Tiniyak ng magkasintahang Derek Ramsay at Ellen Adarna na tuloy ang kanilang kasal ngayong 2021.
"Dapat! Gusto namin this year. The plan is this year," bulalas ni Derek.
Magkasamang nakapanayam ni Morly Alinio si Derek at fiancée na si Ellen sa radio program ng DZRH noong Linggo, August 1.
Tinanong ang couple kung totoong September o October 2021 ang schedule ng kanilang kasal.
Pero ayaw nilang ibigay ang eksaktong petsa dahil posible pa raw mabago dala ng restrictions sa mass gatherings tulad ng wedding event.
"Alam mo, hindi rin namin alam," mabilis na sagot ni Ellen.
Tukoy pa ni Ellen sa community quarantine status sa bansa, "Kasi pabago-bago ang ano, e... May ECQ, may MECQ, lahat na lang… barbecue."
Napangiting singit ni Derek, "So, hindi namin alam, yung rules keep changing. So, we have to obey the rules."
Pero umaasa silang matuloy ang napagkayarian nilang wedding date.
Paliwanag ni Derek, "Yung actual date na naka-book na sana kami, yun pa rin sana ang hinahabol namin.
"Pero yun nga, pabago-bago ang mga rules. So, hindi namin alam kung matutuloy pa yung date na yun.
"Every time na nagbabago, urong na naman, urong na naman. Just to be safe, 'no?
"So, yung exact date, wala pa talaga. It all depends pag nag-steady na talaga yung ano [COVID cases]. Pero ongoing pa rin yung pagplano [sa wedding].
"We’re meeting the coordinator again. Magmi-meet kami sa wedding coordinator on the 13th tapos magpi-prenuptial shoot na kami."
WEDDING VENUE, number of guests, attire
Mahirap piliting ituloy ang kasal kapag nasa ECQ dahil limitado lang ang puwedeng imbitahan.
"Kasi ngayon, parang ten lang daw ang allowed?" tukoy ni Ellen sa protocol sa mass gathering.
"Pamilya niya, pamilya ko, hindi talaga kakayanin yung ten," dagdag ni Derek.
Secret lang daw muna ang venue ng kasalan, sabi ni Derek.
Basta ang gusto nila ay very intimate talaga na mag-e-enjoy ang makakasaksi sa kanilang pag-iisang dibdib.
Ilan ba ang target nilang wedding guests?
Sagot ni Derek, "Basically, ano siya, e, very, very intimate. Very, very small.
"Tapos very, very relaxed. Gusto naming relaxed kami. Hindi yung suot namin na hindi kami makakilos nang maayos.
"Hindi siya yung typical wedding, e.
"Parang gusto namin na everybody is there to really have fun, to enjoy that special day."
Hindi rin muna idinetalye ni Ellen kung sino ang gagawa ng wedding gown niya, pero may dalawa raw siyang pinagpipilian sa ngayon.
Sabi ni Derek tungkol sa wedding attire nila ng fiancé, "Meron siyang dalawang options na sinukat na siya and everything. So, she still has to make that decision.
"Tapos ako, hindi ako makag-decide until she made her decision."
DEREK WANTS TO MEET ELLEN'S FAMILY before the wedding
Pinaplano rin ni Derek na siya ay mamanhikan sa pamilya ni Ellen sa Cebu kapag lumuwag na ang COVID-19 restrictions.
Pati mga magulang ni Derek ay excited na raw personal na makilala ang ina ni Ellen.
"Gusto nga ng mom at dad ko, kahit na-COVID sila, gusto talaga nilang lumipad ng Cebu para magpaalam at makilala yung mommy ni Ellen.
"Pupunta sana kami ng Cebu... Soon siguro makakapunta kami ng Cebu. Maybe next month," saad ng Kapuso actor.
Hindi pa raw nagkikita nang personal si Derek at ina ni Ellen. Sa ngayon ay pawang video call lang ang komunikasyon nila.
Kinukunan daw ni Ellen ng video kapag kinakausap ng mommy niya si Derek.
"Para akong bata, e," napangiting sabi ni Derek.
DEREK and ellen to launch their joint VLOG
Magbubukas ng vlog ang engaged couple para maibahagi nila sa publiko ang buong proposal video ni Derek kay Ellen, pakikipag-usap ni Derek sa ina ni Ellen, at pati mga playtime nila bilang couple.
Paliwanag ni Derek sa ginagawa nilang vlogs ni Ellen, "Yung good times lang. Gusto naming yung vlog namin is informative.
"And at the same time, just to give high spirits to everybody kasi nakakalungkot talaga yung nangyayari sa mundo ngayon, e."
Makikita raw sa kanilang vlogs kung gaano sila kasaya sa kanilang relasyon na walang pressure at ini-enjoy lang ang kanilang pagsasama.
Masayang kuwento pa ni Derek, "Sabi nga, si Ellen is the female version of me and I’m the male version of Ellen.
"Walang napipikon. Pag yung inaano niya sa akin yung ipis, natatakot ako, pero hindi ako napipikon.
"The same way na pag binidyuhan ko siya na tulog, wala siyang pakialam, 'So?'"
Kaya raw nilang sakyan ang pranks ng isa't isa.
Dagdag ni Derek, "We just like to have fun with each other. That’s what our relationship should be. It’s supposed to be fun.
"Dito sa bahay, you’ll never know what to expect, e."
Naging magkasintahan sina Ellen at Derek noong February 4, 2021.
Una nila itong kinumpirma sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong February 26.
Makalipas ang halong dalawang buwan, noong March 30, nag-propose si Derek kay Ellen.
Use these foodpanda vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
