Bakas sa social media posts ni Winwyn Marquez na dinibdib niya nang husto ang pagpanaw ni Mahal nitong Martes, August 31, 2021.
Ayon sa pamilya ni Mahal, binawian ng buhay ang komedyante dahil sa "gastro illness at COVID-19" sa isang ospital sa Batangas. Siya ay 46 taong gulang.
Nagkasama sina Winwyn at Mahal sa Kapuso teleseryeng Owe My Love (OML), na umere mula February 15, 2021 hanggang June 4, 2021.
Itinuring ni Winwyn na ate si Mahal dahil hindi natapos ang pagkakaibigan nila nang magpaalam sa ere ang kanilang teleserye.
Sunud-sunod ang posts ni Winwyn sa Instagram para ipagluksa ang pagkamatay ni Mahal.
Mensahe ni Winwyn kagabi, (published as is), “From the first day na nakilala at nakasama kita parang naging ate na kita..
“Lagi mo ako kimakamusta, sinasamahan, at inaalagaan, kayong 2 ni Mygz pinaramdam niyo na hindi ako iba,” pagtukoy sa isa pa nilang co-star na si Mygz Molino.
Dagdag ni Winwyn, “Kahit pag labas natin sa lock in napaka supportive at ateng ate ka padin. napakabuti mong tao ate mahal..
“Hindi padin ako makapaniwala na wala ka na.
“Sabi mo magkikita at mamamasyal pa tayo..
“Salamat sa ngiti na binigay mo saamin at lalo na saakin salamat sa mga usapang life and love..
“I really want to hug you right now.”

Sa huling bahagi ng kanyang post, nakiramay si Winwyn sa mga naulila ni Mahal.
Sunud-sunod din ang post ng actress-beauty queen sa kanyang Instagram Story ng masasayang alaala nila ni Mahal.
Kuha ang mga larawan nila mula sa lock-in taping ng pinagsamahang teleserye.
BALL OF SUNSHINE
Sa isang IG Story, ibinahagi ni Winwyn ang sayang inihatid ni Mahal sa kanilang set.
Paglalarawan ni Winwyn sa komedyana (published as is): “Our Little ball of sunshine. Lagi kami pinapasmile lagi kami pinapatawa.. ate mahal gusto kita ihug [sad emoji]”
Hindi rin daw malilimutan ni Winwyn ang bonding nila sa set. Si Mahal pa raw mismo ang nag-iisip ng konsepto ng TikTok entries ni Winwyn.

Ayon kay Winwyn, “sobrang sakit” ang pagkamatay ni Mahal at ayaw niyang maniwala.
“Naging ate talaga kita. Lagi mo ako sinasamahan at inaalagaaan..” mensahe niya kalakip ang happy picture nila ni Mahal na magkayakap.

Ngayong umaga ng Miyerkules, September 1, ipinost naman ni Winwyn ang collection of TikTok videos nila ni Mahal.
OTHER CO-STARS SADDENED BY MAHAL'S DEATH
Nagpahayag din ng pagdadalamhati at pakikiramay ang iba pang co-stars ni Mahal sa Owe My Love.
Tweet ni Lovi Poe: “Such sad news.. ate mahal we love you [crying and broken heart emojis]

Post ni Benjamin Alves sa Instagram Story: “We love you forever Ate Mahal.”
Nauna na ring nag-post ng pakikiramay ang iba pang co-stars nilang sina Ai-Ai delas Alas at Kiray Celis.
Use these foodpanda vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
