May reaksiyon ang beauty queen na si Sharifa Akeel kaugnay ng pakikipag-bonding ng asawang pulitikong si Esmael “Toto” Mangudadatu sa dating karelasyon nitong si Ynez Veneracion at sa kanilang anak na babae.
Taong 2010, napaulat na may relasyon ang aktres na si Ynez kay Mangudadatu, na kasalukuyang Maguindanao Second District representative.
Nauwi ito sa hiwalayan pero nagkaroon sila ng isang anak — si Princess Keilah del Rosario, 10.
Asawa naman ngayon ni Toto si Sharifa, na kinoronahang Miss Asia Pacific International noong 2018.
Nitong December 27, 2021, ipinost ni Ynez ang bonding moment nila ni Toto at ng kanilang anak sa isang restaurant sa Greenbelt 3 sa Makati City.
Pinasalamatan ni Ynez si Toto sa pagiging “good father” nito sa kanilang love child.
“Until next time,” bahagi pa ng caption ni Ynez.
Sa comments section, nag-iwan ng mensahe ang current wife ni Toto na si Sharifa.
Tatlong red heart emojis ang komento ng beauty queen, indikasyong aprubado siya sa bonding ng kanyang politician husband sa anak nito kay Ynez.


Umani ng papuri si Sharifa mula sa netizens.
Tinawag siyang “supportive stepmom,” “a true queen,” at “you aren’t selfish.”

Samantala, may indikasyong maayos din ang pakikitungo nina Ynez at Sharifa sa isa't isa. Naka-follow kasi sila sa isa’t isa sa Instagram.


YNEZ’S PAST romance WITH TOTO
Sa exclusive interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Ynez noong August 2021, sinabi niyang masaya siya sa balitang ikakasal muli si Toto.
Ang nais lang ni Ynez ay gampanan ni Toto ang responsibilidad nito bilang ama sa kanilang anak.
Sabi noon ni Ynez, “Happy ako for him. Okey lang naman 'yan na kahit ilang beses siya magpakasal, basta huwag lang niya papabayaan ang mga anak niya.
“Sana manatili siyang responsableng ama sa mga anak niya."
Naibahagi rin ni Ynez na niyaya siya noon ni Toto na magpakasal, pero tumanggi ang aktres.
“Kasi alam ko naman na maghihiwalay din kami dahil hindi ko kakayanin na madami kaming asawa,” paliwanag ni Ynez.
Ang isang lalaking Muslim ay pinapayagang magkaroon ng hanggang apat na asawa.
Naibahagi rin ni Ynez na pinagbantaan umano siya noon ng isa pang asawa ni Toto.
Sa kabilang banda, ikinasal si Sharifa kay Toto noong August 25, 2021.
