Hindi nag-atubiling tulungan ng Happy Time host na si Anjo Yllana ang dalawang motorcycle riders na naaksidente sa Camarines Sur noong June 12, Sabado, Independence Day.
Sa kanyang Facebook, ibinahagi ni Anjo ang naging pagtugon niya sa mga biktima kung saan makikitang pinakalma niya ang mga ito habang naghihintay ng medical help.
Sabi ni Anjo, “Attending to casualties of motorcycle vs truck vehicular accident in Sipocot, Camsur.”
Paalala naman niya sa mga nagmu-motor: “Please lang sa mga nagmomotor hindi po parte ng motor ang katawan niyo lagi kayo magiingat po.”
Nagpasalamat din si Anjo kay Camarines Sur Governor Migz Villafuerte sa agarang aksiyon na ipinaabot nito sa mga biktima.
Sa isa pang post, ibinahagi ni Anjo ang isang video kung saan minamando niya ang traffic na nilikha ng aksidente sa lugar.
Pabalik-balik ng Bicol si Anjo, kasama ang kapatid na si Jomari Yllana at ang girlfriend nitong si Abby Viduya, dahil pinapaayos nila ang kanilang ancestral home doon.
Sa bago niyang post sa Facebook, pabirong tinuran ni Anjo na ang mga kapitbahay nila ngayon ay mga baka at kalabaw.
Aniya, “Welcome to my humble house in the middle of the street (laughing emoji) meet my neighbours cows and carabaos (laughing emoji) @ Tinambac, Camarines Sur.”
Mapapanood pa rin si Anjo mula Lunes hanggang Biyernes sa Happy Time, ang noontime show ng Net 25.
