Ikinagulat ng marami ang mga karagdagang pangalan sa senatorial slate ng tandem nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan para sa 2022 elections.
Mismong si Robredo ang nag-anunsiyo ng mga pangalan ng tatakbong senador sa ilalim ng kanilang team ngayong Biyernes ng umaga, October 15.
Maliban sa anim na nauna nang naanunsiyong pangalan na kinabibilangan nina dating Senator Antonio Trillanes IV, Senator Risa Hontiveros, Senator Leila de Lima, former Ifugao Representative Teddy Baguilat, human rights lawyer Chel Diokno, at ang abugadong si Alex Lacon, may lima pang "guest candidates" sina Robredo at Pangilinan.
Ang lima ay ang incumbent senators na sina Richard Gordon, Juan Miguel Zubiri, at Joel Villanueva; si Sorsogon Governor at dating Senator Francis "Chiz" Escudero, at si former Vice President Jejomar Binay.
Sina Zubiri, Escudero, at Binay ay kabilang din sa senatorial lineup ng presidentiable na si Manny Pacquiao.
