"Bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magalit."
Tila nababagay ang lumang kasabihang ito sa saloobin ni Aicelle Santos tungkol sa talamak na korapsyon sa buwis na ibinabayad ng taong-bayan.
Pinutakti si Aicelle ng bashers na tagasuporta ng mga pulitikong pakiramdam nila ay pinatatamaan ng singer-actress. Gayong walang partikular na personalidad na tinukoy si Aicelle sa kanyang Facebook post kahapon, November 22.
Pahayag ni Aicelle (published as is): "Kakabayad lang ulit ng tax. Haaay sana nararamdaman natin ang buwis na binabayad!
"Eh binubulsa lang naman nila! Kaya next year PLS LANG, WAG boboto ng magnanakaw o may history sa pamilya ng magnanakaw dahil lilimasin lang nila ang natitirang lakas at pinaghihirapan ng Pilipino!"
May mga nagsabing nawalan daw sila ng gana kay Aicelle dahil sa post nito.
"Obligasyon" daw ni Aicelle na magbayad ng buwis, at hindi na kailangang "manira" ng mga pulitikong dinedepensahan ng bashers ng singer-actress.
May nagsabi pang "keep quiet" na lang si Aicelle kung ayaw nitong mabatikos.
AICELLE TO BASHERS: "YOU'RE VERY WELCOME TO UNFOLLOW."
May sagot si Aicelle sa bashers.
Malinaw na nabasa niya ang mga batikos sa kanya kaya siya naglagay ng postscript bilang "update" sa kanyang original statement.
Ayon kay Aicelle, wala siyang binabanggit na personalid na susuportahan niya sa 2022 elections.
Pero pinangunahan na siya ng bashers na nagbansag sa kanyang supporter ng kandidatong tingin ng mga ito ay kalaban ng kandidatong sinusuportahan ng mga ito.
Aniya: "Nakakatawa! Ang daming nagreact!
"Guys, i'm not endorsing anyone. I don't have my final candidates yet, FYI!
"But this has been a general personal sentinent for several years now."
Sa mga nagsasabing manahimik siya kung ayaw niyang ma-bash, nanindigan si Aicelle na karapatan niya bilang Filipino ang maghayag ng sentimyento ukol sa gobyerno.
Diin pa ni Aicelle, "Nagra-rant tayo dahil may karapatan tayong magsalita.
"Now if you do not like my post, you're very welcome to unfollow!"
AICELLE'S SUPPORTERS
Umabot ng 3,600 comments ang Facebook post ni Aicelle.
Pero marami man ang bumatikos sa singer, mayroon din siyang mga tagasuportang nagtanggol sa kanya.
Kakatwa raw na "may masabi lang na magnanakaw sa post sapul na sapul kayo agad."
Sinabi pa ng ibang supporters ni Aicelle na karapatan nito ang "maglabas ng hinaing" sa gobyerno.
Magrespetuhan na lang daw ng opinyon, lalo pa't "wla siyang binanggit na pangalan."
Sabi pa ng netizen (published as is): "kung kutob niyo kandidato nyo pinapatamaan nya..kayo ang may problema."