Hindi nagdalawang-isip si Angeline Quinto na sagutin ang tanong kung may true love ba siya ngayon.
“Meron po,” mabilis na sagot ng Kapamilya singer nang tanungin ni Karen Davila sa YouTube channel ng broadcaster nooong October 23, 2021.
Tiniyak din ni Angeline na seryoso ang kanyang relationship, bagamat non-showbiz ang lalaki.
“Mas bata lang sa akin nang konti,” pakli niya.
Love at first sight ba ang nangyari sa kanila?
“Hindi naman. Baka siya!” hirit ni Angeline, na sinundan niya ng halakhak.
Nagkakilala raw sila noong nakaraang taon.
Naging tulay raw ang kanyang mga kaibigan sa Sampaloc, Manila para magkakilala sila ng kanyang kasalukuyang boyfriend.
“So, one time, nagkayayaan po na lumabas. So, doon kami first time na nagkita hanggang sa tuluy-tuloy,” sabi ni Angeline.
“Nung nagkakilala po kami, una, di ba, pagka nahihiya ka, ipapadaan mo sa kaibigan, ganoon.
“Tapos yung boyfriend kasi ng kaibigan ko, yun ang kaibigan niya.”
Bakit pinili niya ang non-showbiz?
Sagot ni Angeline, “Mas gusto ko na labas na sa trabaho ko rin.”
Pumreno si Angeline nang tanungin ni Karen ang pagkakakilanlan ng nagpapatibok sa puso ng singer.
“Papakilala ko na lang next year,” paiwas na sagot niya.
“Parang mas gusto ko na mas private na lang kasi, siyempre, yung trabaho namin masyado nang alam ng publiko.”
Bagamat naging tikom ang bibig ni Angeline pagdating sa kanyang love life, napabalita na ang kanyang karelasyon ay isang non-showbiz guy na nagngangalang Nonrev Pelayo Daquina.
Pero nasangkot sa kontrobersiya si Nonrev nang magpakilala ang isang babaeng nagngangalang Elisha Arellano, na kinakasama umano ni Nonrev.
Inakusahan ni Elisha na ginhost umano siya ni Nonrev.
Kasunod nito, mas naging maingat si Angeline kapag natatanong tungkol sa kanyang love life.
ON ERIK SANTOS
Samantala, nagpaliwanag din si Angeline kung bakit naudlot ang nasimulang pagkakamabutihan nila ng kapwa singer na si Erik Santos.
Inintriga ni Karen si Angeline kung hanggang saan ang naging turingan nila ni Erik.
Ayon kay Angeline, “Singing partner ko talaga siya. Isa sa napakamatalik kong kaibigan sa industriya.”
Botong-boto nga raw kay Erik ang late adoptive mother ni Angeline na si Mama Bob.
Pag-amin pa ni Angeline, totoong binigyan nila ni Erik ng chance na magkadebelopan pero sadyang hindi ito umubra.
Saad niya, “Totoo, ginawa namin iyon. Kaya lang, talagang para lang kaming natatawa sa isa't isa.
"Kasi sabi ko, ‘Pogs, wag na nating pilitin. Talagang magkaibigan lang tayo.’
“Kasi minsan magiging sweet kami, tapos wala, matatawa lang kami. May mga ganoon naman.
“Sa sobra naming malapit na magkaibigan, lahat ng personal na nangyayari sa buhay pag-ibig niya, alam ko.”
Hinahangad din daw ni Angeline na lumagay sa tahimik at magkapamilya sa tamang oras.
Aniya, "Darating naman po tayo sa pagkakataon na iyan.
"At dinadasal ko rin iyon, siyempre, ngayon wala na akong kasama na. Wala na ang Mama Bob.
"Siguro darating din iyon magkaroon ako ng magandang pamilya."
