Marami ang nagsasabing maaaring magserbisyo sa publiko ang isang indibidwal kahit hindi nito pasukin ang pulitika.
Pero para sa aktres na si Claudine Barretto, mas makakatulong siya sa mga tao kapag may posisyon siya sa gobyerno.
Si Claudine ay kumakandidato bilang konsehal sa siyudad ng Olongapo.
Sa panayam ni Anthony Taberna kay Claudine sa kanyang YouTube at Facebook show na Tune In Kay Tunying kagabi, October 24, ibinahagi ni Claudine ang kanyang kagustuhang manilbihan sa bayan.
Alam daw ni Claudine na mas magulo ang mundo ng pulitika kaysa sa showbiz, pero ito lang daw ang tanging pamamaraan upang mas mapalawak ang kanyang pagtulong sa mga tao.
Saad ng 42-year-old actress, “Oo nga, e, ang sabi nga nila mas magulo daw ang pulitika kaysa sa showbiz. Ang akin is mas makakatulong tayo sa tao kung nasa posisyon tayo.”
Tumatakbo si Claudine sa ilalim ng tiket ng kanyang manager na si Arnold Vegafria, na tumatakbo namang mayor sa nasabing siyudad.
Kung susuwertehin at makalusot sa eleksyon sa May 2022, ano ang mga plano niyang gawin sa lungsod ng Olongapo?
Tugon ni Claudine, “Maraming ano, ang maganda kasi sa aming team, sa partido namin, e, may kanya-kanya kaming strengths at may kanya-kanya kaming gagawin.
“Isa, dito ako, nasa social services, so anything tungkol sa social services, hawak ko yun, under sa akin yun.
“So that means healthcare, housing, livelihood, wellness, at yung pinakaimportante yung magkaroon ng trabaho ang mga taga-Olongapo.”
NO FORMAL EDUCATION IN POLITICS
Ito ang unang pagsubok ni Claudine na pasukin ang pulitika.
Aminado ang aktres na wala siyang kaalam-alam dito, pero may puso naman daw siyang gigiya sa kanya sakaling palarin.
Saad niya, “Wala akong experience sa pulitiko, wala rin akong masyadong alam sa pulitiko, pulitika, pero meron akong puso para manilbihan.
“Yun lang ang kaya ko sa ngayon. Tapos kapagka, hopefully, manalo tayo, maihalal, dun mag-start ng political science o kung anuman para alam ko kung paano ba dapat ang gawin, papa'no ba ang tamang pamamaraan.
"Ano ba ang ginagawa ng isang konsehal? Lahat yun, slowly, inaaral ko. Inaaral ko.
"Sinasabi ko nga lagi, wala akong alam sa pulitiko pero meron lang akong puso para sa paninilbihan.”
Ano ang mga ordinansang nais niyang isulong kapag mahalal bilang konsehal?
Ani Claudine, “Ang naiisip ko, of course, ano na batas would have to do something about sa livelihood or sa healthcare or also kung talagang iisipin ko, gusto ko gumawa ng batas na kagaya nung kung ano yung role sa loob ng Subic Bay, SBMA.
“Na pag nandun tayo, nasusunod natin ang traffic lights, naususunod natin ang go signal and when to stop yung tamang pagtakbo ng kotse.
“Sana sa labas ng SBMA, magkakaroon din sila ng ganun klaseng disiplina.”
