Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Dion Ignacio na nakasama niya sa trabaho ang idolo niyang si Dingdong Dantes.
Si Dion ang napili bilang stand-in actor ni Dingdong sa AlterNate—ang episode ng I Can See You, ang drama anthology ng GMA-7—dahil halos magkapareho ang height at ang tikas ng kanilang mga katawan.
Hindi madali para kay Dion ang maging double ni Dingdong dahil kailangan niyang tandaan ang mga ikinikios niya sa bawat eksena nilang magkasama.
Sa kanyang Instagram kahapon, February 1, 2022 ibinahagi ni Dion ang kanyang pasasalamat na makasama niya ang “beterano at premyadong aktor” na si Dingdong.
Masaya raw siya sa pagkapili sa kanya bilang “alternate” ng aktor sa AterNate.
Saad ni Dion, “Hanggang ngayon hndi pa din ako mkapaniwala na makakasama ko ang isa sa mga beterano at premiyadong aktor na si kuya dong @dongdantes sa isang obra na talaga namang pinag isipan at pinagugulan ng panahon, talento at sining. Sobrang proud ako na ako ang napili na ka alternate mo.”
Si Dingdong din daw ang una niyang pinakaidolong artista mula noong nag-umpisa siya sa showbiz.
Incidentally, si Dingdong ang isa sa mga host sa sinalihang reality-based artista search ni Dion, ang StarStruck noong 2003.
Marami rin daw siyang natutunan sa tinaguriang Kapuso Primetime King sa kanilang palabas.
Dagdag pa niya, “Si kuya dong ang isa sa pinakauna kong inidolo mula ng ako’y nguumpisa pa lamang sa industriyang ito, at isang karangalan ang makasama siya sa ganitong klaseng proyekto.
“Gusto kong mgpasalamat sayo Kuya Dong sa pag alalay sa akin sa lahat ng bagay, sa lahat ng mga natutunan ko sayo, at paniguradong dadalin ko iyon sa buong panahon ng aking karera.
“Hangad ko na muli ay makatrabaho ka sa mga susunod na proyekto.”
Nagpasalamat din si Dion sa bumubuo ng AlterNate sa tiwalang ibinigay sa kanya pati na sa mga sumusubaybay nito.
View this post on Instagram
Magwawakas na sa darating na Biyernes, February 4, ang Alternate.
