Itinatag noong 1985 sa ilalim ng Office of the President, ang MTRCB (Movie Television Review and Classification Board) ang ahensiya ng gobyerno na inatasan upang mag-review at magbigay ng classification sa mga pelikula at TV shows na ipinalalabas sa bansa.
Matapos ang termino ng unang chairperson nito na si Maria Kalaw Katigbak, umupo bilang pinuno ng MTRCB si Manuel "Manoling" Morato.
Sinugpo noon ni dating MTRCB Chairman Morato ang mga penekula (penetration films) sa panunungkulan niya mula 1986 hanggang 1992, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.
“Pinatay ko. It took me two years, but I killed the bomba films!” bulalas ni Morato sa product launch ng Oracur solution spray nitong Hulyo 10, Sabado sa Marco Polo Hotel, Meralco Av., Pasig City.
Sa mga huling taon ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay lumaganap ang mga penekula, kung saan totohananan ang pagtatalik ng mga artista sa mga pelikulang ipinalabas sa mga sinehan.
Namayagpag bilang "pene stars" sina Didith Romero, Amanda Amores, Myra Manibog, Myrna Castillo, Cherry Madrigal, George Estregan, Mark Joseph, Tony Martinez, Bobby Benitez, Ronald Nepomuceno, Tani Cinco, at marami pang iba.
suggestive titles
Sa paglaganap ng COVID-19, nagsara ang mga sinehan. Ang mga pelikula, streaming online, hindi na dumadaan sa MTRCB.
Sabi-sabi, soft porn na ang ibang Pinoy films na nag-i-streaming sa iba’t ibang platforms.
“Totoo ka, I don’t like the thought. Even the titles should not be allowed, yung suggestive titles na against the law,” lahad ng dating MTRCB chairman.
“Kapareha niyan, si Sharon Cuneta, may pelikula—Revirginized. That’s not allowed.
“As a matter of fact, noong panahon ni Lily Monteverde [Regal Films producer], panahon ko, may isang pelikula siya… Saging ni Pacing.
“I had to… I had to turn it down. It is the law, e — no suggestive titles. 'Tapos, the film was salacious itself.”
Subalit nung kapanahunan ng bomba films bago ideklara ang Martial Law nung Setyembre 21, 1972, isa sa mga pelikulang ipinalabas noon ay ang Ang Magsasaging ni Pacing (1971) na pinagbidahan ni Rosanna Ortiz.

Kontra siya sa title ng bagong movie ni Sharon dahil nagpapahiwatig iyon ng kamunduhan.
“Hindi tama yung kay Sharon, I’m disappointed. I know the mother [of Sharon] very well. I knew her,” pahayag ni Morato.
“Pero Revirginized is something that I cannot allow. Under the law, you cannot have a double meaning or salacious title.”
Nung panahon ni Morato as MTRCB chairman, maraming film titles ang disapproved at pinalitan.
“Kagaya ng Materyales Fuertes. OK, materiales fuertes, Spanish phrase meaning “strong materials," pero pag inilagay mo [ang title] sa ibabaw ng suso ng isang babae, ano ba ang ibig sabihin niyon? I also turned it down.”
[Ed's Note: Naipalabas pa rin nung 1986 ang Materyales Fuertes. Sinasabing isa ito sa mga itinuturing na "pene movies" kunsaan may actual na sex act na nangyayari.]
Dahil sa mahigpit na pamamalakad niya noon sa MTRCB, marami ba siyang naging kaaway sa showbiz?
“Hindi ako nakikipag-away sa kanila,” nakangiting tugon ni Morato.
“Inaaway ako pero I was just implementing the law. Because if I approve it, I’m the one who’ll go to jail."
Ayon pa sa dating MTRCB chairman, ang pinakamahirap na phase ng nabanggit na ahensiya ay ang kanyang term.
“Kasi, laganap noon ang bomba films,” pagdidiin ni Morato.
“When I stepped down, Mother Lily was the first one naman to acknowledge on television, na it was the golden years of the film industry raw.
“Kasi, ayaw silang maniwala sa akin. Sinasabi ko, ‘Lily, kung magbobomba-bomba films, mga 5% lang ng mga sira-ulo ang magiging kliyente ninyo.
“‘Pero if you follow the law, and you go down to Parental Guidance, because bawal ang X-rated, e… Pati sa television, bawal ang adult [contents].
“It has to be up to Parental Guidance, General Patronage. Sabi ko, ‘You try to do clean films, especially yung mga suitable for children. Because manonood lahat, from the lolo, the parents, the children.’
“Napuno ang mga sinehan noon. Kaya noong mag-step down ako, sinabi ni Lily na during my term daw was the golden years of the movie industry, and they all made money.
“Paano ka kikita sa bomba films, it’s not even 5% of the public that go and watch? Yung mga may sira lang ang ulo!”
government responsibility
Kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan ang mas pinagtutuunan ngayon ng gobyerno, at hinahayaan na lang ang pag-i-streaming ng mga pelikula online, mahalay man o hindi.
Hindi sakop ng MTRCB ang mga pelikula sa internet. Pelikula at telebisyon lang ang nasa ilalim ng kapangyarihan ng nasabing ahensya ng gobyerno.
“The state has the right pa rin to control it,” saad ni Morato. “Because the internet, the television, and anything that goes through the air is a government… ahhm… ahhhm… siyempre, responsibility.
“Yeah, because you cannot say that you own the station, but then you are using a government space to beam all those shows out.
“So, I don’t know what’s their stand.” Kumbaga, hindi ngayon priority ng gobyerno na pansinin ang mga pelikulang mapangahas.
“Anything that you show publicly, has to be controlled by the MTRCB,” paniniwala ni Morato.
May panawagan ba siya sa mga taga-pelikula para maghinay-hinay, o mag-self-regulate?
“Well, I gave them chance to self-regulate, but they don’t. They’re not disciplined enough, during my time, ha? Nagpapalusot pa rin."
ABS-CBN LAND ISSUE
Itinanggi naman ni Morato ang sabi-sabing pag-aaari ng kanyang angkan ang lupang kinatitirikan ng ABS-CBN.
Si Manuel "Manoling" Morato ay isa sa labindalawang anak ng unang Mayor ng Quezon City na si Tomas Morato.
“That’s not true. Huwag kayong maniwala sa mga tsismis. That’s not true,” diretsong pahayag ni Manoling.
“Ang aking property is right across Mario’s restaurant, yung white building. I live in the penthouse. That’s mine.
“I have nothing to do with ABS-CBN.”
Itinanggi rin niya ang tsismis na nung Pangulo pa ng Pilpinas si Cory Aquino, pinapirma diumano ang Pamilya Morato upang ibigay nila ang kanilang lupain sa ABS-CBN.
“I know nothing of what happened there. Wala kaming pakialam.”
ORACUR USER
Eighty-seven (87) years old na si Manoling Morato, dating Chairman ng MTRCB at naging chairman din at board of directors member ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nung panahon nina Pangulong Fidel V. Ramos at Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa kasalukuyan, isa siya sa mga endorser ng Oracur solution (spray), na advertised as an anti-covid oral medicine na mabisa rin daw sa coughing, bronchitis, tonsilitis, at stomatitis.
Mula 2008 ay gumagamit na raw nito si Morato.
“I introduced it to PCSO. Di ba, nasa PCSO ako? So, ipinamigay namin sa mga mahihirap nationwide.
“For oral hygiene, and for toothaches. Because there are a lot of areas in the country with no dentist.
“So, I gave them. Then I found out it’s more than that," patotoo ni Morato.
