Inamin ni Ogie Alcasid na dalawang leading men ng kanyang asawang si Regine Velasquez ang pinagselosan niya noon: sina Robin Padilla at Piolo Pascual.
Sa katunayan, umiyak pa raw noon si Ogie kay Regine sa tindi ng pagseselos nito kay Robin.
Sa "Honest Talk with Mr. and Mrs. A" YouTube vlog ni Ogie ngayong Lunes, August 9, 2021, sinagot nila ang ilang tanong mula sa netizens.
Isa sa mga tanong: may isang leading man ba noon si Regine na pinagselosan ni Ogie?
Sagot ng singer-comedian, “Yeah, I did. Actually, twice. Kay Robin at saka kay Piolo."
“Kay Piolo?” tanong ni Regine na tila hindi makapaniwala.
Tugon ni Ogie, “Oo, kasi hindi pa tayo out nun, e. Kaya na-insecure ang lolo mo.
"Tsaka ang popogi, e. Sino ba naman ako na kukumpara sa mga ‘yon?”
Sina Regine at Robin ay unang nagtambal sa pelikulang Kailangan Ko’y Ikaw noong 2000, at naulit ito sa Till I Met You noong 2006.
Nakapareha naman ni Regine si Piolo sa pelikulang Paano Kita Iibigin? noong 2007.
Noong 2006 ay lihim nang magkarelasyon sina Regine at Ogie. Kaya’t matinding selos daw ang naramdaman ni Ogie sa reunion movie nina Regine at Robin.
OGIE CALLED REGINE ON THE PHONE
Sa isang episode ng Tonight With Boy Abunda noong November 2018, ibinahagi ni Regine na umiiyak na tumawag sa kanya si Ogie noong nagselos ito kay Robin.
“Kasi nagkasabay ang pelikula namin, yung second movie namin ni Robin… that time, kami na nun ni Ogie,” lahad ng Asia’s Songbird.
“And we were not out yet. So, siyempre, landian kami nang landian ni Robin Padilla sa pelikula na ‘yon.
“Siyempre, naseselos siya [Ogie].
“He called me one time and he was crying, and he felt so bad that, parang, ‘Bakit kailangan niyo pa gawin ‘yon?’
“Sabi ko, ‘Wala, promo lang naman ‘yon.’ Ta’s hindi niya maintindihan.
“And after nung naging out na kami, tinanong ko sa kanya bakit.”
Sagot daw ni Ogie, “Kasi siyempre, hindi tayo out, e.”
Ani Regine, “So, feeling ko, parang tagong-tago ako and I couldn’t tell anyone na ako yung mahal niya.”
Sinegundahan ni Ogie ang paliwanag na ito ni Regine sa guest appearance ng singer-songwriter sa Magandang Buhay noong February 2019.
Aniya, itinatago pa nila noon ni Regine ang kanilang relasyon.
"And then, nalaman ko nga may pelikula sila ni Robin. Sino ba naman [ako]? Isang action star, matipuno at talagang siyempre... medyo naano lang ako, na-insecure," pag-amin ni Ogie.
"Pero nalaman ko naman na napakamaginoo ni Robin at inalagaan niya si Regine, at ako naman ang pinakasalan kaya ayos na rin 'yon."
Aniya, normal lang na makaramdam ng pagseselos. Pero mas secure na raw siya sa pagsasama nila ni Regine, na pinakasalan niya noong 2010.
Sabi pa ni Ogie, "Sa katandaaan namin pag nagseselos ka, medyo nakakahiya na, medyo may problema."
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
