Isusulat sana ni Rita Daniela ang gusto niyang iparating sa ka-love team na si Ken Chan.
Pero matapos ang special screening ng MMFF 2021 entry nilang Huling Ulan sa Tag-araw noong Disyembre 13, Lunes, sa Gateway Mall, Quezon City, isiniwalat na niya ang kanyang saloobin.
Mabining salaysay ni Rita, “Nagdadasal talaga ako. Kasi, di po ba dati, magpapaalam na po dapat sana ako sa showbiz?
“Tapos, nagdasal po ako, ‘Lord, kung talagang para dito po ako sa showbiz, sige po, push po natin ‘yan.’
“Tapos, nagdasal po ako, ‘Lord, bigyan Niyo po ako ng tamang tao around me.’
“And then, kanina po, naisip ko, habang pinapanood ko po yung pelikula… paano kung hindi si Ken yun?
“And I’m just really, really grateful that I am experiencing this moment with him.
“Kasi, kung hindi siya, kaya ko talagang sabihin kay Lord, ‘Lord, kung hindi siya, huwag na lang!’
“Kasi, promise po, alam naman po ng lahat kung gaano kahusay na aktor si Ken Chan.
“Kaya hindi rin po ako makakapagbigay ng ganung trabaho kung hindi rin po mahusay yung kaeksena ko po.
“So, I just want to honor him,” sambit ni Rita, na tumingin kapagkuwan sa katabing si Ken, “and thank you for everything.”

NOT READY TO HAVE ANOTHER PARTNER
Hindi agad nakahuma si Ken nang hingan ng reaksiyon sa makabagbag-damdaming pagpupugay ni Rita. Biro ng Kapuso actress, kinilig ang ka-tandem.
Pahayag ni Ken, “Lagi niyang sinasabi sa akin yun actually, pero sinasabi ko po sa kanya, ‘Hindi ako yung dahilan. It’s you.’
“Ganun siya kagaling na aktres talaga, and every time, lagi kong ipinapaalala yun sa kanya.
“Ang masasabi ko lang sa kanya lagi, ‘O, basta huwag lalaki ang ulo mo, ha?!’ Sobrang galing po niyang artista.
“And sobrang blessed ako, and thankful ako na… hindi lang dito sa proyektong ito kundi sa mga proyekto namin sa GMA 7.
“Sabi ko lagi sa kanya na, ‘Hindi ko kakayanin, hindi pa ako handa, hindi pa siguro ako handa na makaparehas ang iba. Kasi, nasanay na ako sa ‘yo, sa amoy mo, sa lahat!’ Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!
“Alam mo, sa totoo lang, para talagang nagkaroon ka ng totoong girlfriend kapag may love team ka.
“Kasi, alam mo yun na parang… alam mo yung pakiramdam na kapag may karelasyon ka, sanay ka na sa amoy niya.
“Sanay ka na sa lahat. Ganun din pala kapag love team, kapag nakaparehas mo na. Para kang makikipag-break or feeling mo, parang magiging ex mo siya.
“Yung ganun ang pakiramdam pag sinabing may makakaparehas kang iba. And sabi ko nga, sa lahat ng mga ginawa kong proyekto, sobrang blessed ako.
“Dahil hindi rin lalabas yung akting ko kung hindi siya yung kasama ko, and I always tell her, ‘I’m very, very blessed and happy na ikaw yung nakakasama ko sa mga project.’”

LOVE SCENE AT PAGSANJAN FALLS
Love story ng seminaristang si Luis at pokpok na si Luisa itong Huling Ulan sa Tag-araw.
Pakiwari ng yayamaning seminarista, misyong ibinigay sa kanya ng Panginoon na mapagbago ang masigasig na pokpok at mahango ito sa putik.
Ikinubli ni Luis kay Luisa na isa siyang seminarista, at paniwalang-paniwala ang dalaga sa kasinungalingan ni Luis.
Kapwa hindi pa nakakaranas umibig at ibigin ang dalawa, at hindi nila sukat-akalain na uusbong at yayabong ang wagas na pag-ibig sa kanilang pagitan.
Ang harut-harot ni Luisa na pasimpleng dinakma ang harapan ni Luis. Habang magkatabi sila sa bus, ipinatong ni Luisa sa dibdib niya ang kamay ng binata sa kanyang dibdib.
Nakakawindang para kay Ken ang pagsusyut nila ng music video sa Pagsanjan Falls, kung saan hinubad ni Rita ang pang-itaas na saplot.
Napapailing na sambit ni Ken, “Hindi ko po makakalimutan ‘yan. Nakita ko po talaga ang totoong Pagsanjan Falls.”
Kinunan ba yun after ng maalab nilang love scene? Nadarang ba si Ken sa pagpatong ni Rita sa kanya?
“Opo, after… after na po nung love scene na ginawa po namin. After po nun, dun po namin syinut,” tila nauutal na lahad ni Ken.
“Kasi, nung syinut po namin yung music video, sa huling part na po yun. Last… last… parang sa huling araw ng shooting namin.”
May naramdaman ba si Rita sa love scene?
Napamulagat si Rita, “Ha? Bababa na siya pero nakita mo, itinayo. Kasi, ayaw siyang bastusin dahil mahal siya.
“Ganun! Di ba?! Anong naramdaman ko? Masarap…
“Ano… Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Diyos ko, aarte pa ba ako?! Ken Chan ‘yan, ‘no?! Ang guwapu-guwapo, aarte pa ba ako?! Di ba?! Happy to serve!!!”

