Umalma si Frasco Mortiz sa mga netizen na panay ang tirada kay Bea Alonzo na "walang loyalty" at "walang utang na loob" umano.
Si Bea ay celebrity A-lister at 20 years homegrown star ng ABS-CBN, bago siya lumipat ng GMA Network noong Hulyo 1, 2021.
Si Frasco ay halos 20 years naging resident director sa ABS-CBN, at nasa bakuran na rin ng GMA Network mula noong Abril 2021.
Noong July 1, naghayag si Frasco ng saloobin tungkol sa mga taong sobrang dismayado sa paglipat ng network ni Bea.
"Ba’t ang daming bitter? Basta ako, I’m happy for Bea Alonzo. #ProudToBEAKapuso," tweet ni Frasco.

Bilang dati ring Kapamilya, nakaka-relate daw si Frasco kay Bea.
Base sa tweets ni Frasco, ang Bubble Gang, Magpakailanman, at Dear Uge ang ilan sa weekly Kapuso shows kunsaan siya ay direktor ngayon.
Tulad ni Bea, masasabi raw ni Frasco na sa loob ng mahabang panahon ay buong-puso niyang pinagtrabahuhan ang mga oportunidad na ibinigay sa kanya ng ABS-CBN.
"Yep, dun po ako galing, worked there for almost 20 years.
"Ikaw ba pag nagtrabaho ka sa isang kompanya, tapos pag-alis mo ang maririnig mo is 'walang loyalty', 'walang utang na loob' matutuwa ka?
"We served wholeheartedly, we gave our all."

Halos ganito rin ang pahayag ni Bea tungkol sa usaping "loyalty" bago pa siya lumipat sa GMA Network.
Sa PEP Exclusives noong Pebrero 2021, hiningan ng reaksiyon si Bea tungkol sa ibang Kapamilya stars na lumilipat ng TV network.
Sinabi noon ni Bea na hindi matatawaran ang nagawa ng ABS-CBN sa pagpapasikat at pag-aalaga ng artista.
"Ang akin kasi, everyone has been loyal to ABS. And, sa totoo lang, ABS was so gracious in giving us jobs, giving us our careers," sabi noon ni Bea sa PEP.ph.
Pero punto rin niya, "But siyempre, we also worked hard to have our careers. We also made sacrifices to get here. It’s not like it was just handed to us, di ba?"
Naging maingat din si Bea sa pagsasabing iba-iba ang personal na pinagdadaanan ng tao kaya hindi maaaring basta na lang manghusga.
FRASCO ON BEA STARTING A NEW CHAPTER IN GMA
Sa pagpapatuloy ng pahayag ni Frasco, umapela siyang sana raw ay maging masaya na lang ang ibang tao para sa bagong daang tatahakin ni Bea sa GMA.
Aniya, "The least you can do is be happy and wish a former Kapamilya the best.
"Sobrang liit ng industry para maghilahan pababa, lalo na sa panahon ngayon."

Hindi na rin daw dapat isyu ang network wars.
"Ang dami-daming dapat problemahin inuuna pa ang network wars. 20 years ago pa nauso yan, ibahin niyo na ngayon.
"Imbes na manghila pababa, matuwa na lang sa bagong karera ng mga idolo niyo, mapa-Kapamilya, Kapuso o Kapatid pa yan."

BEA on transfer from abs-cbn to gma
Noong araw ring iyon ay nagbigay-pugay si Bea sa "20-year journey" niya sa ABS-CBN at sa mga taong tumulong na marating ang estado ng karera niya ngayon.
Kasabay nito ay nagpasalamat si Bea sa tiwala at mainit na pagtanggap sa kanya ng bagong home network.
Caption sa Instagram post ni Bea: "Today, I officially became a KAPUSO.
"I would like to thank everyone who has been a part of my 20-year journey, my fans, my colleagues, and the people who gave me opportunities and who have helped hone my talent.
"To my ABS-CBN family, MARAMING SALAMAT PO. I will forever be grateful for everything.
"And now, I am entering a new chapter..
"To my GMA family, I am humbled that you put your trust in me and I am beyond excited to be able to learn and grow in my new home."

Bukod sa gagawin nilang pelikula ni Alden Richards, kinumpirma ni Bea na may nakapilang prime-time series para sa kanya sa GMA.
Una nang nilinaw ni Bea na maayos daw siyang nagpaalam sa President at CEO ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak.
Halos isang taon na rin daw siyang walang kontrata sa ABS-CBN.
