Kumpirmadong tatakbo ang aktres na si Claudine Barretto bilang konsehal sa Olongapo City, Zambales.
Ayon sa impormante ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kasama si Claudine sa lineup ng mga konsehal sa ilalim ng tiket ng talent manager at negosyanteng si Arnold Vegafria.
Si Vegafria ay tatakbong alkalde ng nasabing siyudad. Siya ay ipinanganak sa city proper ng Olongapo.
Kasama rin sa lineup para konsehal si Mr. World Philippines 2019 JB Saliba.
Sa Facebook, may ginawa na ring official page ang Bangon Olongapo 2022 para sa team nina Vegafria, Barretto, Saliba, at iba pa.
Ito ang unang pagkakataong sasabak sa pulitika si Claudine.

Parami na nang parami ang mga personalidad na tatakbo sa 2022 elections.
Noong September 21, nagdeklara na si Jolo Revilla ng kanyang intensiyong tumakbo bilang kongresista sa unang distrito ng Cavite. Matatapos na ang kanyang tatlong termino bilang bise gobernador ng lalawigan.
Sumapi rin si Jolo sa LAKAS-CMD party kasama ang Kapamilya actor na si Nash Aguas, na tatakbo namang konsehal sa Cavite City.
Nauna na ring nagdeklara ng kanyang kandidatura sa pagka-presidente si Senator Ping Lacson, ka-tandem ni Senate President Tito Sotto sa pagka-bise presidente.
Sumunod namang nagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte, na tatakbo sa pagka-bise presidente sa 2022.
Ang Fighting Senator na si Manny Pacquiao ay naghayag na rin ng kandidatura sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Gayundin si Manila Mayor Isko Moreno, kasama si Dr. Willy Ong na kanyang vice-presidential candidate.
Si Yul Servo, na kasalukuyang kongresista ng Maynila, ay tatakbong bise alkalde sa lungsod. Ka-tandem niya incumbent Manila Vice Mayor Honey Lacuna, na tatakbo namang mayor.
Nagpahiwatig na rin sina Aiko Melendez at Arjo Atayde na tatakbong kongresista sa kanilang distritong kinabibilangan sa Quezon City.
Ang baguhang aktor na si Javi Benitez ay tatakbong mayor ng Victorias City, Negros Occidental.
Malalaman natin ang iba pang personalidad na tatakbo kapag nag-file na sila ng certificate of candidacy (COC) sa October 1 hanggang October 8.
