Ubos na ang luha ni Alma “Len-len” Panuelo Dila — asawa ni Romano Vasquez na Romonito Romano Anacan Dila sa totoong buhay — nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Enero 25, 2022, Martes ng gabi, sa Imperial Crown Funeral Service (dating HERALD Funeral Service), Purok 6, Brgy. De Ocampo, Trece Martires City, Cavite.
Nang malagutan ng hininga si Romano, 51, noong Enero 23, Linggo ng lagpas 6:00 ng gabi, sa kanilang tahanan, pinakamalakas daw ang palahaw ay ang panganay na anak na si Angelie Kate, 22.
“Talagang nag-hysterical siya! Grabe, nanginig siya sa pagkamatay ng daddy niya!” bulalas ng 41-anyos na biyuda.
Sumunod sa malakas ang pag-iyak ay ang 16-anyos na si Albert, na isang special child.
“Anak ko si Kate sa ibang lalaki pero tunay na daddy ang pagkilala niya kay Romano,” medyo paos na salaysay ni Len-len.
“Itong si Albert, adopted namin 'yan. Ang tunay talaga naming anak ay dalawa… si Sky na 15 years old, at si Raven na 8 years old.”
Lumapit si Albert sa ina at mahigpit na yumakap habang nagaganap ang interbyu.
Related Story: Former That's Entertainment member Romano Vasquez dies at 51
Lubos din ang pighati sa pagyao ni Romano ang kapatid ni Len-len na nakapisan sa kanilang tahanan, at isa ring special child.
Dahil wagas ang atungal nung tatlo, nagpakatatag ba si Len-len para aluin ang kapatid at dalawang nakatatandang anak? O nakipagsabayan siya ng iyak?
“Oo, grabe, siyempre,” pagbuntung-hininga ni Len-len.
“Diyos ko po! Shocked din ako… Sobra, sobra… Halos 48 hours akong walang tulog dahil sa kaiiyak.”
Mabuti na lang at may mga tumulong at dumamay sa kanila para maisaayos ang labi ni Romano.
“Yung guwardya sa subdivision ang nagpatawag ng ambulansya,” kuwento ni Len-len.
ROMANO'S WIFE CLARIFIES DEBT RUMORS
Dumamay rin sa kanilang pamilya ang mga kasamahan nila ni Romano sa JC Premiere, isang direct-selling company na nag-o-offer ng health, beauty, wellness and personal care products .
“No question sa JC Premiere family namin. Sa JC Premiere kasi, hindi lang basta negosyo. Hindi lang pera-pera,” sambit ni Len-len.
“Talagang bukas ang kamay nila para tumulong. Hindi mo kailangang humingi, alam nila.”
May mga naghahabol daw na pinagkautangan ni Romano?
“Wala na. Regarding sa mga utang-utang na nagko-comment — walang tao na walang utang ngayong pandemic!” pagdidiin ni Len-len.
“OK? Normal yun. Kahit sobrang ano kasi ako, may nabasa ako, napabayaan daw ng kumpanya [JC Premiere].
“Paanong napabayaan ng kumpanya, sige nga, question, paano mapapabayaan? Maayos naman ang buhay namin, di ba?
“So, may mga bagay lang tayo siyempre, may kanya-kanya tayong kahinaan, e.”
Ano ang masasabi niya sa mga nagpapalutang ng kung anu-ano tungkol kay Romano? Patay na nga ito, ayaw pang patahimikin ng iba…
“Hindi talaga natin maiiwasan ang ganun. Ang akin lang, wala naman akong masasabi sa kanila dahil opinyon nila yun, di ba?” matamang tugon ni Len-len.
“So, hingi na lang dasal. Ipagdasal na lang nila. Kasi, di ba, malay mo, hindi lang ito mangyari sa amin. Baka mangyari rin sa kanila, di ba? Yun lang, wala na akong ibang masasabi.”
LIFE AFTER ROMANO'S DEATH
Labinlimang taon nang kasal sina Romano at Len-len noong Setyembre 27. Kakayanin ba niyang gampanan ang responsibilidad na itaguyod ang kanilang pamilya ngayong wala na ang haligi ng kanilang tahanan?
“Oo naman. Kaya ko naman. Wala akong ibang aasahan. Ako naman halos talaga, di ba?
“Kakayanin kong suportahan ang mga pangarap ng mga anak namin,” pagngiti ni Len-len, na bakas ang pait sa tinig at mga mata.
Nagpasalamat si Len-len sa mga dumamay sa kanilang pagluluksa, kagaya ni Harlene Bautista na kasamahan ni Romano sa That’s Entertainment.
“Nagpamisa si Harlene kaninang 11:00 a.m.,” pakli ni Len-len.
Ano ang mensahe niya kay Romano kaugnay sa kanilang pamilya?
Natigilan si Len-len at tila inapuhap sa kaibuturan ng puso ang sasabihin, “Masaya na ako… kasi, actually, ayan na siya… nakapagpahinga na, di ba?
“Ang maipa-promise ko sa kanya, hindi ko pababayaan ang mga anak namin.”
Sa Enero 28, Biyernes, ang huling gabi ng lamay kay Romano.
Sa Enero 29, Sabado, ang cremation.
