Hindi nakalusot sa mapanuring mata ng netizens ang pagkakaroon ng zero following ng aktres na si Yen Santos sa Instagram.
Ibig sabihin, wala na siyang pina-follow kahit isang Instagram account. Bagamat nasa 2 million na ang kanyang followers o nagpa-follow sa kanya.
Pero sa pagkakaalam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), as early as March 2019 ay zero following na si Yen.
Nag-archive rin noon ang aktres ng kanyang posts. Kaya kung babalikan ang kanyang Instagram feed, ang pinakaunang post na makikita ay may petsang March 2019.

Si Yen ang leading lady ni Paolo Contis sa pelikulang A Faraway Land, na nagsimula ang streaming sa Netflix kahapon, August 19.
Nagkataong kahapon din pumutok ang balitang in-unfollow ni Paolo sa Instagram ang partner nitong si LJ Reyes.
Zero na rin ang following ng aktor sa kanyang Instagram account.

Kapansin-pansin din ang pagbura ni Paolo sa lahat ng larawan nila ni LJ.
Dahil dito, nagkaroon ng espekulasyong nagkakalabuan na ang dalawa.
Gayunpaman, naka-follow pa rin si LJ kay Paolo sa kanyang account.

Palaisipan naman kung bakit si Yen ay wala na ring pina-follow sa Instagram.
Coincidence nga lang ba ito na pareho sila ni Paolo na "zero" na ang following sa Instagram?
Makikita rin sa Instagram accounts nina Yen at Paolo ang ilang larawang kuha mula sa kanilang pelikula.
Samantala, wala pa ring pahayag o reaksiyon si LJ ukol sa pag-unfollow sa kanya ni Paolo.
Si Paolo ay wala pa ring inilalabas na pahayag.
Ang pelikulang A Faraway Land ay kinunan sa Faroe Islands, ang "paraiso" na matatagpuan sa pagitan ng Iceland at Norway.
Ginagampanan ni Yen sa pelikula ang papel ng isang Pilipina na naninirahan sa Faroe Islands, nakapangasawa ng Faroese at nagkaanak.
Si Paolo naman ang reporter na gumagawa ng documentary tungkol sa mga Pilipinong residente ng Faroe Islands, at si Yen ang kanyang subject.
Nagkaroon sila ng relasyon sa loob lamang ng maikling panahong pananatili ni Paolo sa nasabing lugar.
