PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Robin Sison axed from TV5's Lunch Out Loud; cries foul

Robin: "Padasal-dasal pa tayo sa show na ‘to. May ganito palang kaganapan."
by Jojo Gabinete
Published Aug 11, 2021
Robin Sison (left and lower right) tells bosses of Lunch Out Loud: "This is very unacceptable. Kung gusto ninyo akong tanggalin, tanggalin niyo na lang ako. Pero huwag ninyo akong kakasuhan o pagbibintangan ng mga ganyan kasi may mga anak akong babae." He categorically denies the allegation that he harassed female writers of the TV5 noontime show which led to the non-renewal of his contract as creative manager.
PHOTO/S: Robin Sison / Lunch Out Loud Facebook

#RobinSisonVsLunchOutLoud Part 1

Masakit para kay Robin Sison na mawala sa Lunch Out Loud bilang creative manager dahil sa tinawag niyang gawa-gawang kuwento ng harassment.

Ang Lunch Out Loud (LOL) ay ang daily noontime show sa TV5 na nagsimulang umere noong October 19, 2020.

Blocktimer show ito na iprinodyus ng Brightlight Leisure Productions Inc., ang production company na pag-aari ng negosyante at dating congressman ng Negros Occidental na si Alfredo Abelardo Benitez, o mas kilala bilang Albee Benitez.

Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi ni Robin na halos tatlong dekada na siyang writer sa television industry.

Matagal siyang naglingkod bilang writer sa mga top-rating show ng ABS-CBN.

Kasama rito ang 'Sang Linggo nAPO Sila, Wowowee, Game KNB?, Teysi ng Tahanan, Kaya Ni Mister Kaya Ni Misis, Bida Si Mister Bida Si Misis, Tarajing Potpot, Klasmeyts, Yes Yes Show, Quizon Avenue, Wazzup Wazzup, Gudtaym, Pinoy Big Brother, at Laugh Out Loud.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

At noong October 2020, tinanggap niya ang alok na maging creative manager ng Lunch Out Loud.

Si Robin, kasama ang headwriter na si Koko Joven, executive producer (EP) na si Rowena Valencia, at direktor na si Bjoy Balagtas, ang bumuo at nag-umpisa ng LOL.

"Contractual employees kami sa LOL. Every three months, kinokontrata kami ng Brightlight Productions, nagre-renew at pumipirma kami ng kontrata," umpisang kuwento ni Robin sa PEP.ph, noong Biyernes ng hapon, Agosto 6.

Patuloy niya, "Nakailang pirma na ako dahil nag-start ang LOL noong October 19, 2020. Malapit na nga ang first anniversary namin saka pa nangyari ito."

Matapos ang sampung buwan niya sa show, noong August 3, 2021, doon nalaman ni Robin na hindi na ire-renew ng management ang kanyang kontrata.

Aniya, "Itong pirmahan uli ng kontrata noong August 3, ipinatawag ako ni Ms. Pat-P Daza, ang executive ng Brightlight Productions, at ni Bobet Vidanes, dahil hindi na raw ako ire-renew."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Si Bobet ang dating direktor ng It’s Showtime, ang daily noontime show ng ABS-CBN. Noong November 2020 ay iniwanan niya ang It's Showtime para lumipat sa LOL bilang creative producer.

Si Pat-P, o Patricia Daza, ay ang supervising producer ng LOL. Bago lumipat sa Brightlight Productions, pitong taon siyang naging anchor sa DZMM, isang kompanya sa ilalim ng ABS-CBN.

Patuloy ni Robin, "Kung tutuusin naman, mga contractual worker kami, wala kaming karapatang magtanong.

"Kapag tinanggal kami at sinabi nilang hanggang dito na lang ang kontrata mo, okay na ‘yon sa akin."

Pero bilang creative manager ng show, nang makaharap ni Robin sina Bobet at Pat-P, ay tinanong daw niya kung bakit hindi na siya kasali sa programang kasama siya sa unang nagbuo.

Nalaman din daw kasi niyang walang problema sa kanyang performance.

Dito raw sinabi kay Robin ang alegasyong harassment na ipinupukol sa kanya.

