Kasal na ang aktres na si Ara Mina, 41, at si Philippine International Trading Corporation (PITC) Undersecretary Dave Almarinez, 46.
Ginanap ang kasal ng dalawa sa Alphaland Baguio Mountain Lodges Chapel, Baguio City, ngayong Miyerkules ng hapon, June 30.
Bumaha ng luha sa simula pa lamang ng kasal nang naglakad papuntang altar ang anak ni Ara na si Amanda Gabrielle Meneses, na nasilbing little bride, at niyakap ang kanyang stepfather na si Dave.
Hindi rin napigilan ni Ara na maluha habang naglalakad papuntang altar.
Mga bigating pangalan sa pulitika, negosyo, at showbiz ang kabilang sa sampung pares ng mga ninong at ninang sa pag-iisang dibdib nina Ara at Dave.
Kabilang sa kanila si dating Senate President Mannny Villar Jr. at asawang si Senator Cynthia Villar; Senators Christopher Lawrence “Bong” Go, Richard Gordon, Ralph Recto at asawa nitong si Lipa Congresswoman Vilma Santos-Recto; Trade Secretary Ramon Lopez, Glicerio Santos Jr.; at Ever Bilena owner Mr. Dioceldo Sy,.
Kasama rin sa principal sponsors sina Atty. Roy Almoro, Reality Films producer Dondon Monteverde, Viva Films producer Vic del Rosario Jr., Dr. Milagros Ong-How, ABS-CBN COO for broadcast Cory Vidanes, San Pedro Laguna Mayor Lourdes Cataquiz, Megastar Sharon Cuneta-Pangilinan, Robinsons Retail Holdings president Mrs. Robina Gokongwei-Pe, GMA executive Redgie Magno, Emelda Teng, at Jocelyn Lim Chiong.
Pero wala sa mismong seremonyas kanina sina Vilma, Sharon, Cory, Redgie, at Boss Vic.
Best men sina Shawn Weinstein, Pundarika Bibireddy, at Raulito Almarinez
Matrons of honor naman ang mga kapatid ni Ara na si Cristine Reyes at Heidi Gatmaytan, at mga kaibigang sina Jan Marini at Christine Quimbo-Baniqued.
Groomsmen sa wedding sina Holy King Reyes, Alfredo Carlo Gatmaytan, Harbin Reyes, Ernesto Lucena Jr., Jose Maria Ariston Sarisola III, Yeshua Charles Labrado at Gerhard Acao.
Ang tumayong bridesmaids ay sina Barbie Imperial, Joan Crystal Aguas, Vanessa Attril, Angelita Santos, Jenny Miller, Melissa Ricks, at Miss Grand International 2020 first runner-up Samantha Bernardo
Ang natoka sa veil ay ang magkasintahang Sunshine Cruz at Macky Mathay.
Gaganapin ang engrandeng reception sa grand convention ng Alphaland Baguio Mountain Lodges.
Dapat ay noong April pa ang kasal nina Ara at Dave, pero naurong ito dahil sa panibagong surge noon ng COVID-19 cases.
Sa pakikipag-usap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Ara nitong mga nakaraang araw, sinabi nitong siya ang panganay sa magkakapatid na babae ngunit siya ang huling ikinasal.
Kaya naman daw nag-ambagan ang kanyang mga kapatid para sa bridal gown niya na gawa ng fashion designer na si Leo Almodal.
Na-engage sina Ara at Dave noong January 2021 lamang.