Isinugod sa emergency room si Aiko Melendez.
Base ito sa magkakasunod na Facebook posts ni Aiko noong September 1, 2021.
Ang una niyang post ay bandang ala-una ng madaling araw: "At ang ending ko sa ER hospital, my forehead about to be stitched (sad emoji). third hospital na 'to. Hopefully ma-accommodate nila ako. (crying emoji) Thank you Andre Yllana for rushing me here. (praying emoji)"
Sinundan ito ng isa pang post ni Aiko ng alas-singko ng umaga.
"I am finally home… Thank you for all your messages (praying emoji) Blessed pa din ako hindi natamaan mata ko, ang hirap magkasakit nowadays. Buti in Malvar Hospital line awhile ago was not so long. Thank you Doc Niño Garcia Daffon who stiched my forehead. Praying for no keloid. Malalim yung sugat talaga (sad emoji)
"And it so painful … Lord thank You pa din po that I am better now,not feeling nausea or dizzy."
Sinikap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makausap agad si Aiko sa pamamagitan ng Facebook Messenger para malaman kung ano ang nangyari sa kanya.
Ayon kay Aiko, tinahi ang sugat sa ulo niya.
"Kasi sumusuka ako tapos medyo nahilo ako, humampas ang ulo ko sa sink."
Agad raw siyang isinugod ng kanyang anak na si Andre Yllana at ng kanilang driver sa pinakamalapit na ospital, ang 'General Malvar Hospital sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Inabot ng eleven stitches ang tahi ng sugat ni Aiko sa pagitan ng kanyang mga kilay malapit sa kaliwang mata.
Nagawa namang tumawa ni Aiko sa tanong namin kung buntis ba siya kaya siya nahilo at nagsuka.
Aniya, "Hindi ako buntis! Kasi may nakain ako so pagsuka ko sa sink medyo nahilo ako."
Maanghang na ramen raw ang kinain niya bago nangyari ang aksidente bandang alas-onse ng gabi noong Martes, August 31.
Nakauwi naman agad si Aiko, at nagdesisyon ang aktres na mag-self-quarantine.
"Naka-quarantine ako now coz just to be sure, kasi na-expose ako sa ER [emergency room]."
Kuwento pa sa amin ni Aiko, naka-schedule na ang antigen test niya para sa lock-in taping ng Book 2 ng Prima Donnas ng GMA-7.
"September 7 magpapa-antigen na dapat kami.
"Although nag-test ako kagabi sa ER, requirement kasi, negative ako."
Pagkaraan ng tatlong araw ay muling magpapa-test si Aiko para makasigurado.
"May baby kasi kami here sa bahay, andito ang pamangkin ko and si Marthena wala pang vaccine, just to keep them safe."
Si Marthena ang bunsong anak na babae ni Aiko.
Ngayong linggong ito ay tatanggalin na ang tahi ng sugat ni Aiko, at ang dasal at hiling niya ang mabilis niyang paggaling para sa makasabak agad siya sa taping ng Prima Donnas.