Inamin ng ABS-CBN na hindi tama ang inakto ng ABS-CBN employee na sumenyas ng middle finger sa mga miyembro ng grand caravan na kinakampaya sina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.
Pero dumaing din ang network sa anila'y pangha-harass ng caravan attendees sa ABS-CBN News team na nag-cover ng event.
Kaugnay ito ng viral video na kuha sa insidente sa Quezon City noong December 8.
"We regret the incident involving an employee who made an offensive hand gesture as they were being harassed by a group of people attending a political caravan," bungad na pahayag ng pamunuan ng ABS-CBN.
Natanggap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kopya ng media statement ng ABS-CBN ngayong Biyernes ng hapon, December 10.
WHAT HAPPENED?
Sa viral video sa social media, makikita ang build-up ng traffic sa highway na nasakop ng mga Marcos-Duterte supporter.
Kasabay nito ay dumaan ang isang ABS-CBN van sakay ng natukoy na news team ng network.
Napahinto ang ABS-CBN van habang ilan sa Marcos-Duterte supporters ang paulit-ulit na sumigaw ng "Bias! Bias! Bias!"
Isang lalaki ang lumapit pa sa bintana ng van at todo sigaw ng "Bias!" habang panay ang wasiwas ng kanang kamao.

Sa gitna ng tensiyon, ang ABS-CBN employee na nasa passenger seat ng van ay naglabas ng kamay sa bintana at sumenyas ng middle finger sa mga nagka-caravan.

Umandar na rin ang van kaya hindi na lumala pa ang tensiyon.

ABS-CBN'S APPEALs for "respect" from SUPPORTERS OF POLITICAL CANDIDATES
Sa patuloy na pahayag ng ABS-CBN, siniguro nitong hindi nila basta palalampasin ang inakto ng ABS-CBN employee.
Pero umapela rin ang Kapamilya network na sana ay manaig ang respeto sa bawat tao sa mga magaganap pang political caravans.
Idiniin din ng ABS-CBN na patas at hindi biased ang news coverage nito sa mga political campaigns.
"We expect our news teams to maintain the highest level of professionalism and integrity at all times, regardless of any provocation and hostility they may face.
"We also appeal to supporters of political candidates to treat everyone with respect, including members of the media who are doing their best to cover the political campaigns in a manner that is accurate, fair, and impartial.
"We assure the public that we are addressing this incident based on the company’s code of conduct for employees."
Si Ferdinand Marcos Jr., o may palayaw na Bongbong, ay tumatakbong pangulo sa 2022 elections.
Si Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni incumbent President Rodrigo Duterte, ay kumakandidato sa pagka-bise presidente.
Ang ABS-CBN ang isa sa mga TV network na ipinasara ng diktador at former President Ferdinand Marcos, ama ni Bongbong, nang magdeklara ito ng batas militar o martial law noong September 21, 1972.
Ang pagpapatalsik kay Marcos sa puwesto noong February 25, 1986 dahil sa unang People Power Revolution sa EDSA ang naging instrumento para ibalik ng Cory Aquino government sa pamilya Lopez ang ABS-CBN noong July 16, 1986.
Makalipas ang tatlumpu’t apat (34) na taon, muling nagsara ang ABS-CBN noong July 10, 2020 dahil pinagkaitan ng prangkisa ng mga miyembro ng House of Representatives ang Kapamilya Network.
Naniniwala ang supporters ng ABS-CBN na malaki ang kinalaman ni President Duterte sa nangyari.