Salaysay ni Robin, "Pero nagtanong ako, 'Ano po ang dahilan?' Ang sabi nila, may mga reklamo sa akin na nangangatok daw ako ng pinto ng female writers sa tuwing nalalasing ako. So they feel threatened.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

"Sabi ko, 'Ms. Pat, ano yung sinasabi niyong 'sa tuwing'?' Ibig sabihin ng 'sa tuwing,' madalas.

"Sabi ko, 'Isang beses lang nangyari 'yan, at ganito ang nangyari.' Ikinuwento ko sa kanya.

"Kasi naka-lock-in kaming mga creative at staff sa hotel sa Kalayaan Avenue na katabi ng Studio 72, ang studio ng Lunch Out Loud."

ROBIN'S VERSION OF "NANGANGATOK NG LASING" INCIDENT

Ayon kay Robin, may insidente ngang nangatok siya ng pintuan ng hotel room ng dalawang female writers ng Lunch Out Loud noong Enero 2021.

Pero wala raw iyong malisya o maituturing na harassment.

Kuwento niya, noong tanghaling iyon ay sinalo ng dalawang female writers ang trabaho ng isang writer na nag-absent sa show.

Kaya humirit daw ang dalawang female writers na manlibre si Robin ng pulutan at isang bucket ng beer.

Kinagabihan, nag-inuman daw sina Robin at ang dalawang female writers sa hotel room ni Robin.

Lahad ni Robin, "Yung isang writer nakaupo sa kama ko. Umiinom sila dun, gumagawa sila ng script.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ako, nanonood ng Netflix. Umiinom din ako ng sa akin. Meron akong dalang vodka.

"Ngayon, yung isang writer, tinagusan."

Nagpaalam daw ang babaeng tinagusan na babalik ito sa sariling kuwarto upang magpalit ng damit.

Hindi raw kaagad bumalik ang babaeng tinagusan kaya pinasundo ito ni Robin sa female writer na naiwang kasama niya.

Nang bumalik ang dalawang babaeng writers sa kanyang hotel room, umiiyak daw ang babaeng natagusan.

Nang tanungin ni Robin kung napaano ito, ang sabi lang daw ng babae ay may problema ito sa pamilya at ayaw na nitong idetalye kung ano iyon.

Pagkatapos, umalis na raw ang dalawang babae sa hotel room ni Robin nang hindi inililigpit ang mga pinag-inuman at pinagkainan ng mga ito.

Sa puntong iyon daw nagtungo si Robin para katukin ang kuwarto ng dalawang female writers.

"Ang ginawa ko, pumunta ako sa kuwarto nila. Kinatok ko. 'Hoy! Labas kayo diyan.' Tapos lumabas.

"Sabi ko, 'Pambihira kayo, iniwan niyo yung pinag-inuman doon, hindi niyo man lang niligpit.' 'Ay, sorry Kuya Robin.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ginawa nila, bumalik sila sa kuwarto ko, niligpit nila yung pinag-inuman nila, and then nagpaalam sila."

Ipinaliwanag daw ni Robin ang insidenteng iyon kina Bobet at Pat-P.

Nanindigan din siyang walang harassment na nangyari sa pagitan niya at ng dalawang female writers na nakainuman sa kanyang hotel room noong Enero 2021.

ALLEGED INCIDENT WITH A GIRL FROM FACEBOOK

Isa pang insidente ng diumano'y harassment na iniuugnay sa kanya ay may kinalaman sa isang babaeng nakausap niya sa Facebook Messenger.

Ani Robin sa PEP.ph, "Meron pa isang issue, meron daw babae na ilalabas sa social media yung reklamo. ‘Sino yan?,’ sabi ko."

Ayon kay Robin, ang babaeng ka-Facebook niya ay irerekomenda sana niya bilang talent sa Lunch Out Loud.

Kapalit daw sana ito ng isang talent na ipinasok niya sa show, pero napapadalas ang pag-absent.

Kinausap daw niya ang babaeng ka-Facebook at hiningan ng pictures para makilatis kung puwede ito sa show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nagpadala naman daw ng profile pictures ang babae.

"Ini-scan ko, tinitingnan-tingnan ko. Sabi ko, 'Kailan pa itong pic na ito? Baka mataba ka na ngayon?'"

Saka raw nagpadala ang babae ng litrato nitong nakasuot ng crop top at bikini bottom habang nagkakape sa tabi ng pool.

