Vocal ang mga First Yaya co-stars niyang mga beauty queen na sina Maxine Medina at Thia Thomalia sa pagsasabing may potensiyal si Sanya Lopez na maging isang beauty queen.
Nagpahayag na rin ng suporta sina Maxine at Thia kung sakaling maisipan ni Sanya na sumali sa alinmang beauty pageants sa bansa.
May plano na ba si Sanya? Next year ba ay makikita na siya ng publiko sa entablado bilang isang beauty pageant candidate?
Tumawa muna si Sanya bago sumagot.
"Iyon nga po, e, parang ang dami pong... nakakahiya man pong sabihin pero hindi ko po alam kung bakit ako po yung nakikita nila doon?
"Pero thank you po, salamat po talaga!
"Sobrang nakakatuwa na isa ako sa mga nakikita nila para lumaban.
"And even yung mga kakilala ko pong sikat at may alam po talaga pagdating po sa pageant, at mga sikat, kilala po talaga nating lahat, inaaya po nila ako na, 'O, sa akin ka na next time, ha? Sa pageant, ikaw na yung 2022!'
"So parang, sabi ko sa kanila, 'Wait lang po!'"
Sa ganda ng takbo ng showbiz career ng 25-year-old leading lady, tila wala sa priority niya ang pagsali sa pageant.
Dugtong ng dalaga, "Parang, iniisip ko, hindi na ito biglaan, hindi na biro. So nakakatuwa lang po talaga na isa ako sa mga nakikita nila dun.
"Pero sabi ko nga po, sa ngayon, hindi ko pa talaga masabi kasi napakaganda po ng ibinibigay sa akin ng GMA, napakahirap po talagang bitawan sa ngayon."
Malapit ng mapanood si Sanya katambal si Ken Chan sa pinakaunang GMA Regal Studio Presents sa episode na "That Thin Line Between."
SANYA GIVES HERSELF A PAT ON THE BACK
Sa renewal ng kontrata niya sa GMA-7, hindi mapigilan ng dalaga i-congratulate ang sarili dahil matapos ang siyam na taon ay isa na siya sa reliable leading ladies ng Kapuso network.
Sa Zoom mediacon na ipinatawag ng GMA-7 para kay Sanya noong July 29, 2021, ang sabi raw niya sa sarili, "Ang galing mo! Kasi kinaya mo, e...akalain mo yun?"
Nitong pandemya, siya ang nakakuha ng lead role sa First Yaya, kung saan nakapareha niya si Gabby Concepcion.
Naging leading lady rin siya ni Bong Revilla sa Agimat ng Agila.
Dagdag ni Sanya, "Kasi, akalain mo nga yun, di ba? Kumbaga, sino ba naman ako, kumbaga para mai-partner sa pinakamalalaking artista ng GMA?
"Sino ba naman ako para bigyan ng ganitong kalaking role? Sino ba naman ako?
"So lagi kong nire-remind sa sarili ko, kaya bilib rin ako sa sarili ko. Na minsan, hindi ko maiwasan, 'Nakakabilib ka Shaira, ha?'
"As in si Shaira ha, hindi si Sanya.
"Sabi ko kay Shaira, 'Kinaya mo yun?'"
Shaira ang tunay na pangalan ng Kapuso actress.
Puno naman ng pasasalamat si Sanya para sa mga tumulong sa kanya sa kanyang career.
Pagtuloy niya, "And sabi ko lang po talaga na thank you po talaga, thank you talaga kasi... iyon po, e, parang, kinaya ko, kinaya ko at sa tulong rin po ng GMA Artist Center, ni Tatay, of course, si God, at lahat ng nagmamahal sa akin, sumusuporta sa akin, at ang family ko.
"Sila po talaga e, kaya utang na loob ko sa kanila kung anuman yung nangyayari sa akin ngayon."
SANYA LOPEZ ON HER RISE TO STARDOM
Nagsimula si Sanya bilang isa sa mga hosts ng Walang Tulugan kasama ang Master Showman, the late German Moreno, na tinatawag niyang "Tatay."
Ano ang masasabi niya sa naging takbo ng career niya?
"Ang masasabi ko po, hindi po siya madali. Hindi po siya mabilis.
"Siguro po yung nakita ng mga tao, ang bilis ko lang po, kasi from Encantadia, sunud-sunod-sunod.
"Pero yung before pa po yun, kung ano po yung mga pinagdaanan ko pa po, before pa po mangyari yung Encantadia, sobrang tindi na rin po, mahirap po talaga yung mga pinagdaanan ko.
"So, hindi rin po siya mabilis. Hindi po siya madali."
Proud siya na anuman ang narating niya ngayon ay pinaghirapan niya.
"Yes po lahat po talaga pinaghirapan ko. Na hindi mo kailangan mang-apak ng ibang tao po talaga."
Isa si Sanya sa mga artistang halos walang intriga o kontrobersiya sa buhay. Paano niya iyon nagagawa?
"Hindi ko rin po alam, e. Siguro po mas mabuti lang po kasi talagang tahimik lang po talaga.
"Kung meron ka mang mga gustong sabihin, isipin mo muna kung makakatulong ba sa iyo, o kapag ba nasabi mo ito makakatulong ba sa ibang tao.
"Or baka naman may maapektuhan kang ibang tao. Parang lagi ko munang iniisip kung ano yung dapat mong sabihin bago ko bitawan yung isang salita.
"Isipin mo muna kung makakatulong or hindi talaga."
