Tiniyak ni Froilan Canlas na naging maayos ang pag-alis niya sa bakuran ng It's Showtime management, na siyang namamahala sa career ng winners ng singing contest sa programa.
Si Froilan, isang voice coach at singer, ay third placer sa Season 1 ng "Tawag ng Tanghalan (TNT)," ang singing competition sa Kapamilya Channel noontime show na It's Showtime.
Hindi nangangamba si Froilan TNT sa posibilidad na maparatangan siya ng netizens na "walang utang na loob" o "nang-iwan sa ere" dahil sa pag-alis niya sa ABS-CBN sa gitna ng kawalan ng prangkisa ng network.
Pahayag niya, "Napapanood, nababasa ko 'yan sa social media sa halos lahat ng artists.
"Pero I think kailangan lang nating ipaliwanag nang maayos kung ano ang pinanggagalingan natin para may pagbabasehan din ang mga tao sa opinyon nila.
"Pero kung papaniwalaan mo man o hindi, kung magugustuhan man nila ang sasabihin mo o hindi, siguro ang importante ipaliwanag natin nang maayos kung bakit tayo umalis."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Froilan sa contract signing niya sa MAK Entertainment noong Sabado, October 23, sa Avelina's Kitchen sa Quezon City.
Kasabay niya sa contract signing si Keifer Sanchez na isa sa trio singers na TNT Boys.
Ayon kay Froilan, nagpaalam siya nang maayos kay Reily Santiago, ang business unit head ng Kapamilya noontime show.
"Nagpaalam ako this year lang," aniya.
Pinayagan siya ni Reily sa desisyon niyang lumipat sa MAK Entertainment, isang U.S.-based company na nagproprodyus ng concerts at nagma-manage ng artists.
Patuloy ni Froilan, "Ngayong year lang ako parang in-invite. Ngayong year lang nag-decide ang MAK Entertainment na kunin kami bilang artists, nung 2021 lang mismo.
"Nung nagpaalam kami sa Showtime management na magpa-release, pinagbigyan naman kami ni Sir Reily Santiago. Nagpapasalamat ako kay Sir Reily."
WHY FROILAN LEFT IT'S SHOWTIME
Naging tapat si Froilan na ang kawalan ng trabaho sa It's Showtime at ang pagnanais na may pagkakitaan ang isa sa rason kung bakit siya lumipat.
Paliwanag niya: "Nung 2018, naging stagnant na rin yung career natin, wala na rin ako halos ginagawa.
"Parang nagko-coach na lang ako sa ABS at that time, since 2018-2019, nag-coach na lang ako.
"Saka at that time na nagko-coach ako, parang wala na rin sa passion ko yung pagkanta. Parang ayoko na ring kumanta, paminsan-minsan na lang.
"Tapos nung dumating yung MAK Entertainment Services, parang nabuhay uli yung passion ko sa pagkanta at ituloy uli dahil very supportive sila sa ginagawa namin.
"Nandun sila sa lahat ng aspects."
HOW MAK HELPED HIM IN HIS TIME OF NEED
Pagbabahagi pa ni Froilan, malalim ang rason kung bakit pinili niya ang MAK Entertainment na maging bagong management.
Dito niya naikuwento ang pagkakasakit ng ina kung saan ang MAK ang isa sa tumulong sa kanya.
"2019, under Showtime management pa ako at that time. Nagkasakit ang nanay ko, kidney failure then kumplikasyon sa baga, sa puso, and until now bedridden na siya.
"Naubos yung savings ko kasi labas-pasok sa hospital. During pandemic, nawalan tayo lalo ng kakayanan na talagang ipasok si Nanay sa hospital."
Tiyempo namang nakilala niya si Ferdie Mak na siyang may-ari ng MAK.
Kuwento ni Froilan, "Yung MAK family, siguro mga March 2020, before pandemic, nag-enroll sila sa akin, in-enrol nila ang anak nila na si Kayla Franchesca na co-artist din namin sa MAK Entertainment.
"Nag-enroll sila, nung ongoing yung classes namin, siguro June or July binalik na naman namin yung nanay ko sa hospital, isa sila sa tumulong sa akin na maisalba ang buhay ng nanay ko.
"Hindi lang siguro dahil tinulungan nila ang nanay ko kundi napakabuti nilang tao at sila ang mga tamang tao na makakatulong sa akin sa pag-push ng ating career."
UPCOMING PROJECTS
Inisa-isa rin ni Froilan ang mga trabahong nakalinya niyang gawin bilang MAK artist.
"Sa ngayon, ang na-discuss sa amin tours, concerts here and abroad.
"Ngayong araw mayroon agad, ito yung Love United with Sheryn Regis.
"Bukod dun, nung October 15, nag-release ako ng single na ang title is 'Stalker.'
"Available 'yan sa lahat ng digital platforms—Spotify, iTunes, at Apple Music.
"Tapos mayroon akong music video na ipri-premiere sa concert namin. Nakaka-overwhelm."
Use these Zalora vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.