Tinanong din daw ni Robin ang babae kung puwede itong makipagkita sa kanya para ma-interview niya bago iharap sa mga boss ng produksiyon.

Pero wala raw kotse ang babae kaya hindi iyon natuloy.

Patuloy ni Robin, "Nag-message kami na ganito nga, 'Baka puwede ka manood ng LOL para malaman mo kung anong galaw ng 'Pera Usog'?

"Sinabi ko sa kanya na creative manager ako...

"Lumaon ang panahon, tanong siya nang tanong, 'Sir, kailan ang interview?' Sabi ko, 'Babalikan kita.'"

Pero hindi raw natuloy ang rekomendasyon niya sa babaeng ka-Facebook.

Nang tanungin daw kasi ni Robin ang director at executive producer ng LOL, tila hindi na interesado ang mga itong kumuha ng bagong talent. Pumapasok na rin daw sa show ang current talent na papalitan sana nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ani Robin, "So, July pa lang, hindi na kami nag-usap nung [ka-Facebook ko]. Sa madaling sabi, hindi siya napunta ng LOL.

"Never kami nag-meet..."

Sa meeting daw nila nina Bobet at Pat-P noong August 3, naungkat ang tungkol sa babaeng nakausap ni Robin sa Facebook.

Sabi ni Robin, "Tapos, yun ang sinabi sa aking issue. Bukod sa pangangatok [sa hotel room ng female writers], meron daw akong binastos."

Mariing itinanggi ni Robin ang alegasyong binastos niya ang babaeng kausap sa Facebook.

Salaysay ni Robin sa PEP.ph, "Pinakita ko kay Ms. Pat yung conversation [sa Facebook Messenger].

"Sabi ko, 'Ms. Pat, wala akong binubura sa conversation namin. Basahin niyo po 'yan.'

"Hindi naman nila binasa."

HOT STORIES

ROBIN on alleged INVESTIGATION without due process

Nanindigan si Robin na hindi niya magagawa ang paratang na harassment.

Tingin pa niya, may kinalaman si Bobet sa desisyon ng management na huwag nang i-renew ang kanyang kontrata bilang creative manager dahil hindi siya "bata" o “anak-anakan" ng former director ng It’s Showtime.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Diretsahang inilabas daw ni Robin ang saloobin sa pag-uusap nila nina Bobet at Pat-P.

Lahad niya: "Ako kasi, kapag nasa katuwiran ako, lalaban ako. Sabi ko, 'Bobet, tumingin ka sa mata ko, tumingin ka!'

"Kinakausap ko siya, pero ibinababa niya ang kanyang mga mata.

"'Alam ko naman talaga ang nangyayari dito. Ikaw, Direk Bobet, the moment you stepped inside LOL’s studio, alam kong katapusan ko na dahil hindi mo naman ako bata, di ba?

"'Di ba, Direk? Hindi mo naman ako bata sa ABS-CBN. Nagkikita tayo doon.'"

Kinontra raw ni Bobet ang pahayag ni Robin.

Sa puntong ito, sinabi raw ni Bobet kay Robin na nagkaroon ng imbestigasyon ukol sa isyung harassment, at may "executive committee" na nagresolbang hindi na i-renew ang kanyang kontrata.

Ikinagulat daw ito ni Robin.

Salaysay pa ni Robin sa PEP.ph, "Sabi niya, 'Robin, ipinaglaban ka namin. Pero sina Atty ang nag-decide.' Kasi meron daw executive committee na nagdesisyon."

Lalabas na ang "Atty" na tinutukoy dito ay si Atty. Josabeth "Joji" Alonso, counsel ng Brightlight at film producer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pagpapatuloy ni Robin, "E, wala namang kaso, puro tsismis, puro paratang.

"Sabi ko, 'This is very unacceptable. Kung gusto ninyo akong tanggalin, tanggalin niyo na lang ako.

"'Pero huwag ninyo akong kakasuhan o pagbibintangan ng mga ganyan kasi may mga anak akong babae.

"'Paano kung makarating sa kanila ‘yan, e, di nasira na ang pangalan ko?'"

Hindi raw maintindihan ni Robin kung bakit nagdesisyong tanggalin siya sa show nang hindi pa nakukuha ang bersyon niya ng mga pangyayari.

