Mariing pinabulaanan ni AJ Raval na siya ang third party sa hiwalayan nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla.
Sa Facebook ngayong gabi ng Biyernes, October 15, nag-post ng mensahe si AJ tungkol sa bashers na kinukuyog siya mula nang umamin siyang nagkakamabutihan sila ni Aljur.
Mabuting tao rin daw siya at hindi gumagawa ng masama sa kapwa.
Giit ni AJ: “JUST TO BE CLEAR, HINDI AKO ANG NAGING THIRD PARTY. OKAY GUYS?
“MABUTI AKONG TAO AT HINDI KO KAYANG GUMAWA NG MASAMA, KUNG MAKA BASH NAMAN KAYO PARANG NAKAPATAY AKO NG TAO HAHAHA [laughing emoji]”
Nagpasalamat naman ang sexy actress sa mga nakakaintindi sa kanya at nagpaabot ng suporta.
Sana raw ay huwag na siyang pagbuntunan ng galit ng fans ni Kylie at sa love story nila ng estranged husband na si Aljur.
Aniya, “THANK YOU SA MGA NAKAKAINTINDI AT SA SUPPORT NA NATATANGGAP KO NA APPRECIATE KO KAYONG LAHAT.
“SPREAD LOVE NOT HATE [three heart emojis”
"HINDI AKO MAGPAPAKAIPOKRITA."
Sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) unang umamin si AJ tungkol sa real score nila ng dating co-star sa Nerisa na si Aljur.
Diretsong rebelasyon ni AJ kay deputy PEP Guide editor na si Jimpy Anarcon: "Yes, totoo. Hindi ako magpapakaipokrita.
"Di na ako magsisinungaling, di na ako magde-deny, kasi mukha lang kaming tanga kapag nag-deny kami.
"Well, totoo naman na nag-uusap kami."
Inamin din ng dalaga na si Aljur ang sinasabi niyang manliligaw na boyfriend-material.
Sabi ni AJ, "Yes, siya. Nag-uusap kami. We understand each other. We care for each other.
"Pero wala pa kami sa point na may relasyon kami. Parang getting to know..."
Apat na buwan nang single si AJ
Naghiwalay sila ng dati niyang nobyo na si Axel Torres bandang June 2021 matapos ang halos dalawang taong relasyon.
Si Aljur naman ay limang buwan nang hiwalay sa asawang si Kylie Padilla.
Noong October 1, tila nakarating kay Kylie ang balitang nauugnay si Aljur kay AJ.
Sa PEP Exclusives nitong nakaraang Lunes, October 11, sinabi ni Kylie na karapatan ni Aljur na lumigaya ngayong hiwalay na sila.
Ayaw rin daw niyang malungkot si Aljur dahil baka mapansin at mahalata ng dalawa nilang anak na sina Alas at Axl.
