Binalaan ni Melai Cantiveros ang isang fan ng young actress na si Francie Diaz dahil sa panlalait nito sa anak ng comedienne-host.
May dalawang anak na babae si Melai sa asawang si Jason Francisco.
Banta ni Melai sa fan, ipahahanap at idedemanda niya ito dahil sa pagtawag nito ng “pangit” sa kanyang anak.
Nitong Huwebes, February 3, 2022, ipinost ni Melai ang screenshot ng palitan niya ng komento sa netizen na may handle name na @stan.francine.chin.
Sabi ng fan kay Melai (published as is): “Epal mo din e ano. Wag mo i ship si Kyle kay chie anak mo nga ang pangit.”
Ang tinutukoy ng fan na "Kyle" ay si Kyle Echarri at ang "Chie" naman ay si Chie Filomeno.
Naging malapit sina Kyle at Chie sa PBB House.
Si Kyle naman ay naging ka-love team ni Francine.
Noong February 2, 2022 ay naging guest sa Magandang Buhay si Kyle, at posibleng doon tinukso ni Melai si Kyle kay Chie.
Matapang naman ang sagot ni Melai sa panlalait ng basher sa kanyang anak.
Ani Melai (published as is): “Humanda ka @stan.francine.chin papahanap ko sa nbi ang account mu mahahanap kita at dedemanda kita sa sinabi mu sa anak ko ,
“Ako sabihan mu ok lang wag ang anak ko, kahit itlog ka kahit magdeactivate ka , alam ko fans ka ni francine @francinesdiaz mahahanap kita”

Sa comments section, isa pang netizen ang nagsabing sana ay hindi na lang itinag ni Melai si Francine dahil baka mabagabag pa ang young actress.
Sagot ni Melai, bilang “ate” ni Francine, kailangan niyang ipaalam sa young actress na may supporter itong di dapat pamarisan.

Sina Francine at Melai ay nagkasama at naging malapit sa teleseryeng We Will Survive (2016).
MELAI GIVES UPDATE ABOUT RIFT WITH FRANCINE’S FAN
Pagkalipas ng ilang oras, nagbigay ng update si Melai.
Ipinost niya ang screenshots ng pagmamakaawa sa kanya ng fan ni Francine. Todo-paliwanag ito sa kanya.
Mababasa na sinabihan ni Melai ang fan na mag-sorry sa kanya.
Mensahe pa ni Melai: “Wag mu uulitin kahit hindi artista. At wag anak [ko] Kasi babalika[n] ka.”
Nag-sorry ang fan. Pinatawad ito ni Melai.
Paalala pa ng comedienne-host, itigil na ng fan ang pamba-bash.
Sa caption ni Melai, ikinuwento niya ang palitan nila ng mensahe ng netizen.
Itinanggi pa raw ng fan na hindi siya ang gumawa ng komento, pero sa tingin ni Melai ay nagpapalusot lamang ito.
Sa huli, tinanggap ni Melai ang sorry ng basher.
Paalala ni Melai (published as is), “hayan maging lesson yan na wag basta magpadala sa feelings tapos pipindut nalang na di inaalam kng may mahuhurt kaba na damdamin ,”
“Matuto tayu Rumespeto ng tao , Respeto is the key para sa matiwasay na buhay ,
“kng di mu gustu ang sinasabi ng ibang tao Irespeto mu, and lets mind our own business at last magpatawad at magmahalan .”

At this writing ay deactivated na ang Instagram account ng basher.
