Hindi tatakbo sa anumang posisyon sa 2022 elections si Batangas 6th District Representative Vilma Santos-Recto.
Sa kanyang social media accounts ngayong araw, October 7, inanunisyo ng Star for All Seasons ang kanyang naging desisyon.
Ayon kay Vilma, mahirap mangampanya sa panahong limitado ang galaw ng mga tao dahil sa COVID-19 pandemic.
Pahayag ng actress-turned-public servant, “After careful consideration of the present situation especially the limitations in conducting a campaign during a pandemic, I have decided not to seek any elective position in the May 2022 elections.”
Pero hindi naman daw ito nangangahulugang titigil na siya sa pagtulong sa kanyang mga kababayan sa pribadong kapasidad niya.
Dagdag pa ni Vilma, “Pero hindi nangangahulugan na titigil na ako sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan.
“Nandito pa rin ako para maglingkod sa inyo.”
Pahayag pa ni Vilma: “I have been serving the public for more than 23 years and will continue to serve in the best way I can even in my private capacity.
“Tuloy pa rin ang traqbaho at serbisyo!
“Sa lahat ng nagtiwala at patuloy na sumusuporta sa akin, maraming, maraming Salamat po.
“Pagpalain tayo ng Poong Maykapal.”
View this post on Instagram
Ito ang unang pagkakataong hindi tatakbo sa anumang posisyon si Vilma mula nang pasukin niya ang mundo ng pulitika noong taong 1998.
Nagsimula ang kanyang political career nang tumakbo siya at manalo bilang alkalde ng Lipa City, Batangas noong 1998.
Siya ang naging kauna-unahang babaeng mayor ng Lipa.
Matapos ang tatlong termino bilang mayor, hinirang din siyang kauna-unahang babaeng gobernadora ng lalawigan ng Batangas noong 2007.
Nahalal siya ng dalawa pang termino, mula 2010 hanggang 2016.
Taong 2016 naman nang tumakbo ay manalo siya bilang kinatawan ng ikaanim na distrito ng Batangas hanggang sa kasalukuyan.
Nauna nang napabalitang tatakbong senador si Vilma kapalit ng asawang si Senator Ralph Recto na magtatapos na ang termino sa taong 2022.
Kabilang din siya sa nominees ng 1Sambayan upang tumakbo bilang presidente at bise presidente sa 2022 elections, ngunit magalang niya itong tinanggihan.
Sa huli ay nagdesisyon si Vilma na magpahinga muna sa pulitika.