Ni wala raw siyang natanggap na written o verbal notice mula sa management na may complainants na inirereklamo siya ng harassment.

Malinaw raw sa kanyang walang nasunod na tamang proseso sa sinasabing imbestigasyon laban sa kanya.

"Sinabi ko kina Ms. Pat-P at Bobet, 'Hindi niyo ako ipinaglaban,'" lahad ni Robin sa PEP.ph.

Patuloy niya, "'Pambihira naman, padasal-dasal pa tayo sa show na ‘to. Simula ng show at pagkatapos ng show, nagdarasal tayo, meron palang mga ganitong galawan na magaganap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"'Miss Pat-P, ako po ang gumawa ng show na 'to, theme song, segments, lahat, ako ang gumawa nito.'

"Ang sabi ni Bobet, 'Oo, Robin, we know you’re the guy behind LOL.'

"'Yun naman pala, bakit ganito? Bakit nangyayari ito?'"

Diin pa ni Robin, "So, talagang napakasama ng loob ko na ako ang gumawa, ako ang nagpakahirap, iba ang umaani."

ROBIN ON DOCUMENT ABOUT his end of CONTRACT

May dokumentong pinapipirmahan daw kay Robin tungkol sa kanyang end of contract, pero hindi niya ito pinirmahan.

Hindi raw siya pumayag matapos malamang ang kanyang end of contract ay may kinalaman sa alegasyong harassment—na mariin niyang pinabulaanan at wala raw sapat na basehan.

Depensa pa ni Robin, sa loob ng halos tatlong dekada niya sa TV industry ay hindi raw siya nasangkot sa anumang kontrobersiya dahil pinangalagaan niya ang kanyang reputasyon.

Sabi raw niya kina Bobet at Pat-P: "Magti-thirty years na ako sa industriyang ito, napakaingat ko sa mga ganyan, dahil ‘yan, puwedeng bumalik sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Never akong nagkaroon ng kaso ng harassment sa ABS-CBN ever since, kaya itong nangyayari [sa LOL sa TV5] is very unacceptable sa akin.

"Puwede niyo naman sabihin na ayaw niyo na sa akin, na nayayabangan kayo sa akin, pero huwag niyo akong kakargahan ng ganitong isyu.

"Delikado ito, this is unacceptable. Hindi ako papayag na ganyan."

Ano ang sumunod na nangyari?

Sagot ni Robin, "E, di nagtinginan si Miss Pat-P at saka si Bobet.

"Sabi ni Miss Pat-P sa akin, 'O sige, hindi na namin sasabihin ‘yan. Wala na kaming ilalagay na ganyan.'

"Ang sabi ni Bobet, 'Sige, mag-resign ka na lang.'

"Sabi ko, 'Bakit ako magre-resign?' Natahimik na naman sila."

Dahil sa matinding sama ng loob, hindi na raw tinapos ni Robin ang taping ng LOL noong araw na malaman niya ang isyung ibinabato sa kanya.

Aniya, "Noong August 3, may taping kami para sa tatlong episodes ng LOL. Hindi ko na tinapos kahit inaawat ako ni Direk Bjoy na huwag umalis."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sabi raw niya kay Bjoy, na direktor ng show, "Para ano pa? Sinentensiyahan na ako. Ano pa ang gagawin ko dito?"

NO COMPLAINT FROM FEMALE WRITERS during investigation

Sa sariling pagtanong-tanong ni Robin, napag-alaman daw niyang ipinatawag ang tatlong female writers ng LOL para sa imbestigasyon kaugnay ng alegasyong harassment laban sa kanya.

Pahayag ni Robin, "Hindi ko alam na meron na pala silang mga iniimbestigahan, ang mga writer ng LOL.

"Yung mga batang ‘yon, hindi naman nagreklamo.

"Sinundo nila, dinala sa office, at isa-isang ininterbyu tungkol sa akin."

Lumalabas na nakausap ni Robin ang female writers na sinasabi ng management na inireklamo siya.

Doon daw niya nalamang walang isinumbong ang mga ito, written man o verbal, ng anumang insidente ng harassment patungkol sa kanya.

Ang napag-alaman niya ay may abogado raw ng show na kumausap sa mga writer nang isa-isang ipatawag ang mga ito sa opisina.

