglutangan ngayon sa Facebook ang iba’t ibang paratang na diumano’y scripted o hindi masyadong totoo ang naipalabas na istorya sa bata.
Kabilang na rito ang komento ng isang netizen na nagsasabing hindi naman daw pinapabayaan ng kanyang ina si Reymark.
Sabi pa nito, hindi naman daw araw-araw nag-aararo si Reymark sa bukid at para sa kanya ay laru-laro lamang ito.
May mga bahagi rin daw ng interview ang hindi inilabas ng show para sa “ratings.”
Ang pinakamalupit na paratang ng netizen: “Wala daw interview sa mga kapit bahay kasi kung ginawa daw mapapahiya lg sila. Me part daw na nainterview ang Nanay pero na cut kaya daw di buo and 2nd episode na naka air.”


“NASAKSIHAN NAMIN MISMO”
Ngayong araw, June 1, sa pamamagitan ng isang official statement, mariing pinabulaanan ng pamunuan ng KMJS ang paratang na “scripted” ang istorya nila.
Nasaksihan daw nila mismo ang mga pangyayari at gawain ng bata noong sila ay nanaliksik, nakisalamuha, at nakipamuhay sa pamilya ni Reymark.
Narito ang buong pahayag ng Kapuso Mo, Jessica Soho:
"Nakarating sa KMJS na may nagpapakalat sa social media na scripted at hindi talaga totoong nag-aararo ang tinampok naming batang si Reymark.
"Base sa pananaliksik, pakikisalamuha at pakikipamuhay ng aming team kina Reymark at sa kanyang pamilya, nasaksihan namin mismo ang paghihirap ng bata sa bukid.
"Hiniling din ni Reymark, na huwag nang idetalye sa segment ang personal na problema sa pagitan ng kanyang mga magulang at patuloy na nakikiusap na wag nang i-bash ang mga ito."
