Matapos ang ilang linggong usap-usapan, kinumpirma ni Barbie Imperial na hiwalay na nga sila ni Diego Loyzaga.
Tumagal ng isang taon ang kanilang relasyon. Ipinagdiwang nila ang kanilang first anniversary noon lamang December 12, 2021.
Inamin ni Barbie ang breakup nila ni Diego sa entertainment reporter na si MJ Felipe ng ABS-CBN News, Huwebes, February 3, 2022.
Hindi na humarap sa camera si Barbie at hindi na rin siya nagbigay ng paliwanag sa paghihiwalay nila ni Diego.
Ang tiniyak daw ni Barbie, maayos ang paghihiwalay nila ni Diego.
Kasalukuyang nasa California, U.S.A., si Diego.
Si Barbie naman ay na-interview ng press nito lang Huwebes sa virtual press conference ng The Goodbye Girl, na ipalalabas sa IWantTFC sa darating na Valentine’s Day.
Hindi man direktang inamin on-cam ni Barbie ang paghihiwalay nila ni Diego, naging makahulugan ang kanyang mga sagot sa relationship questions ng press.
BARBIE'S HUGOT ANSWERS ON QUESTIONS ABOUT LOVE
Tinanong si Barbie kung ano ang recent lesson na natutunan niya pagdating sa pag-ibig.
Sagot niya, “Pag naririnig natin yung mahalin mo muna ang sarili mo bago ka magmahal ng iba, parang gasgas na, di ba?
“Pero yung natutunan ko sa mga past relationships ko was kailangan mo pala talagang mahalin ang sarili mo. Totoo pala yun.”
Siya raw kasi ang tipong patuloy inuuna lagi ang iba pagdating sa pagmamahal.
“Paubos na ako nang paubos, bigay pa rin ako nang bigay ng love sa ibang tao.
“So, parang nung finally natutunan ko na, baka kaya paulit-ulit na nangyayari sa akin ito, kasi di ko talaga minamahal ang sarili ko.
“Kasi it’s like all the same stories [with] each boyfriend.
“So, for me, parang what if ibahin ko ngayon? Sarili ko naman ang mahalin ko and then let’s see kapag…” natigilan si Barbie.
“Too much details. Delete!” sabay tawa niya.
“If you don’t love yourself talaga, parang ang mangyayari, go with the flow ka na lang.
“Love yourself para buo ka. Yung tapang mo nandiyan, yung paninindigan mo nandoon.”
Isa pang ibinatong tanong sa kanya ay kung kailan siya nagpapaalam sa isang relasyon.
“Hindi talaga ako yung mabilis mag-give up na girlfriend,” sagot ng Kapamilya actress.
“But if I feel like the other person is not growing with me, that’s the time I say goodbye na talaga.
“Kasi para saan pa ako mag-i-stay if parang wala na akong naaambag sa growth mo, if wala na akong maitutulong sa iyo?”
Sa kabilang banda, kahit kinumpirma ni Barbie na break na sila ni Diego, patuloy nilang pina-follow ang isa't isa sa Instagram.
Kapansin-pansin ding hindi pa rin nila binubura ang kanilang couple photos sa kani-kanilang Instagram accounts.