Lahad ni Robin ukol sa kanyang nalaman: "Yung line ng questioning is hypothetical. Like, 'Halimbawa ba, ganito ang gawin sa 'yo, magagalit ka?'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Parang ganoon, isinusubo sa kanila yung mga tanong."

Diin ni Robin tungkol sa mga katrabahong female writers: "Hindi naman kasi sila nagreklamo. Sinundo lang sila, dinala sa office, at pinagtatanong ng hypothetical questions."

Kung talagang patas ang imbestigasyon, sana raw ay kinausap din siya ng mga nag-imbestiga.

Katuwiran ni Robin, "Hindi ko alam na nagkaroon pala ng ganoong klase ng imbestigasyon, na ibabalik pala sa akin pagdating sa araw ng renewal ko ng contract.

"May investigation pala. Dapat nandoon ako. Hiningi man lang sana nila ang side ko.

"Gusto ko harap-harapan para malaman kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo."

ROBIN on bobet's alleged favoritism

Sa huli, pinanindigan ni Robin ang paniniwalang hindi siya mawawala sa LOL bilang creative manager kung ipinaglaban siya ni Bobet.

Inosente raw siya sa mga ibinibintang laban sa kanya.

Sabi ni Robin sa PEP.ph, "Kung talagang ayaw akong tanggalin, isang sabi lang ni Bobet, dahil siya ang creative producer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kung sinasabi niya na ipinaglaban niya ako, hindi ito mangyayari sa akin. Siya ang nasusunod, e."

Pakiramdam niya, hindi isinaalang-alang ang naging ambag niya sa show.

Kuwestiyon ni Robin: "Hindi pa ba masaya si Bobet na buo na ang show nang pumasok siya? Siya na ang pinakamataas ang suweldo, sa kanya pa ang lahat ng pabor, hindi pa ba siya masaya?

"Bakit kailangan na mangyari pa ang ganito? Bakit pinayagan niyang mangyari ito? Dapat nga, thankful pa siya sa akin."

Tingin ni Robin, malaking dahilan kaya hindi siya na-renew ay dahil sa hindi siya "anak-anakan" ni Bobet.

Sa madaling salita, may favoritism umano ang direktor.

Ani Robin, "Sa ABS-CBN, talagang mataas siya, Direk Bobet siya doon. Kapag hindi ka close sa kanya... May term siya palagi, 'anak-anakan ko iyan.' Mahilig siya sa ganyan.

"Kung hindi ka niya anak-anakan, wala ka.

"Kaya ‘yon ang salita na binitawan ko sa kanya, 'The first day you stepped inside the LOL studio, alam ko na katapusan ko na dahil hindi niya ako bata o anak-anakan.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nakarating pa raw kay Robin na naglabas ng sama ng loob si Bobet sa mga kasamahan nila sa studio dahil sa tinuran niyang iyon sa meeting nila noong August 3.

Kuwento ni Robin, "Pag-alis ko [noong August 3], nalaman ko na nagdrama si Bobet sa stage ng LOL.

"Lungkot na lungkot at umiyak pa raw dahil na-hurt daw siya sa sinabi ko na hindi niya ako ipinagtanggol dahil hindi niya ako bata.

"Nalungkot, nagdrama, at kumuha siya ng simpatiya.

"Kaya kinagabihan, nagpatawag daw si Billy Crawford ng Zoom meeting sa mga host para kay Bobet. Na pakisamahan daw nilang mabuti si Bobet dahil nalulungkot."

Diin ni Robin, "Bakit siya mahe-hurt sa sinabi ko? E, yun ang nararamdaman ko. Totoo naman, e."

Si Billy, na dating co-host ng It's Showtime, ang isa sa main hosts ng LOL.

ALLEGED UNFAIR REMOVAL FROM SHOW

Ang pagtanggal sa kanya sa show nang dahil sa diumano'y walang katotohanang alegasyon ang nag-udyok kay Robin na lumantad sa publiko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Himutok niya, "Kina Ms. Pat-P at Bobet, puwede niyo naman sabihin na 'end of contract ka na.' Wala naman akong magagawa kung end of contract na.

"Bakit kinargahan niyo pa ako ng mga ganyang klaseng isyu na walang basehan?

"Kapag sinabing harassment, mahirap patunayan ‘yan. Mahabang proseso ‘yan. Kailangan mapatunayan niyo ‘yan!

