Sa kasagsagan ng mga reklamo kay Marvin Agustin noong Pasko dahil sa dismayadong customers ng negosyo nitong cochinillo, lumabas ang pangalan ni Ogie Diaz na isa sa naging tapat sa pagbibigay ng saloobin hinggil dito.
Tahasang sinabi ni Ogie na hindi siya nasarapan sa natikmang cochinillo o roasted piglet na ibinebenta ni Marvin.
Nag-ugat ito sa paghingi ni Ogie ng rekomendasyon mula sa netizens kung saan siya makakahanap ng masarap na lechon.
"Looking for cochinillo or lechon seller na masarap talaga at hindi budol. Any reco? Teka, hindi po yung seller ang kakainin ha?" saad ni Ogie sa kanyang Facebook post noong December 26, 2021.

May netizen na nagrekomenda ng cochinillo ni Marvin.
Komento ng netizen, "Marvin Agustin is the name!"
Kinontra ito ni Ogie.
Diretsahang sagot ni Ogie (published as is): "Natikman ko na yung cochinillo ni marvin, baka lang hindi kami nagkasundo nung biik sa lasa. Hahaha! Kaya hanap uli."

DISSATISFIED CUSTOMERS ON CHRISTMAS DAY
Muli itong nabanggit ng comedian/talent manager/YouTuber sa kanyang YouTube vlog noong December 28, 2021.
"Hindi aprubado ng aking taste bud," saad ni Ogie ukol dito.
Natikman daw niya ang cochinillo mula sa kitchen ni Marvin nang dumalo siya sa isang party.
Pero nilinaw rin ni Ogie na hiwalay ang kanyang reaction sa Facebook user na nagrekomenda sa cochinillo ni Marvin sa naunang opisyal na pahayag ni Marvin tungkol sa dismayadong customers nito.
December 25 pa ay nag-post na si Marvin ng paghingi ng paumanhin sa customers na dismayado sa natanggap nilang cochinillo noong December 24.
Makikita sa ilang posts ng netizens na kabaliktaran daw ng promotional videos ni Marvin tungkol sa kanyang Cochi by Marvin Agustin—kunsaan makikitang takam na takam ang aktor—ang natikman nila.
OGIE ON THRESHING OUT THINGS WITH MARVIN
Anim na araw mula nang ipalabas ni Ogie sa YouTube channel niya ang tungkol sa cochinillo issue sangkot si Marvin, noong January 3, 2022, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ogie sa simpleng birthday celebration nito.
Dito ay nilinaw ni Ogie na nakapag-usap na sila ni Marvin.
Nag-reach out sa kanya si Marvin at nakipag-usap nang maayos sa kabila ng kontrobersiyang kinasangkutan ng actor-businessman.
"Nakakatuwa si Marvin, nag-reach out siya sa akin. Nag-usap kami. Yun nga ang mapapanood niyo sa YouTube ko—very apologetic na Marvin," saad ni Ogie.
Dahil sa mapagkumbabang pagtanggap ni Marvin sa batikos na tinamo dahil sa cochinillo nito, humingi rin ng paumanhin si Ogie sa naging review niya sa cochinillo ni Marvin.
"Sabi ko sa kanya, 'Uy, Marvin, sorry ha kung napasobra ako. Napasobra ako ng opinyon,'" kuwento ni Ogie sa usapan nila ni Marvin.
Sagot daw ni Marvin kay Ogie, "Hindi, valid naman yung opinion mo. We took it constructively.
"Wala yun, Ogs, pagbubutihan pa namin next time.
"Sana matikman mo yung cochinillo namin sa susunod kasi mas papabonggahin pa namin.
"Sobra talaga itong year na ito. Di namin makakalimutan."
ON SAYING SORRY FOR HIS HONEST REVIEW
Sa madaling salita, sa halip na magpatinag sa isyu ay desidido si Marvin na pag-ibayuhin ang pag-improve sa cochinillo business nito.
Sabi raw ni Ogie kay Marvin, "Alam mo, maganda ang attitude mo. Yung iba nagmamalaki pa.
"Pero sorry kung medyo napasobra ako ng opinyon."
Malaking bagay raw kay Ogie na naging maganda ang komunikasyon nila ni Marvin matapos ang tahasan niyang review sa cochinillo nito.
Kahit nagpakatotoo lang siya, tingin ni Ogie ay tama lang na mag-sorry rin siya kay Marvin.
Paliwanag ni Ogie: "Ganun naman, di ba? Mas masarap matulog sa gabi.
"Mayroon pa ngang nag-comment, 'Nagso-sorry ka, gagawa ka na naman ng mali.'
"Malay ko ba kung mali sa iba yun sa akin tama, e.
"E, kung na-hurt kita, at sa akin di naman ako nakaka-hurt at na-hurt kita, e, di magso-sorry ako.
"Ayoko namang matulog ka rin na buwisit ka sa akin."
