Isang mensahe ng pasasalamat ang ipinost ni Lovi Poe para sa GMA-7, na siyang mother network niya sa loob ng 15 taon.
Sa kanyang Instagram at Twitter accounts, nag-post si Lovi ng publicity photo mula sa isa sa mga teleserye niya sa Kapuso network, ang Someone To Watch Over Me.

Bagamat walang nabanggit si Lovi na lilisanin na niya ang GMA-7, may tono ng pamamaalam at pasasalamat sa network ang kanyang mensahe.
Sinimulan niya ang post sa pagsasabing "mananatili sa puso" niya ang GMA-7.
Ayon kay Lovi, hindi biro ang 15 taong pananatili niya bilang Kapuso, lalo pa't dito niya sinimulan ang kanyang career.
Saad ng 32-year-old actress, "Hindi po biro ang 15 years. I would like to thank GMA for taking a chance on this unknown dreamer; for believing in me and supporting me all these years. I have utmost respect and gratitude to the network that has given me my roots and a heart full of memories.
"Thank you for planting my dreams. Thank you for giving it time, love and effort to water it.
"Punong puno ng pagmamahal at pasasalamat, Lovi Poe"

Isang aktres mula sa GMA-7 ang nakatakdang lumipat at pumirma ng kontrata sa ABS-CBN ngayong araw, September 16.
Base sa teaser na ipinost ng ABS-CBN noong nakaraang linggo, isang "precious jewel" ang nakahanap ng bago niyang tahanan sa Kapamilya network.
Matunog ang balitang si Lovi ang lilipat ng istasyon matapos ang ilang buwang usap-usapang hindi na siya magre-renew ng kontrata bilang Kapuso.
Taong 2006 nang magsimula si Lovi sa showbiz bilang Kapuso. Ang unang proyektong kanyang ginawa ay ang Bakekang bilang isa sa mga anak ni Sunshine Dizon.
Pagkatapos nito ay nabigyan siya ng lead role sa isang buong season ng Love to Love, ang "Jass Got Lucky."
Naging kontrabida rin siya sa mga panghapong teleseryeng Kaputol ng Isang Awit (2008) at Little Star (2010), hanggang sa siya na ang nagbida sa mga programang Legacy (2012) at Yesterday's Bride (2012).
Noong 2013, naging usap-usapan na rin ang paglipat ni Lovi sa ABS-CBN subalit pinili niyang mag-renew ng kontrata sa GMA-7.
Dito siya tinawag na "Premiere Actress" ng Kapuso network at nabigyan ng pagkakataong maging bida sa sarili niyang prime-time shows tulad ng Akin Pa Rin Ang Bukas (2013), Ang Dalawang Mrs. Real (2014), Beautiful Strangers (2015), Someone To Watch Over Me (2016), at The One That Got Away (2018).
Ang huling teleseryeng ginawa ni Lovi sa Kapuso network ay ang Owe My Love katambal si Benjamin Alves. Inere ito mula February hanggang June 2021.