"Bakit kailangan niyo pang manira ng dignidad ng tao, e, pamilyado ako?

"May anak ako na menor de edad. Yung asawa ko, yung pamilya ko, nag-iyakan. Yun ang napakasakit sa akin."

Masakit din daw kay Robin na matanggal sa show na pinagtrabahuan niya nang husto.

Sabi nito, "Nag-decide akong magsalita dahil, ang feeling ko, inagawan ako ng laruan. Baby ko ang LOL, e.

"Ako ang gumawa niyan, ako ang nag-create, tapos gaganyanin ninyo ako?"

Nais din daw protektahan ni Robin ang reputasyon niya at ng kanyang pamilya.

"Masyadong naapi ang pamilya ko. Ang dehado rito, yung pamilya ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Yung mga anak ko, kakain na dapat sila, pero nung nalaman nilang tinanggal ako sa LOL, hindi na sila nakakakain.

"Nag-iyakan yung mga anak ko. Yung moral damages, grabe."

Inaalala rin daw ni Robin ang pinansiyal na pangangailangan ng kanyang pamilya ngayong wala siyang trabaho.

Aniya, "Dahil sa nangyaring ito, hindi ko alam kung paano namin pagkakasyahin yung konti kong naipon para sa enrollment ng mga bata at pambayad sa bahay na aming inuupahan."

May mensahe ba siya sa management ng Brightlight Productions?

Sagot ni Robin, "Napakabait ni Congressman Albee Benitez. Napakataas ng paggalang ko sa kanya at nagpapasalamat ako sa opportunity na ibinigay niya sa akin.

"Bata pa lang ako, pinapanood ko na ang mga noontime show at ever since naging writer ako, pangarap kong makagawa ng noontime show.

"Dumating ang pagkakataon sa buhay ko, at natupad ito sa LOL."

BRIGHTLIGHT PRODUCTIONS' OFFICIAL STATEMENT

Kinuha ng PEP.ph ang panig ng Brightlight Productions tungkol sa isyung sangkot si Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nitong Martes, August 10, natanggap namin ang opisyal na pahayag mula sa legal counsel ng Brightlight Productions na si Joji Alonso.

Ayon kay Atty. Joji, nagkaroon ng masusing imbestigasyon sa mga reklamong natanggap nila laban kay Robin nang siya ay creative manager ng Lunch Out Loud.

Malinaw raw sa resulta ng kanilang imbestigasyon na may paglabag si Robin sa Safe Spaces Act at pati na rin sa isyu ng abuse of authority.

Hindi idinetalye ng Brightlight kung anu-ano ang mga insidente ng harassment na ipinukol diumano ng complainants laban kay Robin.

Ganunpaman, ayon kay Atty. Joji, mahigpit ang polisiya ng Brightlight Productions na siguruhing maging safe space ang work environment ng shows na iprinoprodyus ng kumpanya, tulad ng Lunch Out Loud.

Sa huli, sinabi ni Atty. Joji na ang employment status ni Robin sa Lunch Out Loud ay "independent contractor."

Ibig sabihin ay contractual basis ang kontrata nito sa show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nang mag-expire ang kontrata ni Robin, ani Atty. Joji, nagdesisyon ang management na hindi na kunin ang serbisyo ng LOL creative manager.

Hindi sinasagot ni LOL Creative Producer Bobet Vidanes ang text messages ng PEP.ph na ipinadala nitong mga huling araw.

Sinabi naman ni LOL Supervising Producer Pat-P Daza na ang sasagot para sa Brightlight ay ang counsel nilang si Joji Alonso.

Inaasahan namang sasagutin ng Brightlight ang ilan pang reklamo ni dating LOL Creative Manager Robin Sison.

Nananatiling bukas ang PEP.ph sa magiging pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.

HOT STORIES

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Robin Sison (left and lower right) tells bosses of Lunch Out Loud: "This is very unacceptable. Kung gusto ninyo akong tanggalin, tanggalin niyo na lang ako. Pero huwag ninyo akong kakasuhan o pagbibintangan ng mga ganyan kasi may mga anak akong babae." He categorically denies the allegation that he harassed female writers of the TV5 noontime show which led to the non-renewal of his contract as creative manager.
PHOTO/S: Robin Sison / Lunch Out Loud Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results